Makalipas ang dalawang linggo
[Kuyaaa! Maaga akong nagising ngayon!], masiglang bati ni Ayen sa kabilang linya. 6:30 ng umaga at kasalukuyan kaming umiinom ng kape ni Onyx. Tinapay lang ang almusal namin ngayon, kakain na lang kami kung sakali sa ospital kapag dinalaw ng gutom.
"Oo nga bakit ka nagising ng maaga ngayon? Hulaan ko naingayan ka sa makina ni Mama? " natatawa kong tanong sa kaniya. Narinig ko namang tumutol si Mama habang si Ayen naman ay tumawa. Naalala ko noong bata pa ako, nagsisilbing alarm clock ko na ang makina ni Mama kasi minsan, umaga pa lang nagsisimula na itong manahi. Bukod sa pinagkikitaan niya iyon eh iyon talaga ang kinahiligan niyang gawin kahit pa noong mga panahong si Papa ang tumataguyod sa amin.
[Ang sama kasi ng panaginip ko kuya eh], naging seryoso nitong saad. Narinig ko namang parang lumayo ang boses ni Mama. Baka pumunta siya sa kusina.
"Ano bang napanaginipan mo? " tanong ko habang nilalagyan ng peanut butter ang tinapay ko. Tahimik namang ngumunguya si Onyx sa harap ko habang abala sa pagtipa ng kung ano sa cellphone niya.
[Uhmm umiiyak daw ako ng malakas kuya habang may hawak na bulaklak tas nagising nalang ako kuya na basa na ang mga mata ko], malungkot nitong saad. Ininom ko muna ang kape ko bago siya sinagot.
"Baka kaya ka umiyak kasi nalulungkot ka pa sa pagkamatay ni Dowy, " tugon ko naman. Ilang buwan na rin kasi ang lumipas nang mabundol ang alaga naming aso at labis ang lungkot ni Ayen nang mangyari iyon. Naalala ko pa na iginala ko sila noon ni Mama sa Amusement Park nang sa gayon ay maibsan ang pangungulila niya sa aso namin.
['Di na ako umiiyak dahil kay Dowy kuya kasi sabi mo dapat happy lang ako parati para happy rin si Dowy. Pero kuya alam mo ba, ang bulaklak parang pareho sa mga nakikita ko sa fairytale!], mangha nitong sabi sa kabilang linya. Sa hindi malamang dahilan, parang kinabahan ako sa naging tugon niya. Mali naman siguro ang iniisip ko dib-
[Ngayon ko lang nakita ang ganoong bulaklak kuya! Kulay itim siya tas may pink sa gitna. Parang galing sa mga fairies], masigla nitong sabi. Naibuga ko ang kapeng iniinom ko sa gulat dahil sa naging tugon nito.
"Anyare tol? " nagtatakang tanong ni Onyx pagkatapos ay inabutan ako ng tubig. Sumenyas lang ako sa kaniya na okay lang ako kung kaya't nag-aalinlangan man ay bumalik nalang ulit ito sa kinakalikot niya sa cellphone.
[Anong nangyari Kuya?],nagtatakang tanong ni Ayen nang natahimik ako ng ilang segundo sa linya. Hindi naman sa grabe ako mag-isip pero iyong bulaklak sa panaginip niya, hindi naman siguro iyon ang Wongshintus Cirea no? Hindi, hindi iyon. Paano iyon mapupunta sa panaginip ni Ayen, hindi ba?
"Kulay asul ba ang katawan ng bulaklak? " kinakabahan kong tanong sa kaniya. Nakita ko namang lumingon si Onyx sa gawi ko at kumunot ang noo nito. Humindi ka Ayen, san-
[Oo kuya! Paano mo nalaman?], gulat nitong sabi. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko sa naging sagot nito. Mali, mali. Maaaring simpleng bulaklak lang naman iyon hindi ba? Hindi naman siguro iyon ang bulaklak na tinutukoy ni Secretary. Tama, masyadong negatibo lang ata ako mag-isip.
"Anak, may duty pa ang kuya mo mamaya. Pagpahingahin mo muna siya, " narinig ko namang sigaw ni Mama kay Ayen sa kabilang linya.
"Sa kusina si Mama? " tanong ko sa kaniya.
[Oo kuya. Ay, kuya kausapin mo si mama, ayaw akong papasukin sa school sa susunod na buwan], mahina nitong sumbong sa akin para hindi siguro marinig ni Mama. Hala hindi ko namalayang malapit na pala mag-June. Parang ambilis ng mga pangyayari.
"Baka wala pa kayong pasok Ayen. Delikado sa mga bata, " sagot ko naman. Wala pang ganap na anunsyo pero pakiramdam ko hindi magbubukas ng klase sa susunod na buwan lalo pa ngayong mas lumala ang kaso ng virus sa Pinas. Dalawang linggo palang ang lumipas pero umabot na sa 1,010 ang kaso ng virus. Hindi ko alam kung paano pero bigla nalang nagsulputan ang mga kaso sa iba't ibang parte ng Pinas. Yung 102 na tinest noon ay positibo lahat at ilang araw matapos iyon, lumubo pa ang kaso. Hindi lang sa Luzon at Visayas kundi pati na rin sa Mindanao ay nagsulputan na rin ang mga positibo. Ilan sa mga naging positibo ay ang mga manggagawang nagsiuwian sa kanilang probinsya at iyong ilan naman ay may mga travel history sa ibat't ibang parte ng Pinas. Mabuti naman at wala ng sumunod kay Patient 1 at sana talaga wala ng sumunod sa kaniya. Ang ipinagdarasal ko ngayon ay sana, may gumaling na sa virus.
BINABASA MO ANG
Unended
Science FictionA frontliner courageously fought for survival in the wake of a dreadful virus, only to find out that it was purposefully created to rectify mankind.Is the world coming to an end? No. Or at least not yet.