✎
CINCO'S POV
Nung makabawi ako sa iyak, bumalik ako sa bahay. Nanghihina akong lumapit kay Lola at niyakap siya ng mahigpit habang buhat-buhat pa rin ang kapatid ko. Nagtataka si Lola nun pero dinamayan niya ako hanggang sa kumalma na talaga ako ng lubusan.
"Anong nangyari ba, Cinco?" Tanong ni Lola.
Hindi ako nakasagot kaagad. Ramdam ko pa ang panginginig ng labi ko bago ko pinilit ang sarili na magsalita. Ikinwento ko kay Lola ang nangyari. Tahimik lang siya at inuunawa ng lubos ang sinabi ko.
"Totoo ba 'yan, Cinco?" Sabi ni Lola nung makwento ko ng buo.
Tumango ako. "Patawas natin si Uno, La. Binati kasi siya. Baka kung anong mangyari..." Pamimilit ko.
"Bukas, Cinco. Pamahiin na bawal paulit-ulit ang balik don ng dalawang magpamilya para magpatawas."
"Pero, si Ken lang naman po ang napatawas natin! Isang beses palang! Baka pwedeng pangalawa si Uno?"
Bumuntong-hininga si Lola at umiling. "May bukas pa, Cinco. Magiging maayos lang ang kapatid mo." Binuhat niya si Uno at hinaplos ang buhok ko. "Hayaan mo at bukas na bukas ay ipapatawas ko 'tong si Uno. Huwag ka na mag-alala..."
Hindi na ako nakapamilit pa nung layasan ako nila Lola. Wala akong nagawa kundi kumalma nalang at panatagin ang isipan.
Ilang sandali at nagising na si Ken kasabay ng pagpunta nila Rica at Roy sa bahay. Niyaya ko sila sa park para makausap at maikwento ko ang nangyari sa amin ni Uno.
"Gagi, we?!" Gulat na reaksyon ni Ken nung maikwento ko sa kanila. "Creepy, Cin!"
"Totoo!" Sagot ko. "Kinakabahan ako para kay Uno..."
"Shocks! Baka maligno 'yon? O engkanto?" Komento naman ni Rica.
Ngumiwi ako. "Oo, baka ganon."
"What if may gusto na sayo ang engkanto na 'yon?" Asik ni Roy.
Sumuway naman si Rica. "Huy, Kuya, huwag naman. Mas okay na mabati si Cinco kesa magkagusto sa kanya ang engkanto. Delikado 'yun!"
Napalunok ako at dinungaw siya. "Anong ibig mong sabihin?"
Suminghap si Rica at naglean sa amin. "Maraming nangyayaring ganon dito. As in marami. Ang kadalasang natitipuhan ng mga engkanto ay yung mahahaba ang buhok na babae..."
Sabay na napalingon sa akin si Roy at Ken na nanlalaki ang mata habang tinititigan ang nakalugay kong buhok. Inirapan ko lang sila at pabirong hinampas.
"May narinig akong kwento, galing sa kaklase ko yun, sa ate niya ata. Sa kabilang baryo sila nakatira." Panimula ni Rica. "Nagkagusto sa ate niya yung engkanto. Mahaba kasi ang buhok non at mahinhin..."
Humalakhak si Ken. "Ekis na agad 'tong si Cinco, hindi naman mahinhin 'yan! Bayolente nga oh!" Pang-aasar nito kaya inarapan ko nalang siya.
"Tumahimik ka nga! Nagkukwento ako!" Suway ni Rica at nagpatuloy. "Tapos, ang nangyari raw, lagi ng tulala yung ate niya at wala sa sarili. Nangangayayat na rin at laging nakatanaw lang sa isang puno. Pinatawas siya at bumalik siya sa dati pero mga ilang araw lang, binawian ng buhay."
Natikom ako.
Nagpatuloy si Rica. "Ang sabi ng doctor, nagkadamage raw sa katawan dahil hindi kumakain ng tama. Sabi naman ng albularyo, kinuha na raw ng engkanto ang ate niya ng tuluyan. Hindi na raw naibalik kasi yung ate niya rin mismo na pumili na sa mundo ng mga impakto na 'yun..."