"10 people were tested positive in Mindanao."
"Police are still investigating the motives for the bombing in Pasig City."
"One of the person identified dead in the bombing incident was a nurse in one o-
"Pakipatay yung T.V., pwede ba?" utos ko kay Gio at minasahe ang sentido ko. Agad naman itong tumalima. Itinuon ko ang atensyon ko sa pagchicheck ng mga charts pero hindi ko magawa dahil nanginginig ang mga kamay ko. Inilapag ko ang ballpen ko at umalis muna upang magpahangin sa labas. Hindi naman nag-abala si Gio na tawagin o tanungin kung saan ako pupunta.
Naglakad ako palabas papunta sa likuran ng ospital, sa may parking lot, at katumbas ng mga yapak ng paa ko ay ang pagpatak ng luha mula sa mga mata ko. Hinawakan ko ang dibdib ko dahil kumikirot ito.
Nakakainis ka 'tol, alam mo ba iyon?
Dumiretso ako sa may likurang bahagi malapit sa mga sasakyan at umupo sa may sementong bahagi sa harap nito. Tumingala ako't pinunasan ang mga luha ko pero walang humpay sa pagpatak ang mga ito.
Isang linggo ang lumipas simula ng mangyari ang insidente.
Isang linggo na rin simula ng mawala si Onyx.
Putek ka pre, hanggang ngayon, hindi ko pa rin matanggap na wala ka na. Hindi pa rin lubos na pumapasok sa isip ko ang lahat ng nangyayari. Hindi ko pa rin lubos maisip na wala na akong loko-lokong kasama sa dorm, wala na akong kasabay na uminom ng kape sa umaga, wala na akong kasabay na dunugo ang ulo sa english ni Light, lokohin ang minsang slow na si Gio, wala na akong tutuksuhin kay Franie, wala na akong kasamang makisakay minsan sa kalokohan ni Night, wala na akong kasamang uuwi sa amin pagkatapos ng lahat ng unos na ito, at higit sa lahat...
Wala na akong matalik na kaibigan na para ko na ring kapatid.
Ang daya mo talaga, pre. Hindi na nga mahalaga sa akin kung ano man iyong sandamakmak na tanong na meron ako sa iyo eh dahil ang gusto ko lang ay buhay ka, kahit hindi na kita tanungin kung bakit at papano mo nagawa ang lahat ng iyon. Tinatanong ko ang isip ko, alam mo ba iyon? Na sa kabila ng ginawa mo, bakit hindi ko magawang magalit sa iyo? Siguro dahil sa hindi ako lubusang naniniwala na magagawa mo iyon?
O dahil sa kaibigan kita?
Hindi ako naniniwalang masama kang tao, pre dahil kung oo, bakit mo kami pinapatakas noong una pa lang? Bakit mo tinraydor sina Eliezer at pinasabog ang gusaling iyon? At bakit mo hinayaang magpaiwan at sabihan si Light na buhatin na lang si Franie?
Hindi ko alam kung nagbubulag-bulagan lang ako sa mga nangyari pero isa lang ang alam ko, wala akong sama ng loob kay Onyx. At kahit meron pa, para sa ano pa? Wala na siya.
Wala na siya. Namatay siya sa pagsabog at hindi ko na iyon mababago pa.
"Nakakainis yung ungas na iyon no?"
Napapitlag akon nang biglang may nagsalita sa gilid ko at lumingon ako't nakita si Night na naglalakad papalapit sa akin at umupo sa tabi ko.
"Alam ko dapat galit ako sa kaniya eh pero p*tang*na, hindi ko magawa," saad nito at mahinang natawa't umiling. Narinig ko ang malalim na buntong-hininga nito na sinundan ng halos isang minutong katahimikan sa pagitan naming dalawa.
"Hindi ko rin mapigilang sisihin ang sarili ko sa nangyari."
Dagli akong napalingon kay Night sa tinuran niyang iyon. Nakita kong pinunasan nito ang luha mula sa mata niya.
"Wala kang kasalanan, Night."
"Dinala ko kayo sa lugar na iyon. Masyado akong naging mapusok. Kung hindi ko sana kayo dinala roon eh di sana..."
BINABASA MO ANG
Unended
Science FictionA frontliner courageously fought for survival in the wake of a dreadful virus, only to find out that it was purposefully created to rectify mankind.Is the world coming to an end? No. Or at least not yet.