Kabanata XI

18 5 4
                                    

2018, Setyembre

Araw ng Sabado. Hindi pa man tumitilaok ang mga manok sa bakuran ng kapitbahay nina Clair, dinig na niya ang pagkalansing ng kanilang tarangkahan.

Bagaman hinihila pa rin ng antok, pupungas-pungas siyang bumangon sa kama at sumilip sa bintana ng silid niya. Sa labas ay natagpuan niya ang magkapatid, dala ang kanilang mga bisikleta at mga sariling bayong na nakasabit sa manibela nito.

Kumaway ang mga ito sa kanya kaya naman agad sumenyas si Clair. Dalian siyang tumakbo sa banyo upang gumayak bago mabilis na nagpaalam sa kanyang lola at lolo.

Dala ang isang shoulder bag at sariling bayong na naglalaman pa ng ilang eco bags, lumabas siya ng bahay kung saan naghihintay ang kanyang mga kaibigan. May headband sa buhok si Poleng habang may suot namang kupas na baseball cap si Ravi.

"Salamat ulit sa pagsama," nahihiyang wika niya.

Lumabi si Poleng. "Ayos nga lang, ito naman." Kinuha nito ang bayong sa kamay ni Clair at isinabit iyon sa kabilang banda ng manibela ng bisikleta. "Kamusta si Lolo Dan?"

"Umaayos na ang pakiramdam niya. Nagpupumilit na ngang bumalik sa pamamasada. Paubos na rin ang gamot niya, e. Iniisip ko pa kung pa'no kami bibili," problemadong tugon ni Clair. "Kulang pa rin kasi yung kita ni lola sa paglalabada. 'Di rin naman sapat yung nakukuha ko sa paggawa ng mga essay."

Sumampa ang kambal sa sariling mga bisikleta. Inilahad ni Ravi ang palad sa harap ni Clair, at nang tanggapin ng huli ay binigyan nito ang dalaga ng isang banayad na pisil.

"Hayaan mo, iisip din kami ng paraan. P'wede naman ako umekstra sa pagde-deliver kay Aling Rosing," nakangiting pahayag ni Ravi.

"May kaunti rin akong ipon galing sa pananahi, Cla," dagdag pa ni Poleng. "Ihahati kita do'n kahit kaunti."

Nag-iinit man ang puso, agad na umiling si Clair. "Hindi na. Itabi n'yo 'yan dahil kailangan n'yo rin naman, lalo na si Tita," tanggi niya, tinutukoy ang ina ng magkapatid.

Inalalayan siyang sumampa ni Ravi sa likuran ng kanyang bisikelta saka ipinatong ang kanyang kamay sa balikat nito.

"Ipaalala mo sa 'kin yung bike mo pagbalik natin," anito. Lumuwang kasi ang kadena ng bisikleta ni Clair noong nakaraang araw kaya nag-boluntaryo ang dalagang ayusin ito para sa kanya. "Kumapit kang mabuti, ha."

Nakakakiliti ang simoy ng hangin na dumudulas sa buhok ni Clair nang magsimulang pumedal ang mga kaibigan. Unti-unti pa lang lumiliwanag ang paligid kasabay ng pagyakap ng kahel na sikat ng araw sa bughaw na langit.

Mababaw ang hiningang binitawan ni Clair, ang dibdib ay magaan sa kabila ng mga pinapasan niyang tila kasing-bigat na yata ng buong mundo.

"Nga pala, chief," dinig niyang tawag sa kanya ni Ravi.

"Bakit?"

"Good morning. Nalimutan kong batiin ka kanina."

Bahagyang natawa si Clair, pinaglalaruan na ang manipis na kwintas ni Ravi na tila ba naglalagi na ang mga daliri niya roon. "Good morning din po, kap," nangingiting tugon niya.

Kumpara sa kalmadong kalsadang dinaanan nila, abala na agad ang buong talipapa. Mula sa labas ay amoy na ni Clair ang malalansang mga isda at natuyong dugo ng mga hilaw na karne. Bumaba siya sa bisikleta ni Ravi at kinuha ang isang bayong mula kay Poleng.

Walang imik silang sumuuong sa dagat ng mga tao, ang mga lumang tsinelas ay dire-diretsong tumapak sa putikang sahig habang patungo sa hanay ng mga gulay sa bukana ng talipapa.

"O, mga hija," bati sa kanila ng ale ng nilapitan nila ito. "Kamusta naman ang lolo mo, Clair?"

Ngumiti si Clair at saka sinimulang mamili ng sayote. "Bumubuti naman na po," sagot niya.

Mga Mutya ng LansanganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon