Kabanata XX

11 2 0
                                    

2018, Nobyembre

Isang ngiti ang sumibol sa labi ni Clair nang humilig sa palad niya si Miti. Hinaplos niya ang itim at makapal na nitong balahibo bago hinayaan itong tumakbo sa paanan ni Poleng.

"Chief," saad ni Ravi at naupo sa tabi niya, "popsicle?"

Binalingan ni Clair ang kaibigan saka nakangiting tinanggap ang ice pop. "Salamat." Nanuot ang lasa ng mangga sa dila niya nang isubo ito, ang tamis ay umaakyat hanggang sa rosas sa kanyang pisngi.

Tahimik lamang silang kumain habang nakasandal sa tigkabilang hamba ng pintuan ng bahay nina Clair. Hinayaan nilang pagharian sila ng mga tawa ni Poleng habang nakikipaghabulan sa itim na tuta, ng lumang awitin sa radyo ni Lolo Dan, at ng wisik ng iniinit na sisig sa kusina ni Lola Belen.

Mula sa sulok ng kanyang mga mata, sinulyapan ni Clair ang pigura ni Ravi. Kagat-kagat na nito sa pagitan ng ngipin ang stick ng ice pop, ang mga braso ay nakatuon palikod sa sahig. 

"Ravi," tawag niya.

Hindi siya nilingon ng dalaga. "Hmm?" 

"Hindi mo ba 'ko tatanungin?"

Matagal na hindi nagsalita si Ravi. Marahil ay hindi siya nito gaanong narinig, lalo na sa hina at liit ng kanyang boses. Umiwas ng tingin si Clair at ibinalik iyon sa tumutulo na niyang ice pop. Akmang ibubuka na ulit niya ang kanyang bibig nang unahan siya ng kaibigan.

"Gusto mo ba?" tanong ni Ravi, nakatuon na sa kanya ang banayad na mga mata.

Lumunok si Clair, nag-aatubili. Tama si Ravi, dahil ang totoo ay hindi naman talaga niya alam ang isasagot. 

Muli niyang iwinaksi ang tingin at sinikap na ubusin ang ice pop bago pa iyon tuluyang matunaw. Ramdam pa rin niya ang mga mata sa kanya ni Ravi, hindi na ulit siya nilulubayan na para bang ilang dekada silang hindi nagkita.

"Na-miss kita, chief."

Halos malunok ni Clair ang buong stick ng ice pop sa narinig. Nabitawan niya ito, malakas na napaubo at hinampas-hampas ang dibdib. 

Bahagyang tumawa si Ravi at hinagod ang likod niya. "Okay ka lang?"

"Bwisit ka," natatawa ring asik ni Clair. Mahina niyang tinulak ang balikat ng dalaga at umiling. Ngumuso siya at niyakap ang mga binti. "Miss ko rin kayo."

Tipid lang ulit na nangiti si Ravi. Muli itong tumuon sa sariling mga braso na sinundan ng isang buntong-hininga. "Pero naiintindihan ko," marahang wika nito, "kung bakit mo nagawa 'yon."

Gumapang ang pinaghalong bigat at ginhawa sa puso ni Clair. Kinatatakutan niyang dumating ang araw na ito - na harapin ang sitwasyong ito at si Ravi. Pero sa huli, bumalik sa isipan niya na si Ravi lang ito. 

Si Ravi ito, at wala ng iba.

"Masama na ba 'kong tao nito?" pabulong na tanong niya. May bahid iyon ng desperasyon, at hindi isang simpleng oo o hindi lamang na sagot ang hinahanap.

Malayo ang tingin ni Ravi, pero nanatili ang maliit nitong ngiti sa mukha. "Kung mamamatay ka na bukas sa gutom, maiisip mo pa ba 'yan?"

Namayaning muli ang katahimikan sa pagitan nila. Pinanood nila si Poleng na mahiga sa lupa at hinayaan ang tumatahol na tuta na umakyat sa dibdib nito. Malakas ang hagikhik ng dalaga, nakikiliti sa halik ni Miti sa bilog na bilog nitong pisngi.

"Ako ba, hindi mo tatanungin?"

Bumalik ang tingin ni Clair sa kaibigan nang basagin din ulit nito ang katahimikan. Batid niya ang ipinahihiwatig nito, pero hindi siya sumagot. Sa halip, hinintay niya lamang ang babae na magpatuloy.

Mga Mutya ng LansanganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon