✎
CINCO'S POV
Bumalik kami ni Rica sa basketball gym nung nagpaalam na sila Erro at Simon na babalik na sa kanilang mundo. Hindi raw kasi siya pwede magtagal dahil hinahanap siya agad sa kanila. Hindi naman na namin sila pinigilan dahil wala naman kaming magagawa. Lalo na ako, hiyang-hiya ako kay Erro sa hindi maipaliwanag na damdamin. Parang nahihirapan akong humarap sa kanya ngayon lalo na't may nangyari sa aming dalawa.
Sa totoo lang, parang hindi naman bigdeal 'yon. Alam kong wala lang sa kanya ang nangyari pero sa akin, ewan ko ba. Hindi ko alam kung bakit parang na-conscious ako bigla. Nagp-play sa isip ko kung anong mangyayari kung sakaling magkahalikan man kami. Ayaw ko sanang isipin pero mashado ng gumugulo sa isip ko. Parang sobrang bigdeal sa akin 'yon kahit hindi naman dapat. Kahit hindi naman nangyari, namomroblema ako at nahihiya.
Pagbalik namin sa gymnasium, patapos na ang laban. Binilhan pa kasi namin sila Roy at Ken ng pagkain dahil ang reason nga namin ni Rica ay may bibilhin lang. Nagtanong pa nga si Roy pagdating namin kung bakit daw ang tagal namin kaya sinagot na siya ni Rica. Ang palusot niya, may nakachikahan daw kami na kakilala sa stall kaya natagalan.
"Hala, tie?!" Bumusangot si Rica matapos malaman ang ending ng laban nila Ken at Kulas. Maraming nadismaya ngunit mas marami pa ring mas naexcite dahil bihira lang magkaroon ng rematch sa larangan ng pagba-basketball.
"Astig ng laro. Sayang natagalan kayo..." Komento naman ni Roy habang kumakain ng binili namin.
Naghiyawan ang lahat matapos ang laban at announcement sa rematch ng team nila Kulas at Ken. Magaganap iyon sa ibang araw dahil may mga schedule pa sila ng laro para labanan ang ibang strand.
"Hindi ko inaasahan na magiging tie ang laro dahil madalas akong manalo. Pero, since maganda ang laban at nabuhayan ako, excited akong makalaban sila ulit." Sabi ni Ken nung kasalukuyan kaming naglalakad papalabas ng gym.
Inakbayan siya ni Roy. "Papanoorin ko kung sino ba sa inyo ni Kulas ang nararapat na maging MVP." Humalakhak ito.
Bumusangot si Ken at inalis ang pagkaka-akbay ng pinsan. "Pawis ako. Huwag ka nga munang magulo diyan..." Bumuntong-hininga siya. "Ayos lang kung mananalo sila Kulas. I know that he's better than me. Halata naman sa galaw. Ang balita ko pa sa coach namin, star ng main team 'yan. Batak na talaga maglaro. E, ako libangan lang..." Aniya.
Ngumuso si Rica. "Ken, huwag mo sila hayaan manalo! Ipanalo mo ang strand natin!" Nagteary-eyes pa si Rica, halatang ayaw magpatalo.
Tumawa ako. "Wow, parang nakipag-pustahan lang ah..." Pang-aasar ko. Humagalpak naman ng tawa si Roy.
Ngumiti naman si Ken at ginulo ang buhok ni Rica. "Kakayanin ko. Tigasan at pandiinan ang laro sa rematch, manood kayo." Sabi niya pa. Bagsak ang balikat naman na tumango nalang si Rica.
Nung tuluyan kaming makalabas, lumabas rin si Kulas, mukhang humabol. Kasunod niya si Claire at iilan niyang mga kateam na mukhang ie-enjoy na rin ang kasiyahan sa fair. Huminto siya sa harapan ko at tinanguan muna ang mga pinsan ko bago ako lingunin.
"Saan kayo? Hindi na kayo manonood ng next laban ng basketball?" Tanong niya.
Umiling ako. "Wala naman na akong kakilala sa ibang strand. Bakit?"
"Ganon ba? Saan kayo next? Kakain kayo?"
Umiling ako. "Hindi ko sure e. Bakit?"
Hindi siya agad nakasagot at nagkamot pa ng ulo kaya sinalo na siya ni Claire. Tinapik ako ni Claire at nginitian. "Gusto lang sumama sa'yo niyan..."