✎
CINCO'S POV
"Hm, mga taga-lupa?" Sabi nang isang tinig sa gilid namin.
Naging alerto kami ni Rica.
Mabilis na dumikit si Rica kay Simon. Ako naman ay sumiksik sa likuran ni Erro habang nakahawak ng mahigpit sa kanyang palad. Nangamba kami. Plain-look lang ang itsura ni Simon habang si Erro ay may itsurang parang naiirita na tinatamad. Seryoso ang presensya ni Simon kaya kinabahan talaga kami. Hindi ko alam kung anong reason kung bakit kami napahinto, dahil ba sa rafflesia o sa taong lumitaw ngayon sa gilid namin.
"Taga-lupa. Napakasarap sa pang-amoy..." lumabas sa kadiliman ang nagsalita. Dalawang lalaki ito. Tulad lang namin sila ngunit umaalingasaw sa presensya nila na hindi sila normal. Mga mata palang nilang madidilim, alam na naming hindi sila tao. Mga nag-anyong tao lang.
"Simon... wala akong pang-amoy." Dinig kong sumbong ni Rica kay Simon.
"Ako rin." Sabi ko kay Erro na sinulyapan lang saglit ang mga malignong lalaki bago ibinalik sa akin ang tingin.
Ngumisi siya. "Ako ang may kagagawan." Pag-amin niya. Totoo naman. Nung pumitik siya kanina, nawala ang pang-amoy ko e. Kahit ang dama de noche na nanggagaling sa kanya, wala na.
"Bakit?" Ngumuso ako. Sinulyapan ko ang mga lalaki na nakatingin sa direksyon nila Rica.
"Yung bulaklak..." Kalmadong sagot niya. "...nanlalason iyon. Hindi ito pangkaraniwan kaya't kinakailangan kong pansamantalang alisin ang inyong pang-amoy upang patnubayan kayo ng proteksyon." Pinisil niya ang palad ko. Dahil sa ngiti at mga titig niya, nagawa ko pang pang-initan ng pisngi at makaramdam ng kiliti.
"G-Ganon ba?" Nasabi ko nalang kunwari.
Hindi niya ako sinagot. Tinitigan niya ako ng mariin at kalauna'y bahagyang natawa. Sinulyapan niya si Simon at parang nag-usap sila gamit lang ang mga mata.
Bumuntong-hininga si Simon at bahagyang yumuko. "Lamanglupang kabayo at lamanglupang dambuhala." Sagot nito.
Ngumiwi si Rica at mahinang nagsalita. "Tikbalang at higante? Kapre ba?" Kuryusong tanong ni Rica kay Simon. Nilingon naman siya nito. Tinitigan niya ng seryoso si Rica at maya-maya'y natawa.
"Kung ganoon, nag-anyong tao." Pagkaklaro ni Erro sa sinabi ni Simon. Bumuntong-hininga siya at nilingon ang dalawang maligno. Napatingin naman ito sa kanya. Nagtitigan silang tatlo. Dalawa, laban kay Erro. Hindi ko alam ang nangyayari ngunit mukhang nag-uusap sila gamit lamang ang mga mata.
Ilang sandali, yung dalawang lalaking maligno, bumakas ang takot at kilabot sa kanilang mga mukha. Mabilis silang napayuko at tumango.
"Masusunod po." Sabi ng isa. Tumango-tango silang dalawa bago umatras hanggang sa tuluyang naglaho ng parang bula.
Humigpit ang kapit ni Erro sa akin at hinila ako para magsimula na kaming maglakad. "Sa kanan, Simon. Mabilis kumalat ang halimuyak sa lunan, kinakailangang natin itong madaliing wakasan."
"Masusunod." Sabi ni Simon.
Nagmamadali kaming naglakad. Mukhang nangangamba talaga silang pumasok sa aming pang-amoy ang nakakalasong halimuyak ng rafflesia na natagpuan namin kanina. Malaki pa naman 'yon at maganda ngunit hindi ko alam na nakakalason pala ito sa mundo nila.
Dumaan kami sa bandang kanan at sinuong ang kasukalan ng gubat. Huminto rin naman kami agad sa pagmamadali nung makalayo-layo kami. Ramdam ko ang unti-unting pagbalik ng pang-amoy ko. Humalimuyak agad ang dama de noche na umaalingasaw sa katawan ni Erro. Sobrang bango.