---- Lalaki ----
Pinapangarap kong ika'y maging akin
Sinta, ako ba ay iyong tatanggapin?
Di alintana kung ako'y tanyag na nilalang
Pag-ibig ko ba sa iyo'y walang hadlang?
----Babae----
Iyon ang tunay na suliranin, ika'y tanyag
Tanggap mo ba ang babaeng suot ay bahag?
Naisin ko man na ika'y buong pusong ibigin
Natatakot ako sa magiging tingin nila saakin.
---Lalaki---
Hayaan natin kung anong magiging tingin nila
Ang mahalaga saakin ay ikaw at wala ng iba
Bahain man tayo ng mapanirang mga salita
Maging akin ka lang, susuungin ko ang dalita.
---Babae---
Mainam isipin na kaya mong iwan ang yaman para saakin
Ngunit handa ka bang manirahan doon sa bukid namin?
Isang tribo na talagang ibang-iba sa iyong kinagisnan
Kung saan mararanasan mo ang sinasabing 'kahirapan'.
---Lalaki----
Walang hanggang pag-ibig ang aking ninanais
Kung iyon lang ang paraan, handa akong magtiis
Ang katanyagan at karangyaan aking iiwanan
Kung kapalit ay babaeng iniibig ko ng lubusan.
---Babae---
Hanggang kailan mo kaya kayang mahalin?
Ang kagustuhan mo ba'y iyong ipinalangin?
Alam mo kung anong ang buhay mayroon ako
Probinsyana, mahirap at hindi isang santo.
---Lalaki---
Kahit ano pa ang iyong sabihin saakin
Nararamdaman ng puso ko ay di kayang pigilin
Kahit araw-araw mo pa akong pilit ipagtabuyan,
Di ako aalis pagka't ikaw ang nais kong pakasalan.
---Babae---
Pakasalan? Alam mo ang tunay na kahulugan noon?
Kaakibat noon ang hirap at ginhawa anumang panahon
Mawawala ang luho mo at ang iyong kalayaan
At iyon din ang ugat ng panandaliang kaligayahan.
---Lalaki---
Kahit ano pa man ay kaya at handa kong suungin
Tanggapin mo lang ang pag-ibig ko lahat kakayanin
Ibig kong malaman, ikaw ba'y makikipagtipan saakin?
Itaga mo ito sa bato, ako sayo'y magpapaalipin.
---Babae---
Itanggi ko man, puso ko'y sayo lang tanging tumitibok
At ikaw ang nais makasama upang harapin ang mga dagok
Oo, aaminin ko ako'y napaibig mo at iyon ay tunay
Sayo ako'y pakakasal at iibigin ka habang nabubuhay.
