[ Kabanata XI ]
MUNTIK nang maibuga ni Teodoro ang tubig na iniinom nang makita si Leonora. Inilapag kasi nito sa gitna ang isang plorera na naglalaman ng mga bulaklak na rosas. Mabilis siyang nagpunas ng labi at umaktong walang nangyari.
Nilingon niya ang katabi. Abala si Khalid sa pagsasaayos ng mga kutsara at tinidor. Natutuliro naman mula sa likod nila ang iilang kasambahay dahil sa takot na baka makita ni Luciano na si Khalid ang gumagawa ng mga gawain nila. Nagboluntaryo kasi si Khalid na siya ang maglalapag ng mga kutsara at tinidor kasi bored siya.
"Amigo," mahinang pagtawag ni Teodoro. Sandali nang napalingon si Khalid at ipinagpatuloy ang ginagawa.
"Hindi mo ba nabigyan ng bulaklak si Señorita Verena?" bulong niya. Napahinto naman si Khalid at nilingon siya.
"Huh?"
"Wari ko'y nagpaparinig siya sa iyo. Sa tingin ko ay nais niyang bigyan mo siya ng bulaklak na inilalako mo sa libreria. Ilang araw na siyang nagpaparinig sa iyo, hindi mo ba iyon alumana?"
Kumunot ang noo ni Khalid. Inalala niya kung alin sa mga pangyayari nitong nakaraan ay ibig sabihin ni Teodoro na nagpaparinig si Leonora.
Ilang sandali lang ay naalala niya na magmula nang makita ni Leonora ang mga bulaklak na ibinebenta nila, madalas itong magkuwento at magpakita ng pagkahilig sa bulaklak na rosas. Noon una'y tinanong sila nito kung ano ang paborito nilang bulaklak tapos sinabi nito na paborito niya ang rosas. Kinabukasan niyon ay nagkuwento ito kung bakit niya paborito ang bulaklak ng rosas. Sa sumunod na araw naman ay nagdala ito ng vase na may bulaklak ng rosas at ginawang palamuti sa libreria. Kay Khalid ito unang nagbigay-alam na lalagyan niya ng mga bulaklak ng rosas ang libreria upang mas maakit ang mga parokyano.
Paminsan-minsan din itong dumaraan sa harapan niya habang may hawak na bulaklak ng rosas, tila nagpapapansin. Tapos ngayong gabi naman ay naglagay ito ng vase ng rosas sa harap mismo ng pag-aayos ni Khalid ng mga kutsara at tinidor.
Lalong kumunot ang noo ni Khalid nang ma-realize niyang nagpaparinig nga talaga si Leonora. Kumunot ang noo niya dahil sa katunayan, si Leonora pa nga ang una niyang binigyan ng bulaklak.
Napansin ni Khalid na madalas nakaupo at nakatingin sa bintana si Leonora. Paminsan-minsan ay nararamdaman niya na nakatingin ang dalaga sa kaniyang direksiyon.
Ilang araw na siyang namamalagi sa tahanan nina Luciano. Noong unang araw niya sa libreria at sa opisina ni Luciano ay sinuhulan agad siya ng salapi. Nang sa gayon ay makabili raw siya ng kaniyang mga nais.
Ginamit niya ang pera pambili ng pula at berde na tela ng laso, barbeque stick, isang karayom, kulay pulang sinulid, at isang kandila. Nagsimula siyang gumawa ng ribbon flower. Humingi rin siya ng papel de seda (tissue paper) kay Luciano dahil hindi na niya nabili yun. Hindi na kasi kasya sa pera niya.
Sinimulan niya ang paggawa ng mga talulot. Noong una ay kinabahan siya dahil naramdaman niyang nakatingin sa kaniya si Leonora mula sa isang bintana sa ikalawang palapag. Ngunit mabilis niyang ibinalik ang pokus sa paggawa. Alam naman niya na walang ideya si Leonora kung ano ang ginagawa niya.
Natapos niya ang paggawa ng apatnapu't walong talulot sa loob lamang ng ilang minuto. Matapos niyon ay bumalik na siya sa loob upang matulog dahil nais niyang magising nang maaga bukas upang makapagtahi.
INABUTAN ng kalahating oras si Khalid sa pagtatahi ng tatlong bulaklak. Ginawa niyang bouquet wrapper ang papel de seda na hiningi niya. Mukha itong makatotohanang bouquet of roses.
Alas kuwarto pa lamang ng umaga. Lumabas siya ng mansiyon at nagtungo sa direksiyon ng bintana ni Leonora. Nahirapan siya sa pag-akyat dahil hindi niya masyadong nababalanse ang paa niya sa maliliit na espasyo na maaari niyang tapakan. Nang mailapag niya ang rosas sa isang sulok sa ibaba ng bintana ni Leonora, aksidente siyang nahulog. Mabuti na lamang at makapal na damo ang sumalo sa kaniya kaya hindi ito masyadong nakagawa ng ingay.
YOU ARE READING
Eleanor (Series #1)
Historical FictionUnang Serye A young man wishes to be sent back to the Spanish era. He thinks that life was easier in those days, even though Las Islas Filipinas were under Spanish control. This is because he is tired of his life. But as they say, "Be careful of wha...
