✎
CINCO'S POV
Nung makarating kami sa madilim na sapa. Niyakap ko ang sarili ko dahil malamig. Kinikilabutan tuloy ako dahil wala akong makita. Panay nalang ang dasal ko sa isip ko na sana hindi niya ako saktan o kung ano pa man. Tinatatagan ko nalang ang sarili ko kahit na sobrang kinikilabutan at kinakabahan ako.
Naglakas loob akong magtanong.
"D-Dadalhin mo ba ako sa mundo niyo?" Tanong ko sa kanya nung patuloy pa rin siyang naglalakad at lumilinga-linga na parang may hinahanap.
Hindi niya muna ako sinagot. Lumingon siya sa isang banda at naglakad papunta ron. Kusa naman akong napasunod sa kanya. Umupo siya sa isang malaking bato. Hanggang bewang ko yata ito. Prente siyang nakaupo ron habang nakaharap sa akin.
Ngumisi siya ng nakakaloko. "Ano namang gagawin mo sa mundo namin?" Hindi ako nakasagot sa sinabi niya. Medyo napahiya ako pero nakahinga ako ng maluwag dahil sa sagot niya.
Maganda ang sagot. It means, hindi niya ako kukunin.
"Natatandaan mo pa naman ang nangyari kung saan ka nagbitiw ng salita, hindi ba?" Panimula niya. Yung sunog yata ang tinutukoy niya kaya tumango ako. "Ang malaking pabor na 'yon ay hindi libre kaya maniningil ako." Aniya. "At sa ugnayan na 'to, bawal kang tumanggi."
Napatango lang ulit ako, walang magawa.
"Madali akong kausap. Hangga't sinusunod mo ang gusto ko, walang masasaktan sa inyo." Mariin niyang sabi. Hindi manlang mawala-wala ang ngisi sa labi niya habang nakatitig sa akin. "Lahat ng pabor na hiningi mo, hindi kailanman magiging libre, naiintindihan mo ba?"
Hindi ako nakapagsalita, tumango lang ulit ako. Nakakabinging katahimikan ang sumindi sa paligid. Ramdam na ramdam ko ang nanunusok niyang tingin sa akin kaya hindi ako makatingin ng diretsyo sa kanya. Napapatingin lang ako saglit pero agad ring iniiwas.
"Maraming tao ang nadamay sa pangyayari noon na kinatakutan mo. Pero dahil sa hiling mo, kasama sila sa bilang ko." Pagpapatuloy niya. "Kung ikaw ay hindi susunod sa usapan, kaya kong bawiin lahat ng 'yon. Ang mamamatay sa araw na 'yon, ay mamamatay. Ang magdudusa, ay dapat magdusa." Napalunok ako sa kaba dahil sa sinabi niya. Parang mas lalo akong naiipit. Wala akong choice.
Bumuntong-hininga ako. "Naiintindihan ko na. Ano bang klase ang paniningil mo?"
Hindi siya muna sumagot. Umawang ang ulo niya at mas lalong diniinan ang paninitig sa akin. Humalakhak siya ng nakakaloko kasabay ng pagsasalita.
"Tayo'y mag-iisang dibdib."
Parang sinuntok ng malala ang dibdib ko kaya sunod-sunod ang mabilis nitong pagtibok. Para rin akong nabingi dahil sa sinabi niya. Unti-unting bumigat ang katawan ko sa sobrang init kaya napaupo ako. Nanghina ang tuhod ko at bigla akong nahilo. Naghahangos ko siyang tiningala habang nakaupo siya sa batuhan at nakangising pinapanood ako.
Parang hindi ako makahinga ng maayos. "A-Ano?"
"Magpapakasal ka sa akin at pagtapos ng ating pag-iisang dibdib ay kinakailangan mo akong bigyan ng anak." Lumawak ang ngiti niya. Hindi na ngisi kundi isang malawak na ngiting nakakakilabot. "Sinabi kong bawal kang tumanggi. Hindi ako tumatanggap ng hindi."
Naiiyak akong umiling-iling. Hindi matanggap ang narinig. "W-Wala bang ibang option? Any other? Huwag lang ang ganito!" Natatarantang sabi ko.
Bahagyang tumaas ang kilay niya at nawala ang ngiti. Sumeryoso siya bigla kaya natikom ako. "Hindi ba't sinabi kong hindi ako tumatanggap ng hindi?"