November 21, 2023
"Bente Tres"
Isang liham mula at para sa may-akda.
Maligayang Kaarawan! Isa na namang taon ang nadagdag sa iyong edad, subalit ang iyong kagandahan ay nananatili pa rin—yayy!
Naging mahirap ang mga araw, linggo, at buwan na dinaanan mo. Ngayong taon ka nakaranas ng mga sakit na iniiwasan mo sa mga nakalipas na taon, at ngayong taon ka rin binabalik-balikan ng mga "kaisapang" dapat ay iniwan mo na sa iyong nakaraan.
Datapwat, sa kabila ng lahat ay pinipili mo pa ring magpatuloy sa buhay hindi dahil sa "gusto mo lang". Nagpapatuloy ka dahil alam mong marami ang taong malulungkot, at masasaktan kung mawawala ka sa kanila. Unti-unti ka ng nagiging mulat sa realidad ng buhay na, "hindi lahat ng nararanasan mo ngayon ay mananatili sa mahabang panahon."
Ang mga pagsubok na hinarap mo noong panahong nag-iisa ka ay magbubunga rin ng kasaganahan pagdating ng araw kasama ang mga taong iyong minamahal. Ang pag-iyak mo tuwing gabi, ay hindi nangangahulugang katapusan na ng buhay mo. Dahil ito pa lamang ang simula ng "bagong ikaw." Mahirap, pero alam kong pinipili mong kayanin ang lahat ng bagay. Masakit, ngunit alam kong pinipili mo pa ring magpasensya, at maghintay na mapapalitan ito ng galak at totoong mga ngiti.
Nais kong magpasalamat sa mga taong hindi ako kinalimutan kahit pa kalimutan na ako ng mundo. Marahil ay hindi nga ako karapat-dapat rito, subalit dahil sa inyo ay pinipili kong gawing karapat-dapat ang sarili ko upang mabuhay.
Maraming salamat sa mga pagbati, pangangamusta, pagmamahal, at pag-alala. Mahal ko kayo palagi, saan man ako magpunta, at palagi kong hinihiling sa Maykapal ang inyong kaligtasan upang ang ating pagsasamahan ay maging pangmatagalan.
Hangad ko ang kaligayahan nating lahat!
- EN -
---------------------------------------------------------
A/N: Masaya akong umabot ako sa ganitong edad. THANK YOU FOR ANOTHER YOUTHFUL YEAR, LORD!
