✎
CINCO'S POV
Matapos ang unang exam namin, gumala kami nila Rica, Roy at Ken. Nung pag-uwi, nakita ko si Erro pero wala naman siyang mashadong sadya non sa akin. Nanitig lang siya at nagtanong saglit kung naging maayos ba ang araw ko. Hindi ko naman siya nasagot ng maayos dahil nauna na ang init ng ulo ko. Naalala ko ang ginawa niya sa labi ko kaya kinagalitan ko siya. Tumawa lang siya at ngumisi, matapos non ay umalis na rin. Hindi ko nga alam kung gusto niya lang bang makita ang inis o galit ko. Nampipikon lang kasi siya lagi para magpakita.
Araw ng sabado nung maglipat kami ng bahay. Tapos na kasi mapatayo ang aming bahay at kompleto na ng gamit. Hindi ko 'to mashado napansin dahil naging busy at marami talagang nangyari sa mga nagdaang araw.
"Malapit na rin yung amin matapos. Sabi ni Mama, may sarili rin akong kwarto." Ngumisi si Ken habang nakahiga sa kama ko. Kasalukuyan kaming nasa bago naming bahay at nasa kwarto ko. Nagpapatulong kasi ako kung paano ang magiging estilo nito.
"Gusto ng sariling kwarto para may dalhin na babae sa bahay, sheesh!" Pang-aasar ni Roy at dinaganan si Ken sa kama. Naghampasan sila ron ng unan at hindi naman namin sila pinansin ni Rica.
"Sa tingin mo? Mas maganda ba 'to dito?" Tanong ko kay Rica nung ilapag ko ang human-size mirror sa tapat ng kama ko.
Mabilis akong tinampal ni Rica at umiling. "Ano ka ba, bawal 'yan."
Bahagyang nagsalubong ang kilay ko sa pagtataka. "Bakit?"
"Pamahiin 'yan. Bawal ka matulog na katapat ang iyong sarili sa salamin..." Paliwanag niya.
Natigilan naman ako saglit. "Bakit daw?"
"Kasi baka hindi na raw magising."
Bahagyang namilog ang mata ko. "Ganon ba 'yon?"
Tumango-tango siya. "Oo. Yung kaluluwa o espirito mo, makukulong diyan sa salamin. May mga ganon daw sabi ni Lola kaya may ibang mga tao na hindi na gumigising pagkina-umagahan."
"Totoo ba 'yon?" Pagsingit ni Ken sa usapan. Huminto pa siya sa paghampas kay Roy ng unan para makinig.
"Oo nga! Paulit-ulit yan?" Inirapan ni Rica si Ken ngunit humalakhak lang ito. "Basta bawal. Sumunod nalang tayo!" Asik niya at naghanap ng ibang pwesto para mailipat ang salamin ko. Nagsalita siya ulit. "Sabi pa nga ni Lola, bawal nakatapat ang ulo o paa mo sa bintana kapag ikaw ay natutulog. Masama raw. Pamahiin rin. Mabuti nga at hindi ganon ang estilo ng kama at bintana mo. Mukhang pinasadya na talaga ni Auntie para safe ka sa pamahiin." Tukoy niya kay Mama.
Napalunok ako. "Bakit bawal?"
"Ewan, babangungutin ka yata hanggang sa mamatay ka." Seryosong sabi niya.
Natigilan ako at natikom.
Hindi na ako nagreklamo pa at sinunod siya. Nagpatulong rin ako kila Ken at Roy na buhatin ang closet ko para mapwesto kaya naging mabilis kami sa pag-aayos. Matapos sa kwarto ko, bumaba rin kami para tumulong sa pag-aayos ng kagamitan sa sala, kusina at ilang mga kwarto.
Matapos non, nag-inuman sila Papa at ilang mga asawa ng Auntie ko. Nandoon rin sila Auntie, ilang mga pinsan, at si Lola. Nagsaya sila para macelebrate ang bagong patayo naming bahay. Hindi naman na kami nakigulo pa ron at lumabas nalang.
Hapon na nung tumambay kami sa kubo. Nasa loob kami ni Rica habang pinapanood sila Roy at Ken na naghaharutan sa labas.
"Excited na ako. Hindi tayo mai-istress sa acads ngayon. Mas maii-stress tayo dahil marami ng event sa school!" Malawak ang ngiti ni Rica at sinigawan ang kapatid. "Kuya! Magiging busy ka ba this grading?!"