✎
CINCO'S POV
Si Erro na maligno ay nandito.
Ganoon pa rin ang suot niya. Pants at black na shirt sa loob ng darkblue niyang hoddie. Hindi manlang nagbago ang style niya ng pananamit. Wala rin siyang slippers o sapatos tulad ng lagi kong nakikita sa kanya. Hindi rin naman marungis ang paa niya pati ang talampakan kaya siguro wala itong problema sa kanya.
Nakangisi siya sa akin nung puntahan ko siya. Nakahalukipkip siya habang nakasandal sa pader ng mansyon.
"I-Ikaw ba ang umaasar kay Mark?" Lakas-loob kong tanong kahit na mabigat ang pakiramdam ko dahil sa presensya niya.
"Sino?"
"Kay Mark. Yung lalaki dun." Paglilinaw ko pa at sinenyasan ang tambayan na pinanggalingan ko.
"Ah." Aniya at mahinang tumawa. "Oo." Tamad na sagot niya. Hindi manlang niya inaalis ang matalim ngunit walang buhay niyang mga mata sa akin. "Matatakutin."
Napalabi ako. "Si Mark?"
"Oo." Ngumisi na naman siya at biglang natawa. "Nararamdaman ko."
Napasinghap ako. Kinagat ko ang ibabang labi habang pilit na nilalabanan ang takot at panginginig ng mga palad ko. Nanlalamig ito at hindi maikalma. Kahit ang ulo ko ay parang lumulubo dahil sa tindi ng takot ko sa presensya niya.
"A-Ano bang kailangan mo? Bakit nandito ka?" Kalmadong tanong ko. Hindi niya pa rin inaalis ang tingin sa akin. Parang nakapako na ito sa mukha ko. "N-Ngayon na ba ang sinasabi mong araw ng paniningil mo?"
Napalabi siya kasabay ng pagngisi. "Hindi pa." Umalis siya pagkakasandal niya sa pader at tinalikuran ako. "Mabuti at naaalala mo pa, suri ko'y hindi na.. kaya nais ko sanang paalalahanan ka." Malinaw na sabi niya. "Magkita nalang tayo sa susunod." Paalam niya pa bago naglaho ng parang bula.
Nawala na rin ang amoy ng dama de noche kaya nakahinga na ako ng maluwag. Napahawak ako sa dibdib ko at isinandal ang sarili sa pader para alalayan ang sarili sa panghihina. Parang naubos ang lakas ko dahil lang sa kakaunting pag-uusap namin.
Ilang minuto akong nagstay dun bago ako lumabas sa gilid ng mansyon. Nandoon pa rin sila Cuadro at kaibigan niya pero maayos na ang atmosphere nila. Tinanong ni Cuadro kung saan ako nagpunta kaya sinabi kong diyan lang at nagpaalam agad na papasok na muna sa loob ng bahay.
Wala ng ibang nangyari sa loob ng araw na 'to. Pinakalma ko ang sarili sa kwarto at inubos ang oras na nasa tabi lang ni Mama habang kinakalaro ang kapatid kong si Uno. Si Mamita naman ay hindi ko pa rin pinapansin. Nakikita at tinatawag niya ako minsan pero hindi ako lumalapit. Nagrarason agad ako na pupunta sa kwarto o lalabas. Mabuti nga at hindi ako pinipilit nila Papa at Auntie na lapitan si Mamita.
Kinabukasan, iyon ang araw ng uwi namin. Pinal na ang desisyon ni Mama na uuwi kami dahil alam niyang hindi ako komportable. Nagpaalam kami sa mga taong nandoon at mas napatagal ang pamamaalam ko kay Cuadro. Nagpasalamat ako sa mga ginawa niya sa akin sa maikling panahon. Tinanggap niya naman ng buong puso ang pasalamat ko at sinabing maghihintay ulit siya sa muli naming pagkikita. Doon ko lang rin kinausap si Mamita at maiksing nagpaalam. Hilaw ko lang siyang nginitian bago kami tuluyang nagpaalam sa lahat at sumakay ng kotse.
Gabi na nung makauwi kami kila Lola at tuwang-tuwa ako nung makita ko ulit sila Rica, Roy at Ken. Sinalubong nila ako ng yakap at sinabing namiss nila ako kahit saglit lang akong nawala. Nag-asaran pa nga sila na umay na raw sila sa isa't isa.