Sa dalawang dekada at tatlong taong pamumuhay ni Clair sa mundo, kailanman ay hindi niya natutuhan ang tumanggi. Isang tango lamang mula sa kanya ang kailangan at maaasahang magagawa niya lahat ng iaatang sa kanya.
Hindi madaling mamuhay sa kahirapan. Hindi ka p'wedeng magreklamo. Hindi ka p'wedeng maging komportable. Alam ni Clair na lahat ng bagay sa mundo ay may kapalit. Itinatak na niya sa kanyang munting kokote na para makuha ang lahat ng kanyang inaasam, kailangan niyang isugal ang buong sarili.
Kaya naman ilang taon man ang lumipas, mahirap nang alisin ang nakasanayan. Hindi naman ito kailangang gawin ni Clair. Sigurado siyang may iba pang pagkakataon na darating para mapaunlad ang sarili sa pahayagan. Nakatakas na siya sa gapos ng kahirapan. Kung tutuusin, isang hiling lamang niya sa kanyang tiyahin, gagawan at gagawan nito ng paraan upang tulungan siya.
Ngunit sa hindi malamang dahilan, hindi alam ni Clair kung bakit hindi niya magawang tanggihan ang proyektong ito.
"Sige po," aniya na kaagad niyang pinagsisihan. "Ako na po ang tatrabaho sa article."
Pumalakpak si Lip at ngumiti. "Good! You have a month to work on this. Pero dahil uuwi ka ng probinsya, make sure to report back to me on your progress by the end of every week," litanya nito.
Tumango lamang si Clair at walang lakas na sinuklian ang ngiti ng babae. "Will do po, ma'am."
"Great. I'll see you when you get back." Tumayo na si Lip mula sa sofa at naglakad patungo sa pinto ng silid. "Gabs, I'll go ahead."
Bumaling si Clair kay Gabriela at tipid ding tumango rito bilang paalam. "Uuna na rin po ako, ma'am," saad niya.
Saglit lamang na nag-angat ng tingin si Gabriela sa kanila at mabilis na iwinagayway ang kamay. "Thanks, guys!" Sunod itong lumingon kay Clair at magaan itong nginitian. "And good luck with your first task, Miss Sta. Maria."
"Thank you po."
Isang malalim na hininga ang binitawan ni Clair nang makapasok sa elevator. Pikit-mata siyang sumandal sa dingding habang unti-unting humihigpit ang kapit sa hawak na dyaryo.
Nang makahakbang palabas ng elevator ay agad rin siyang bumalik sa kanyang cubicle. Nasa dulo ito katabi ng storage room at paugong-ugong na dispenser na palagay niya ay naroon na magmula nang maitayo ang kumpanya.
Muli niyang binuksan ang laptop at sinimulang magsaliksik tungkol sa youth foundation na nabanggit ni Lip- ang Small Haven Foundation. Hindi lingid sa kaalaman ni Clair na itinatag ito bilang pag-alala kay Pauline. Buwan-buwan, sa loob ng tatlong taon, ay sinisikap niyang lihim na makapagbigay ng donasyon sa organisasyon upang mas mapagtibay ang pagtataguyod nito.
At para kay Clair, ito na rin ang paraan niya upang makabawi sa dating kababatang minsang naging parte ng buhay niya, bagay na matagal niyang itinatago mula sa bagong mundong kanyang pinasok.
Gayunpaman, walang kaalaman si Clair na si Ravi Santana ang nagtatag nito. Magmula nang talikuran niya ang probinsya, hindi na siya nagkaroon ng komunikasyon pa kay Ravi na tila ba kasama rin ito sa mga alaalang hindi na niya nais panatilihin pa.
Pero alam ni Clair sa sariling wala siyang karapatang ibaon sa limot ang lahat ng iyon. Tanging si Ravi lamang ang may karapatang kalimutan at kamuhian siya.
Hindi ikaw ang biktima rito, Clair.
"Tita Shaye?" Hinubad ni Clair ang sapatos bago dumiretso sa kusina kung saan niya naabutan ang tiyahin na abalang naghihiwa ng mga gulay sa lamesa. Ipinatong niya ang handbag sa isang upuan at inalis ang suot na coat. "You're home early."
"Hey, Clair Bear." Nag-angat ng tingin sa kanya si Shaye at ngumiti. "Medyo sumama lang ang pakiramdam ko kanina kaya napaaga ang uwi ko," tugon nito.
"What? Umupo ka na lang. Ako na ang magluluto. You should be resting."
"Ano ka ba. Okay lang ako," agap naman ng babae. "Ikaw ang maupo d'yan. I heard Gabriela gave you a story to work on for the next issue. Tell me about it."
Natahimik si Clair. Marahan siyang humila ng upuan at naupo roon, hindi malaman kung paano sisimulan ang usapan. Umangat naman ang kilay ni Shaye sa pananahimik ng inaanak. Tuloy, ang tanging naririnig lamang na tunog sa kusina ay ang pagtama ng kutsilyo sa sangkalan.
Huminto ang babae sa ginagawa at itinuon ang buong atensyon kay Clair na nakababa lamang ang mga matang bahagyang natatabunan ng manipis na bangs.
"Clair? Is something wrong?" maingat na tanong nito.
Bumuntong-hininga si Clair at pinagsiklop ang mga kamay sa lamesa. Binasa niya ang labi bago sinalubong ang tingin ng tiyahin. "Si Poleng."
"What?"
"It's Poleng I'm tasked to write about," saad ni Clair. Nang hindi nagsalita si Shaye ay nagpatuloy siya. "Tinanggap ko po."
Sandaling minata ni Shaye ang inaanak bago ito bumalik sa paghihiwa ng mga gulay. "I'm not going to question your decisions and all, anak. Alam mong narito lang ako lagi para suportahan ka. Isa lang naman ang inaalala ko-kung kaya mo na ba."
Iyan rin ang tanong na paulit-ulit na tumatakbo sa isipan ni Clair. Limang taon na ang dumaan, ngunit hindi niya pa rin alam kung pa'no iyon sasagutin. Tawagin man siyang duwag o walang konsensya, mahirap sabihing handa na siyang harapin muli ang buhay na kanyang iniwan.
Tadhana na rin nga siguro ang nagdala kay Clair sa sitwasyong iyon dahil alam niya sa sariling hindi niya ito habambuhay pwedeng takbuhan.
"Magiging okay lang ako, tita," sagot niya.
"P'wede ka namang tumanggi kung hindi mo pa talaga kaya," paniniguro pa ni Shaye.
"Ayos lang ako, tita. And I really need to step up my career. Ito na 'yun," sambit naman ni Clair. "Besides, miss ko na rin sina lolo at lola. Isang taon na rin."
"Alright. But still, okay lang mag-backout, ha? Don't force yourself if you're not fully ready yet."
Saglit na bumuka ang labi ni Clair, ngunit itinikom din iyon. Alam niya sa sariling hindi kailaman darating ang araw na kaya na niya itong sabihin. Pero hindi siya umimik. Hindi siya umangal at umaming wala ang salitang handa sa bokabularyo niya.
Pinigilan niya ang sarili. Kasi kung hindi ngayon, kailan?
"Clair." Inabot ni Shaye ang kanyang kamay at marahan iyong pinisil. "Just tell me, okay?"
Sa halip ay ngumiti siya at tumango. "I will, tita."
Labing-walong taong gulang si Clair nang lisanin niya ang Quezon at lumuwas papuntang Maynila. Dala ang isang malaking backpack kung saan nakasilid ang iilan niyang mga kagamitan, piniling iwan ni Clair ang lahat ng alaalang minsan niyang pinangakong baunin habambuhay.
Ngayong siya ay dalawampu't tatlong taong gulang, hawak ang isang maleta baon ang lahat ng sakit at takot na kanyang kinimkim sa mahabang panahon, Maynila naman ang kanyang panandaliang lilisanin.
"You all set?" Sinalubong siya ni Shaye sa dulo ng hagdanan at tinulungan siyang tuluyang maibaba ang dalang maleta. "Bakit parang ang unti naman 'ata ng mga inimpake mo?"
Hinila ni Clair ang handle ng bagahe at tumingin sa tiyahin. "Isang buwan lang naman ako roon... 'tsaka may mga damit naman ako sa bahay nina lolo't lola."
Sabay silang lumabas ng bahay at nagtungo sa sasakyan ni Shaye kung saan nila isinakay ang kanyang gamit. Nang sandaling bumalik si Shaye upang isara ang pinto ng bahay, iginala ni Clair ang paningin sa paligid. Kahit ika-anim pa lamang ng umaga ay abala na ang lungsod ng Maynila, mabilis ang oras at tila laging may hinahabol-ibang-iba sa kinalakihan niyang probinsya.
"Let's go, bago pa tayo abutin ng traffic!" bulalas ni Shaye at umikot na patungo sa driver's seat.
Sa huling pagkakataon ay sinuyod ni Clai ng tingin ang kalsada ng Maynila bago ito tinalikuran. Sumakay siya sa sasakyan at itinuon ang mga mata sa harap, dahil sa kabilang dulo ng daan, Quezon ang naghihintay sa kanyang pagdating.
BINABASA MO ANG
Mga Mutya ng Lansangan
Teen FictionLimang taon mula nang makitil ang kanyang kababata sa giyera kontra droga, isinumpa ni Clair sa sarili na kailanman ay hindi na siya babalik pa sa probinsya ng Quezon. Kinumbinsi niya ang sariling kuntento na siya sa buhay bilang isang simpleng mama...