Kabanata XXIII

6 3 0
                                    

2018, Disyembre

Sa ikapitong pagkakataon, suminghot nang malakas si Poleng.

Malalim na ang gabi sa bakuran nina Clair. Mapusyaw ang liwanag na hatid ng buwan, sapat para makapagbungkal si Ravi ng maliit at may lalim na hukay sa mamasa-masang lupa.

"Paanong hindi natin napansin? K-kalaro ko lang siya nu'ng isang araw," nahihirapang saad ni Poleng.

Dumako ang tingin ni Clair sa lumang kahon ng sapatos sa kanilang paanan. Sa loob nito, payapang nakahimlay sa pinagpatong-patong na tela ang bangkay ni Miti.

Nasapo ni Clair ang bibig nang manumbalik sa isipan niya kung paano siya niyakap ni Lola Belen nang makauwi at ibinalita ang biglaang pagpanaw ng inampong tuta.

Ang kaso, hindi naman talaga biglaan. May napansin na siyang mga senyales noon. Pero masyado siyang okupado at isinawalang-bahala lang ang mga iyon.

"H-hindi siya kumakain nitong mga nakaraang araw. Akala ko nagsisimula lang siyang maging pihikan kaya 'di ko masyadong inalala," pag-amin ni Clair. "Kumain siya nang marami kaninang umaga kaya mas napanatag ako. P-pero..."

Ikinuyom niya ang mga palad. Hindi nagsalita ang kambal. Nakatungo lamang si Poleng nang simple nitong haplusin ang braso ni Clair habang patuloy na naghuhukay si Ravi.

"Sorry. Naging pabaya ako."

Ibinaba ni Ravi ang maliit na pala saka nakatingalang bumaling sa kanila. "Baka may gusto pa kayong sabihin sa kanya bago ko..."

Magkasabay na lumuhod si Clair at Poleng sa tigkabila ni Ravi. Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa ibabaw ng kahon bago isa-isang naglapat ng halik doon.

Nang matabunan ni Ravi ng lupa ang kahon, tuluyang kumawala ang pinipigilang hikbi sa lalamunan ni Poleng. Agad namang pinunasan ni Clair ang luhang tahimik na gumulong pababa ng pisngi niya. 

Bumuntong-hininga lang si Ravi bago sila kulungin nito sa isang yakap. "Pumasok na tayo. Lumalamig na."

Binalot sila ng banayad na init sa ilalim ng makapal na kumot sa kama ni Clair. Nasa pagitan ng magkapatid ang dalaga, magkatalis ang mga binti habang nakatingala sa kisame. Bahagya mang madilim ang silid, batid ni Clair na unti-unti pa lang natutuyo ang mga luha sa kanilang mga mukha.

"Masaya dapat 'tong araw na 'to, e," basag ni Poleng sa katahimikan ng silid. "Nag-fourth si Clair sa RSPC. May gig sa Sabado si Ravi. May palabas kami sa susunod na linggo."

Pumihit si Poleng paharap kay Clair at yumakap sa braso niya. Ibinaon nito ang mukha sa balikat niya at tahimik muling umiyak doon. 

"Miss na miss ko na agad si Miti."

Pinagbigkis ni Clair ang mga daliri nila ni Poleng at pinisil iyon. "Labas tayo bukas?"

Walang imik na tumango si Poleng bilang tugon. Ilang sandali pa ay naramdaman ni Clair ang mababaw at mabagal na ritmo ng paghinga ng kaibigan sa balat niya, senyales na tuluyan na itong hinila ng pagod.

Bumuga ng hangin si Clair. