Kabanata XIII

15 4 5
                                    

2018, Oktubre

"Hindi mo na ba ako mahal?"

Hinubad ni Clair ang suot na salamin sa mata nang muling umungot sa tabi niya si Mimi, nakanguso at nagpapaawa ang mga mata. Kung normal itong araw, baka bumigay na agad si Clair. Pero umiling siya at kinurot ang tungki ng ilong ng pinsan.

"Hindi nga 'ko, p'wede, Mi," tugon niya at pinisil-pisil ang batok niya.

Halos magpapadyak na ang bata sa tabi niya. Bilog na bilog ang mga pisngi nitong puno ng kanin, kasingpula ng kaulam na hotdog para sa tanghalian nito.

Maingay ang kantina ng Manuel High, pero hindi iyon sapat para talunin ang matinis na boses ni Mimi.

Pinagdikit ni Mimi ang mga palad at nilunok ang kinakain. "Please na, Ate! Ngayon ko na lang ulit makikita si AJ!" bulalas pa nito.

Ibinaba ni Clair ang ballpen sa lamesa at direktang tiningnan ang pinsan. Napahilot na lamang siya sa sentido, hindi malaman ang gagawin.

"Busy nga si Ate ngayong araw. Kita mo nga oh, ang dami ko pang tinatapos na essay."

"Ihahatid mo lang naman ako mamaya, e." Ngumuso si Mimi at kumagat sa hotdog nitong nakatusok sa hawak na tinidor. "Kung gusto mo, sasabihan ko classmates ko para magpagawa rin sa'yo ng essay!"

Umiling lang ulit si Clair bago muling sinimulan ang kasalukuyang sinusulat na sanaysay. Hindi iyon kanya. Wala naman talaga siyang pakialam sa mga kaklase niya para tulungan ang mga ito sa kanilang mga gawain. Pero ngayon, mas lamang ang desperasyon niyang magkapera.

Patuloy lamang sa pagngawa sa gilid niya si Mimi. Hindi pa nakatulong ang nakakatakam na amoy ng mga putahe sa loob ng kantina. Mas kumalam tuloy ang nagwawalang sikmura niya Clair.

Maya-maya pa ay na-okupa rin ang upuan sa harap nilang magpinsan. Nag-angat ng tingin si Clair at nadatnan ang mga kanina pang hinihintay na kaibigan— si Ravi sa kanyang tapat at si Poleng sa tabi nito.

"Overtime kayo ngayon, ah?" komento ni Clair at bumalik sa pagsusulat.

Pinunasan ni Poleng ang namamawis na noo at bumuga ng hangin. "Sa totoo lang. Napakainit pa sa labas. Feel ko uulan."

Nagtuloy-tuloy ito sa pagrereklamo tungkol sa huli nitong klase at mainit na panahon. Ngunit nawala roon ang atensyon ni Clair nang kunin ni Ravi mula sa kamay niya ang ballpen saka dire-diretsong niligpit ang mga papel sa lamesa.

"Teka, Ravi. Tinatapos ko pa 'yan," protesta niya.

Hindi naman siya pinansin ng kaibigan at kinuha lamang ang bag niya upang isilid ang mga papel doon. "Bakit 'di ka pa kumakain?" kunot-noong tanong nito.

Wala ng nagawa si Clair kundi ang mapanguso. Napadungo siya sa lamesa nang biglang makaramdam ng hilo at mas matinding gutom. Naramdaman niya ang pagtayo ni Ravi kaya naman ipinikit niya ang mga mata.

"Ayos ka lang, Clair?" Marahang tinapik ni Poleng ang ulo niya pero hindi siya sumagot. "Mananghalian ka muna, ha? Pagkatapos ay pupunta tayo ng clinic."

Mabagal lamang na tumango si Clair dahil wala na siyang lakas para makipagtalo pa. Kahit nang marinig ang pagbalik ni Ravi sa kanilang pwesto ay hindi niya magawang bumangon.

Mga Mutya ng LansanganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon