Ilang henerasyon na rin ang lumipas
Ngunit wala pa ring asenso ang Pinas
Dugo't pawis patuloy na tumatagas
Pero bakit ang mahal pa rin ng bigas?
Mga presyo ng bilihin ubod ng mahal
Patuloy na umaakyat habang tumatagal
Ni di mabawasan ang halaga ng tsinelas
Pano ang anak ko kung mahal pati gatas?
Subsubin man ang sarili sa bigat ng trabaho
Kulang parin ang kita para sa isang linggo
Wala ng pahinga para sweldo'y mataas
Pagdating ng kinsenas ang laki pa ng kaltas.
Kailan ba matatamasa ang kaginhawahan?
Katulad ng mga taong may nakaw na yaman.
Saan ba napupunta ang binabayad na buwis
Sa bulsa ng politiko o sa pitaka ng mga pulis?
Nasaan ang hustisya na sinasabi nila
Sa kaliwa? Sa kanan? Nanloloko ba sila?
Ni di makita ang ipinangakong proyekto
Nang sila'y nangagampanya pa para iboto.
Heto si botante naniwala naman sa pangako
Matapos na mailuklok ito'y agad na napako
Kahit alam na hindi nararapat sa pwesto
Iboboto kapag inabutan isang libong piso.
Alam natin na kailangan din maging praktikal
Mag-isip ka naman para di ka magmukhang hangal
Isipin mo kung ano ang magiging bukas ng bayan
Sa kamay ng mga pinunong habol lang ay yaman.
Saang dako pupulutin ang bansang Pilipinas
Kung ang mga mamamayan ay magmamatigas?
Di mo ba nahahalata na tayo'y sinasakop ulit?
Dahil alam nila na bibigay tayo 'pag pera ang kapalit.
Hindi ako raliyista at lalong hindi kasapi ng komunista
Nag-aalala lang ako dahil sa kawalan ng pag-asa
Ngayon, sabihin mo kung mali ang sinasabi ko
Dahil kung meron man, sige nga patunayan mo.