DECEMBER 23, 2023
Bakit gano'n? Parang hindi ko naman 'yon deserve.
Alam mo 'yong pakiramdam na ang saya-saya ng araw mo kasi sa wakas, matapos ng apat na taon ay nakita mo na ang mga taong inaasam-asam mong makita? Kumpleto ka na eh. Kumpleto na 'yong pasko mo kahit na alam mo rin sa sarili mong wala ka ng pera, o marami kang dinalang school works at alalahanin basta't makita o makasama mo lang sila.
Pero hindi talaga mawawala na sa gitna ng kasiyahang ninanamnam mo, may isang sitwasyon o mga tao talagang sisirain lahat eh. Tipong sa isang iglap, manggi-guilt trip tapos parang konsensya mo pa kapag nalungkot sila kasi hindi ka tumupad sa usapan.
Oo, aminado ka. Nagbitiw ka ng salita sa kanila, mga salitang siguradong-sigurado ka, mga salitang talaga namang alam mong aasa sila. Pero masisisi o sisisihin mo rin ba ang sarili mo sa mga bagay na pwedeng mangyari pero hindi mo naman kontrolado? 'Yon bang bigla ka na lang uurong kasi hindi na kaya ng pinagdaraanan mong harapin 'yong mga binitawan mong salita.
Mahirap talagang kalaban ang pera at kayabangan ng isang tao sa totoo lang. Kapag nagbitiw ka kasi ng isang pangako at kalakip noon ang usapin tungkol sa "budget" lalo na't magpapasko, nako talaga namang uulan ng "guilt trip" sa parte mo lalo na kung ang mga napangakuan mo ay mga kamag-anak mong mahilig sa "agad-agad" na aksyon.
Gusto nila isang sabi lang, aksyon kaagad. Isang hingi lang, dapat bigay kaagad. Isang pilantik lang ng mga daliri nila, dapat nasa mga kamay na nila ang mga bagay na gusto nilang sakalin—este hawakan. Eh, mabuti sana kung may trabaho na ako at kaya ko ng palamunin 'yong sarili ko eh.
Kaso hindi... Aaminin kong isa pa rin ako sa mga taong hindi pa nakaka-graduate at wala pang trabaho. Umaasa pa ako sa sustento ng tatay kong pagod na pagod at puyat na puyat na sa kakabantay sa isang pabrika rito sa syudad (in short PALAMUNIN pa rin ako).
Mabuti sana kung sinusuka o idinudumi lang niya ang perang pinangkakain namin, at mas panalo sana kung ang perang ito ay "easy money" kumbaga.
Alam mo 'yong mas convenient sa ganitong sitwasyon?
Mabuti sana kung katulad din ako nila. O kaya ko man lang silang masabayan.
Kaso simple lang naman gusto ko ngayong pasko eh. Gusto ko lang naman makita 'yong mga matatalik kong kaibigang hindi ako iniwan kahit lumayo ako sa kanila. Gusto ko lang naman silang makasama kahit sa maikling panahong nakalaan. Gusto ko lang namang maramdaman ulit na hindi ako "left out."
Gusto ko lang naman makasama ang tatay kong apat na taon kong hindi nakita.'Yon lang naman dapat ang ganap sa pasko ko ngayong taon at sobrang saya ko na.
Kaso, minsan may mga tao talagang hindi ko kailanman maiintindihan kasi kahit sila hindi rin nila naiintindihan ang sitwasyon at intensyon ko ngayong kapaskuhan.
Ngayon napagtanto kong, ang hirap pala maging biktima ng "guilt trip."
Kaya sige na, magtampo na kayo kaysa naman pilitin ko ang sarili kong maging masaya kasama kayo sa pasko.
Kaya sige na, magtampo na lang kayo.
_______________________________
A/N: I prefer to celebrate Christmas with my Father as I have planned few years back. After all, ang intensyon ko lang naman ay makasama ang tatay ko at wala sa plano kong gawing "expensive" ang taon ko.
P.S: I am beyond grateful to ARMY-G and to my best sister in town for their time, effort, and love kahit pa pinili kong mangibang nayon. Sila ang mga taong karapat-dapat ingatan, mahalin, at balikan. Maraming salamat sa libre at pagbibigay kahulagan sa 2023 ko.
Mahal na mahal ko kayo mga pre.
