Hindi na mawari ni Clair kung gaano na katangkad si Ravi ngayon kumpara noon. Noong nasa ika-12 baitang sila ng hayskul, natatandaan niyang nasa limang talampakan at limang pulgada ang kaibigan.
Hindi na rin alam ni Clair kung ilang beses niyang lihim na sinulyapan si Ravi. Nakasuot ito ng isang simpleng puting polo shirt at pantalon. Ang dalawa nitong kamay ay nakasiksik sa tigkabilang bulsa ng maong, diretso lamang ang tingin sa monumento ni Rizal sa kanilang harapan.
"Kumusta ka na?" basag ni Ravi sa katahimikan.
Napaiwas ng tingin si Clair at itinuon din ang paningin sa estatwa. Silang dalawa lamang ang nasa parke ng mga oras na iyon. Malawak ang paligid pero parang iniipit siya at sinisiksik.
Tumikhim siya at nagbaba ng tingin, "I'm great."
"Mabuti naman."
Mababa pa rin ang tono ng boses ni Ravi. Kung ikukumpara ni Clair noon, mas lalo pa itong naging mariin, malalim, at nakapanghihinang dinggin.
Sandaling sumipol ang pang-umagang hangin. Gamit ang mga daliri, marahang sinuklay ni Ravi ang kanyang pixie cut na bahagya nang humahaba. Tumatabing na ang ilang hibla nito sa kanyang mga mata; pinigilan ni Clair ang sariling hawiin iyon.
"Kahapon ka nga lang ba umuwi?" tanong ulit ni Ravi.
Mabagal na tumango si Clair. Wala sa sariling hinanap ng mga kamay niya ang strap ng kanyang maliit na bag upang humugot doon ng lakas.
"May nagsabi ba sa'yo na may event 'yung foundation namin dito?"
"Oo. Si... si Mimi."
"Gaano katagal ka pala rito?"
Tila may kung anong bumara sa lalamunan ni Clair. "I-isang buwan lang," mahinang sagot niya.
Isang tipid na ugong lang ang tinugon ni Ravi na muling nasundan ng mahabang katahimikan.
Abala at maingay na ang mga kalsada sa bayan. May ilang galing sa pamamalengke, may mga nag-uunahan sa pagsakay ng mga dumaraang dyip at bus. At mayroon ding tahimik lamang na nagmamasid sa paligid, pinapakiramdaman ang sariling himig ng kanyang puso.
"Ravi?"
Sa ikalawang pagkakataon, nagsalubong ang mga mata ni Clair at Ravi. May isang dipang namamagitan sa kanila, ngunit sapat na iyon para maramdaman ni Clair ang kabuuan ng presensya ni Ravi sa kanyang tabi.
Sa mga sandaling iyon, nakita ni Clair ang mumunting bakas ni Poleng sa mukha ni Ravi. Kumurap siya.
"Hmm?"
Mapupungay ang mga mata ng dalaga habang nakabaling sa kanya. Hindi katulad noon, hindi na mabasa at matukoy ni Clair kung anong nais ipahiwatig ng mga ito. Gayunpaman, nag-uumapaw ang iba't ibang emosyon sa dibdib niya na tila ba nakalubog siya sa tubig, unti-unting hinihigop ang bawat hininga niya.
Kailanman ay hindi natutong lumangoy si Clair, kaya nariyan na naman siya, nalulunod sa buong katauhan ni Ravi Santana.
Kuyom ang mga palad, lumunok si Clair at ibinuka ang bibig. "I-"
Walang anu-ano'y biglang umalingawngaw ang telepono ni Ravi. Tumikom si Clair at pinanood itong kapain at kunin sa sariling bulsa.
Napaiwas ng tingin si Clair, dismayado ngunit kalaunan ay napahinga rin nang maluwag.
"Hello?" sagot ni Ravi. "Dito lang ako sa labas. Oo, kasama ko siya. Ngayon na ba? O sige, papunta na kami." Ibinaba nito ang telepono at nilingon si Clair. "Sorry, ano 'yung sinasabi mo?"
Pilit lang na ngumiti si Clair at umiling. "Wala 'yon. Kailangan mo na bang bumalik sa loob?" aniya.
"Oo, e. Hinahanap ka rin sa'kin ni Mimi. Sumama ka na lang sa akin at sa simbahan ka niya tatagpuin."
BINABASA MO ANG
Mga Mutya ng Lansangan
Teen FictionLimang taon mula nang makitil ang kanyang kababata sa giyera kontra droga, isinumpa ni Clair sa sarili na kailanman ay hindi na siya babalik pa sa probinsya ng Quezon. Kinumbinsi niya ang sariling kuntento na siya sa buhay bilang isang simpleng mama...