17

72 15 4
                                    

Natigilan ako ng makita ang mommy ni Cly sa harap ng hospital bed ni Einn. Kakarating ko lang sa hospital para sa shift ko na magbantay kay Einn.

Nabigla ako nang lumingon siya sa 'kin, kaya agad naman akong ngumiti sa kaniya ngunit wala siyang reaksyon.

"So, ayos lang ba sa iyo 'yong offer ko? Ako na babayad sa lahat ng gastos, papanagutan ko na ang nagawa ng asawa ko," aniya kay tito at agad na umalis. Linagpasan niya lang ako at walang kung anong sinabi o bati.

Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Ngayon na alam ko na kung sino ang nakabunggo kay Einn, at kung ano ang trato sa 'kin ngayon sa mommy ni Cly. Bakit sila gano'n sa 'kin? Hindi na niya ba ako kilala? Gano'n na lang ba kadali 'yon sa kanila? Pareho lang sila ng anak niya!

"Tito-- siya ba 'yong driver?" agad kong tanong kay tito. Sabay sila ni Einn na nag-angat ng tingin sa 'kin.

"Hindi, Lei. Asawa siya ng driver." Tumayo si tito at tinapik ang balikat ko.

"'Wag ka sanang magalit, Lei pero.. wala tayong budget ngayon para sa kaso." Natigilan ako nang marinig 'yon. "Tanggapin na lang natin ang pera, tutal 'yon naman ang dapat nilang gawin, ang gumastos sa bills dito sa hospital."

"Kaso, tito bakit parang siya pa 'yong galit?" mahinang sigaw ko sa kaniya sa inis.

"Lei, hayaan mo na. Ganiyan talaga kapag mayaman, hindi nila pinapakita na nakokonsensya sila. Wala tayong magagawa, mababa lang tayo." Napatingin ako kay Einn. Nakatingin lang din siya sa 'kin na parang sinasabing hayaan ko na lang talaga.

Mababa, 'yon ba ang tingin nila sa 'min kaya gano'n na lang agad ang trato nila sa 'kin? Kaya ba gano'n na lang agad si Cly kung makaiwas ay parang hindi na ako kilala? Wala na lang bang karapatan ang nararamdaman namin dahil lang sa mababa at ordinaryong tao kami?

Sana noon pa umatras na ako, bakit ko pa ba hinayaan ang sarili kong mahulog sa kaniya? Sa una lang naman pala sila mabait. Sa isang iglap nagbago agad. Lalo na ngayon dahil sa nangyari kay Einn, mas lalong lumalim ang galit ko sa kanila.

Gusto ko mang sabihin kay tito na 'wag tanggapin ang offer pero ayaw ko ring bumagsak ang pamilya namin dahil lang sa pride ko. Tama naman ang sinabi ni tito, obligasyon ng pamilya nila na bayaran ang bill dahil ang padre de pamilya nila ang may kasalanan. Hindi ko na ipipilit na pera galing sa negosyo namin ang igagastos kay Einn dahil alam kong hindi aabot ang pera namin.

Ang daming gastusin. Pero hindi lang 'yon ang problema ko. Mas napoproblema ako sa nararamdaman ni Einn ngayon, critical siya at kailangang isemento ang tuhod at braso niya.

Binisita ako ni Arianne sa bahay habang si tito ang nagbabantay kay Einn.

"Oy, kumain ka ba? Kumain ka muna tapos matulog ka after. Kailangan mo ng pahinga." Hinaplos ni Arianne ang buhok ko 'tsaka binuksan ang paper bag na dala niya.

"Hindi ako gutom, Rianne." Nag-angat siya ng tingin sa 'kin nang marinig 'yon.

"Kailangan mong kumain, hindi dahil gutom ka. Kailangan mong kumain sa tamang oras. Kailangan malakas ka kasi kinakailangan ka ng kapatid mo." Nabuhayan ako sa sinabi niya.

Kailangan nga ako ni Einn. Hindi p'wedeng pati ako ay walang lakas. Nagbaba ako ng tingin sa pagkain. Wala talaga akong gana pero kinakailangan ko itong kainin para may lakas ako.

"Sige na, kumain ka na." Kinuha niya ang plastic spoon at kumuha ng kanin, hinayaan ko na lang siyang subuan ako. Masyado akong walang lakas para i-angat ang kamay ko.

"Sobra naman 'tong paghihirap na 'to, Rianne." Tumigil siya sa paghahalo ng kanin at sabaw at tumingin sa 'kin.

