Chapter 18: Matcha

36 3 0
                                    

Isang linggo ang lumipas. Hindi na ako minessage ni Eugenio. Kahit anong palag ko, hindi na siya pumatol. Umalis na siya sa pinagta-trabuhan namin sa Yetito. Sa mga posts na lang niya sa social media ako nau-update sa kung ano ang kalagayan niya.

Sa facebook, puro na lamang mga hugot ang pino-post niya. May namimiss siya. Problema ng lalaking 'to? Kung ako sana ang pinatatamaan niya, matutuwa pa ako. Pero hindi. Alam kong hindi ako ang pinagmumulan ng kanyang mga posts, ng kanyang mga emosyon at ng kasiyahan niya.

Umasa ako. Umasa lang ako sa wala.

Obvious naman, 'di ba? Iniiwasan niya ako. Tila ba bigla na lamang siyang lumihis sa akin. At wala na akong magagawa para mabalik pa kami sa dati.

Ang sakit lang dahil hindi manlang niya sinabi sa'kin.

Iniwan lang niya ako ng basta-basta. Parang wala manlang akong kahalagahan sa kanya. Ni hindi ko pa nga nakikilala yung babae nung bigla niya akong nilisan.

"Kuyaaa!" Masayang yakap sa akin ni Theo habang nagniningning pa ang mga mata. "Pupunta na tayo sa skul?" Excited na excited siyang sumama sa akin. Nabulol pa siya habang nagsasalita.

Mapait akong ngumiti at niyakap siya. "Oo, 'di ba gusto mong manood ng mga nagba-basketball?"

"Opo kuya!" Tumalon-talon pa siya. "Maraming pagkain do'n, kuya?"

Natawa ako. "Baliw. 'Di mo pwedeng kainin mga pagkain do'n. Bawal sa'yo."

"Kuya naman!" Nguso niya at hinila ang dulo ng damit ko. Tumawa na lamang ako at binuhat siya kasabay ng pagsukbit ko ng bag ko. Konti lang naman ang mga dinala kong mga gamit. Cellphone, tubig at ilan ding pagkain para pampatawid gutom. Ayokong ubusin ang pera ko do'n sa mga food stalls na makikita namin sa eskuwelahan. Tataas magtubo ng mga nagbebenta do'n e.

Half-day lang ako do'n sa school dahil didiretso rin ako sa trabaho pagkatapos. Intramurals na kasi ng school. Iiwan ko na lang ulit si Theo do'n kina tita.

Pagkapunta ko sa loob ng gym, sumalubong sa akin ang nagsisigawang mga bata. Mapa-junior man sila o senior high. Napakakulay ng buong building at umuugong ang ingay at sigawan ng mga tao. Buhay na buhay sila.

Naamoy ko rin ang aroma ng mga pagkain galing sa mga food stalls, kahit na nagse-set up pa lamang ang ilan sa kanila. May ilang mga players na nagpa-practice na sa isang tabi. Naririnig ko rin ang pagsasalita ng emcee na hindi ko naman rin naiintindihan ang sinasabi, pangit ng mic e.

"Karlooo!" Salubong sa'kin ni Zinjie at sinuntok ako sa balikat bilang pambati. Siraulo!

"Aray!" Daing ko. "Hayop ka talaga Zinjie! Pa'no 'pag natamaan mo kapatid ko?!" Hiyaw ko sa kanya.

Humalakhak siya. Kasunod niya sina Ed at Luis na abot-langit ang mga ngiti. "Maganda rin ang preparation ng mga bagong estudyante, 'no?" Giit ni Ed habang nililibot ang mata sa paligid.

"Omsim." Sang-ayon ni Zinjie. "'Di na rin masama."

Bumuntong-hininga na lamang ako sa kanilang tatlo. Totoo naman, maganda talaga ang mga dekorasyon dito sa gym. Susulitin na namin ito, dahil baka sa susunod na taon, hindi na kami makapasok dito muli.

Naghanap na kami ng pwedeng upuan bago may makauna samin. Saktong ilang oras pa lang kaming naupo nang dumaing na naman ang magaling kong kapatid.

"Kuya, sige naaa!" Tulak na naman niya sa damit ko at tumuturo sa mga food stalls. Bad timing ka talaga minsan, Theo!

"Pagbigyan mo na par," saad ni Zinjie dahil hindi talaga siya nagpapatalo. "Sama na rin ako sa'yo, gusto kong subukan yung milktea nila."

"Ayaw n'yo na ba do'n sa gawa ko?" Yamot kong sagot na ikinatawa niya lang. Sa huli, bumigay na lamang ako at dumiretso na kami do'n sa stall na nagtitinda ng milktea. Ibibilii ko lang ng waffle stick si Theo at bawal naman sa kanya ang karamihan ng tinitinda. Dumadaing pa ako kasi nagsisiksikan ba naman yung mga tao sa stall! Ano ba! Parang may concert kung makatulak ha!

"Nak ng tupa," ibinigay ko na si Theo kay Zinjie. "'te, ano bang bibilin mo? Ako na lang ang oorder at mamamatay tayo dito bago makakain!"

"Red velvet lang! Milktea! Dalawa bilhin mo, may pearl yung isa!" Hiyaw niya.

"'Yon lang?!" Bulalas ko pero umalis na siya. Hayop na lalaki 'yon! Nakipagtulakan na ako sa ibang mga tao at narating na rin sa wakas yung stall. Inilabas ko na yung wallet ko at nang makaraos na.

"Anes," labas ko sa pera ko do'n sa tindera. "Bali isang waffle stick, two red velvet, tsaka matcha. Add pearl sa lahat pero yung isang red velvet wala. Eto yung bayad- "

"Karlo." Nanigas ako sa pamilyar na boses. Bulong lang siya, halos 'di ko na narinig dahil sa sobrang ingay ng buong gym. Natigil ako at lumingon kung saan nanggagaling yung boses.

Nangatal ang labi ko. Parang gusto kong umiyak. Wala akong pakielam kung nagagalit na yung tindera sa'kin kasi binibigay na niya yung order ko.

Eugenio.

"Ikaw pala," tipid kong sagot. Pumiyok ang boses ko.

Nanlumo ang mata niya at nagtangkang hawakan ang braso ko, pero iniwas ko 'yon. Ibubuka pa sana niya ang bibig niya, ngunit may isa pang boses na umalingawngaw.

Babae.

"Carlo, bilisan mong umorder at- " siya naman ang natigil nang makita niya ako. "Carlo, sino s'ya?"

Carlo pala, ha.

Mapait akong ngumiti. Ang tagal kong hindi narinig ang pangalan na 'yan. O kahit binanggit man.

Pinagmasdan ko yung babae. Malamang, siya si Athena. Maganda nga siya. Natural brown ang buhok, maputi at maayos ang kurba ng katawn. Kumpara sa akin, mukha akong basang sisiw.

Lalaki lang ako. Babae siya.

Ngayon ko lang napagtanto ang lahat. Actually, matagal ko nang alam. Pinilit ko lang na hindi paniwalaan.

"Karlo, magpapaliwanag ako- !" Abante sana ni Eugenio pero tumalikod na ako at umalis. Ayokong humarap. Ayoko silang makita. Ayoko siyang makausap.

Hindi ko kaya.

Ayoko na.

Dala-dala ko ang inorder kong pagkain. Kinuha ko yung matcha para inumin at mapalamig sana ang ulo ko, pero dahil sa nadala ako sa emosyon at sa mga taong bumubunggo sa akin, natapon sa akin yung lahat ng laman.

Natahimik na lamang ako.

Nanginginig ang katawan ko.

Sa kahihiyan, at sa halo-halong emosyon na pumupulupot sa katawan ko. 'Di ko na naririnig ang nakakabinging ingay at sigawan sa loob ng gym.

Eugenio, Carlo.. kung ano man ang pangalan mo.

Parehas tayo ng pangalan, parehas na may ex, at parehas na mahilig sa matcha.

We may have the same name, somehow the same page, but we have different fates.

At sa matcha na natapon ko ngayon, it's an aftermath of all my heartaches.

Ikaw ang iniisip ko, habang abala kang iwan ako.

I Love You So Matcha [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon