✎
CINCO'S POV
"Ilalahad ko ang aking palad. Huwag kang mangamba. Ipapangako kong ikaw ay aking papatnubayan at poprotektahan. Nangangako akong ika'y aking babantayan at gagabayan sa kahiwagaang ating kagagalawan. Ako'y magiging totoo sa aking idine-deklara, maari mong ilapat sa akin ang iyong palad kung ika'y umaayon sa aking idinikta."
Natikom ako.
Bahagyang uminit ang pisngi ko dahil sa sinabi niya. Ang kanyang mga mata, kahit na ito'y patay at malamig, nakakaya nitong iparating sa akin ang kaseryosohan niya. Nagsusumigaw ito na hindi siya nagbibiro sa kanyang sinasabi. Hindi lang 'yon, dahil sa kanyang mukha, mas napapaayon niya ako dahil sa maliit na guhit na nasa kanyang labi. Nakangiti siya. Hindi ngisi, kundi ngiti. Isang simpleng ngiti ngunit naghahatid ng kiliti sa sistema ko. Napaka-inosente nito, parang hindi gagawa ng mali o ano mang kasamaan.
Bumaba ang aking mata sa kanyang palad.
Magiging makasalanan ba ang tulad ko kung aaminin kong gusto kong ilapag sa ibabaw ng kanyang kamay ang palad ko? Sa totoo lang, kahit na ang isip ko ay may second thoughts about this, yung damdamin ko, nagsusumigaw sa pagpayag. Parang paniwalang-paniwala ang buong sistema ko sa napakalalim na sinabi niya. At isa pa, pakiramdam ko, pure na pure ang pangako niya. Parang, napapasang-ayon talaga ako na hindi niya ako pababayaan.
Kinagat ko ang ibabang labi.
Nakayumos ko pa ang aking palad bago ko ito marahang inangat. Mabibigat ang aking hininga at mabibilis ang tibok ng aking puso. Mas lumala lang ang bilis nito nung tuluyan kong ilapag ang palad ko sa kamay ni Erro. Magaan at marahan niyang hinaplos ang palad ko. Nandoon na rin ang paningin niya. Kumikislap ang kanyang mata. Hindi ito ang unang pagkatataong nahawakan niya ang palad ko pero ito ang pinakauna kung saan nagawa niyang haplusin ng magaan at suriin ang palad ko. Tinitignan niya 'yon na parang yun ang pinakamahiwagang bagay na nahawakan niya.
Umangat ang kanyang tingin sa akin.
Ngumisi siya. "Nakakabighaning pagmasdan, ako'y iyong pinahintulutan."
Ngumuso ako. "Siguraduhin mong tutupad ka sa sinabi mo." Nahihiyang sabi ko at iniwas ang tingin. Ramdam ko ang init ng aking pisngi dahil ramdam na ramdam ko ang gaan ng kanyang palad sa akin.
"Ako'y nanumpa, nararapat lang na isagawa." Sagot niya. Bahagya niya akong hinila papalapit sa kanya, napasunod naman ako. Magkatabi kami nung tawagan niya ang kanyang kaibigan. "Simon..." Aniya.
Napatingin naman agad sa amin si Simon. Nagtitigan sila na parang nag-uusap gamit lang ang tingin. Maya-maya'y bahagyang ngumisi si Simon at tumango. Nilingon niya si Rica at binulungan. Mabilis naman na nagningning ang mata ng pinsan ko at nilingon ako.
"Huy! Pupunta tayo sa kanila?!" Bulyaw niya sa akin sa sobrang tuwa. Tumango naman ako. Humalakhak siya ngunit agad ring napanguso. Hinarap niya si Simon at nagpamewang. "Ibabalik mo ba kami rito? Baka naman mamaya, kulang-kulang na ang katawan namin pagbalik dito?"
Mahinang natawa si Simon at marahang hinaplos ang siko ni Rica, parang pinapakalma. "Ika'y aking aalagaan, sinusumpa ko." Ani Simon.
Ngumiti si Rica at niyakap ang braso ni Simon. Hindi ko inaasahan 'yon. Napaka-madikit talaga nitong pinsan ko. Pagsasabihan ko talaga 'to. "Totoo, ah! Kapag ikaw talaga nagsisinungaling, ibubudbod ko lahat ng asin sayo or kahit anong pangontra!"