"Malalagpasan mo 'yan, Lei. Narito lang ako. Kasama mo ako sa lahat ng problema. Tatalunin natin ang lahat nang 'yan." Ngumiti siya sa 'kin at sinubuan ulit ako.

So, this is how it feels having a friend. Kaya pala ang saya ni Einn na may kaibigan na ako. Kasi katulad ngayon na wala siya, may masasandalan pa rin ako at kukunan ng lakas para lumaban ulit.

Ito rin 'yong sinabi ni Cly sa 'kin, ang sakit lang isipin na ang taong nagpaintindi sa 'kin kung gaano ka-importante ang may kaibigan ay wala na sa tabi ko ngayon.

Hindi naman nagtagal si Einn sa hospital after sa operation. Pero kailangan niya pa rin ng pahinga kaya kahit nasa bahay na siya ay lagi pa ring nasa k'warto.

"Si Einn, ipapa-enroll mo na rin ba?"

"Opo, ako na bahala." Hinanda ko ang mga kailangan para sa enrollment. Sasamahan din ako ni Arianne at sabay na kaming magpa-enroll. Ako na lang din ang gagawa para kay Einn since nagre-recover pa lang siya.

I wasn't expecting any good of this day. Makikita ko man siya o hindi, malungkot pa rin ang araw ko.

Sa campus na kami nag-antayan ni Arianne, dumiretso ako sa sementong upuan na nakapalibot sa langka tree rito sa gilid ng gymnasium. Nauna kasi akong dumating kaysa kay Arianne, medyo mabagal talaga siya kumilos.

Nakuha ang atensyon ko sa mga estudyanteng nagtatawanan sa kabilang upoan. Natigilan ako nang makita si Cly, kasama ang ibang kaibigan niya. Ngayon ay mas marami sila, pero nando'n pa rin si Chelsea, kaso ngalang malayo sa kaniya.

Masaya silang magkakaibigan, nakikisabay naman sa kanila si Cly pero parang may bumabagabag sa kaniya. Iniwas ko na lang ang tingin sa kanila bago pa tumulo ang luha ko. Nakakainis siya, pagkatapos ng lahat aakto siyang parang walang nangyari.

Naiinis ako sa kaniya, hindi lang dahil sa iniiwasan niya ako pagkatapos ng lahat, dahil din parang wala lang sa kaniya ang nangyari sa kapatid ko. Oo, wala siyang pake kasi hindi niya naman kaano-ano si Einn, pero bakit parang wala lang talaga sa kaniya? Sa pagkakaalam ko ay magkasama silang pamilya nang mangyari ang aksidente, kaya alam kong nakilala niya ang kapatid ko sa pangyayaring 'yon.

Wala man ako sa lugar para magalit sa kaniya pero ang sakit lang kasi. Hindi ko alam kung nasasaktan ako dahil sa trato niya at ng mommy niya sa 'kin o dahil pa rin 'to sa nangyari kay Einn.

"Oh, si Lei oh!" Narinig ko ang boses ni Kath at ramdam ko ang tingin nila sa 'kin pero nagkunwari na lang akong walang narinig at nagkunwaring may tinitignan sa phone ko. I was scrolling up and down through my feed without even bothering to read the posts.

"Ah, yeah." Narinig ko pa ang boses ni Chelsea na mas ikinainis ko. Pero ang mas masakit, hindi ko man lang narinig ang tugon ni Cly.

Nag-vibrate ang phone ko at doon na ako nabuhayan. Nakita ko ang message ni Arianne na matatagalan daw siya kaya sinabi ko na lang sa kaniya na umuna na ako. Hindi ako makakatagal dito lalo na't narito sila, masayang-masaya habang ako durog na durog.

Pagkatapos ko mag fill-up ng form ay agad na akong umalis. Mabilis akong naglakad hanggang sa malagpasan ko sila.

Galit ako sa kaniya pero hindi ko maiwasang mamiss ang mga ginagawa namin araw-araw, ang mga asaran sa tawag, laro, mga pangt-trip niya sa 'kin na hindi ko naman palalagpasin ang araw na hindi ako makaganti. Narito pa rin sa isipan ko ang mga katanungan kung bakit dumating ang araw na 'to at bakit gano'n na lang kadali sa kaniya ang ginagawa niya.

As how easy for him to treat me like I didn't exist is as how hard for me to ignore his presence.

Bittersweet SummerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon