Chapter 22

345 16 1
                                    

Leslie Alegria Pov.

Magdamag muli akong gumugol ng oras para sa introduction design ni hazel. Tinapos ko talaga iyon para wala siyang masabi sa akin. Kahit na may activity pa akong gagawin sa bahay, mas inuna ko itong tapusin.

Kailangan ko pang tapusin ang isang creative designs for fundamentals dahil isa rin iyon sa bilin ng professor.

Mas hinahasa nila kami ngayon sa pag-gawa ng sketch at mga plates about designs. Siguro nga ay maswerte ako dahil kahit papaano ay may talento ako sa drawing. Ito na rin siguro ang dahilan kung bakit ito ang kursong nais kong tahakin.

"Narito na ang tatlong plates, paki-check na lang." naabutan ko si hazel sa isang bench matapos kong marating ang unibersidad. Kasama nito ang kanyang grupo habang nagtatatawanan sila.

"Mamaya ko na 'yan titingnan. Eto ang pera mo." may nilalahad siyang pera sakin na hindi ko matukoy kung magkano ang halaga. Ngunit hindi ko tinangkang kunin iyon dahil ayokong may masabi siya.

"Salamat na lang, pero hindi ako tumatanggap ng bayad." tumaas ang kilay niya sa sinabi ko.

"Ngayon ko lang napagtanto na tumatanggi din pala ang mga mahihirap sa pera." natawa ang mga kasama niya dahil sa sinabi nito. Ngunit hindi ko iyon pinansin, nag-iwas na lang ako ng tingin bago bumuntong hininga.

"Baka mas kailangan mo iyan, hazel. Mauuna na ako." hindi ko alam kung nainsulto ba ito sa sinabi ko. Nawala kasi ang ngisi niya sa mukha ngunit tinalikuran ko na sila.

Hindi man lang ako nakatanggap ng pasasalamat. Grabe talaga, kung sabagay. Hindi ko na rin naman na uulitin ito. Naawa lang kasi ako sa kanya kahapon dahil baka first semester pa lang ay bumagsak na siya.

Nakakahiya naman sa tatay niyang konsehal na tumatakbong kapitan ngayong buwan.

"Leslie!" nilingon ko ang lalakeng tumawag sa akin kung saan madali nitong napantayan ang paglalakad ko. "Ang aga mo, ah? Namasahe ka lang ba?" tumango ako kay diego. Napapansin ko pang mabasa ang buhok niya na halatang bagong gupit. Gwapo siya kahit moreno, matangos ang ilong niya at kung ngingisi ito ay may dimples na uusbong sa magkabilaang pisngi niya.

"Tapos ka na ba sa ikalawang plates mo?" umiling ako. Iyong unang plate pa lang kasi ang natapos ko dahil deadline iyon sa biyernes. Iyong mga apat na designs ay gagawin sa mga susunod na weekend.

"Baka mamaya ko ito gagawin, mas inuna ko kasi ang activity sa space planning." tumango si diego.

"Natapos mo iyong dalawa?" tumango ako nakangiti. Dahil sa sinabi kong iyon, halatang namangha siya base sa ipinakita nitong reaksyon.

"Ang galing mo, gumawa ka pa ng introduction niyan ah." tipid lang akong ngumiti. Nais ko sanang sabihin na simple lang iyon dahil 3D sketch siya. Ngunit baka mayabangan siya sa akin kaya ngumiti na lamang ako.

Sa lalagpasan naming gusali, naroon ang mga engineering student. Nakaupo sila sa isang grand stand at masayang nag-uusap.

Ngunit mas nangingibabaw ang imahe ni akhiro. Hindi niya kasama ang kanyang mga pinsan marahil ibang kurso ang kanilang tinahak.

Nakita ko'ng ngumiti siya ng may sinabi ang katabi nitong lalake. Nailing pa siya na para bang hindi pa makapaniwala. Ngunit bago kami lumiko sa isang hallway kung saan patungo ang gusali namin, nagawi ang paningin niya sakin. Unti-unting nawala ang ngisi nito dahilan upang mag-iwas ako ng tingin.

"Leslie?" napabaling muli ako kay diego pagka-liko naman sa pasilyo.

"May sinasabi ka ba?" tumango siya, natatawa.

"Tinatanong kita kung nagbaon ka ba ng tanghalian mo?"

Tumango ako. "Oo." kadalasan kasi ay nagdadala ako ng kanin. Kung may matitirang almusal ay iyon rin ang dadalhin ko. Binibigyan naman ako ng pamasahe ni amang. Hindi na rin naman siya nagtanong ukol sa librong pinabibili sa amin.

CDS 3 : Admiring Dreams With YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon