“Anong nangyari? Bakit parang pinagsakluban ng langit at lupa si Miss Fuentes?” tanong sa kaniya ni Whinona nang lapitan siya nito.
“Hindi ko rin alam, kaya manahimik na lang tayo. Baka mamaya mapagdiskitahan na naman ako,” bulong niya rito. Tinatapos niya sa mga sandaling iyon ang iniwang trabaho kagabi.
Wala siyang narinig na kahit ano kanina noong pumasok na ito. Akala niya sesermunan siya nito, pero hindi ganoon ang nangyari. Ngumiti pa ito sa kaniya, kaya lang, halatang peke naman. Hindi niya alam kung anong sinabi rito ng boss nila, pero bigla ay para itong naging maamong tupa. Subalit, hindi naman maikakaila sa mga gawi at kilos nito ang tunay na nararamdaman, gaya sa mga sandaling iyon.
“May nangyari kaya?” tanong pa ni Whinona na hindi pa rin pala umaalis sa tabi niya.
“Whin, puwede ba? Marami akong ginagawa rito! Ayokong mapagalitan, okay?” pabulong niyang sita rito. Sinilip pa niya sandali si Miss Fuentes. Halatang may malalim itong iniisip base sa pangungunot ng noo nito.
“Oo na! Oo na! Mabuti na lang din at parang occupied siya ngayon. Hindi niya naalala na kunin ang mga iyan.” Inginuso nito ang kaniyang ginagawa. Wala itong kaalam-alam kung bakit nga ba hindi siya ginagambala ng demonyita niyang boss. Wala rin naman siyang balak sabihin pa iyon dito.
“Kaya nga. Kaya bumalik ka na sa puwesto mo, dahil baka mamaya, ikaw ang maputukan niya,” pananakot pa niya para tigilan na siya ng kaibigan.
Katakot-takot na irap ang itinugon nito sa kaniya, bago pinagulong ang kinauupuan sa sariling lamesa. Iiling-iling naman siyang nagpatuloy sa ginagawa. Ayaw rin naman niyang patagalin ang trabaho.
Engrossed na engrossed siya sa ginagawa kaya hindi niya namalayang lumipas na pala ang oras. Hindi rin niya namalayang may lumapit sa kaniya. Tumikhim ito pero parang wala naman siyang naririnig.
Tumikhim itong muli. Mas malakas at siniguradong aabot sa tenga niya.
Napaangat ang kaniyang ulo mula sa pagkakayuko. Napatayo siya nang makita kung sino ang naroon. Pag-ikot ng kaniyang mga mata sa kinaroroonan, siya na lang pala ang natitira roon.
Tiningnan niya ang malaking orasang nakakabit sa dingding. Pasado alas-dose na pala. Ni hindi niya namalayang lunch break na. At ang bruhilda niyang kaibigan, hindi man lang siya sinabihan!
Pero kung lunch break na, bakit naroroon ang lalaki sa harapan niya. Ang tinutukoy lang naman niya ay si Enrico Lagdameo. Nakapamulsa ito habang titig na titig sa kaniya. Hindi tuloy niya naiwasang pamulahan ng mukha.
Nahihiyang inayos niya ang salamin na suot pagkuwa’y yumuko. “A-ano kailangan ninyo, Sir? Wala po si Miss Fuentes. Baka po nag-lunch out,” aniya.
“Was that a habit?” he asked. Pero hindi naman niya alam kung ano ang tinutukoy nito.
Nag-angat siya ng ulo ngunit paiwas pa rin ang tingin. “P-pardon, Sir?”
Umiling-iling ito habang tumataltak. “I just wanted to give you this.” Inilahad nito ang kamay sa harapan niya. “You forgot it in my car last night,” anito.
Nanlaki ang mga mata niya at agad na kinuha ang hawak nito. “S-sorry, Sir. Naabala pa kayo dahil dito.” Mabilis niyang inilagay sa bag ang kaniyang panyo na iniaabot nito.
Iginala nito ang mga mata sa tahimik na opisina. “Hindi ka ba mag-l-lunch?” Muli siya nitong binalingan.
“A-ahm. . . H-hindi po. . .” nauutal na tugon niya. Kinakabahan siya na hindi niya mawari.
Bakit ba kasi naroon ang boss niya? Pinag-aksayahan pa nitong dalhin ang panyo niya, marami naman siya noon.
Bakit ba hindi ka na lang magpasalamat? Nag-abala pa naman iyong tao.
BINABASA MO ANG
SEASON OF LOVE 4: AUTUMN: INNOCENT LOVE
RomanceWhen Autumn was lost, she found salvation in the arms of her boss-Lucio Enrico Lagdameo. Subalit, para manatili sa tabi nito, kailangan niyang matuto. Kailangang mawala ang inhibisyon sa katawan niya. But how can she learn all of those when she's n...