Minsan, tinanong ko ang aking sarili,
Gusto mo ba ang daang iyong pinili?
Bukal ba sa loob ang 'yong mga ngiti?
O tinitiis ang sakit sa pag-ngiwi?
Katulad ng mga bulaklak sa hardin,
May kagandahang taglay sa unang tingin.
Ngunit, kung sa malapita'y susuriin,
Kulay ay maputla at balot ng itim.
Ganito na ba tayo ngayon, katoto?
Sarili'y tinatago sa ibang anyo?
Ito na ba ang ating modernong mundo?
Nagkukubli sa kahit sinong anino?
Minsan, nasagot ko ang aking sarili,
Mukhang sa daang ito'y magkakamali.
Pipiliing ngumiti kahit sandali,
Mawaglit lang na pasan ko ang daigdig.
- EN -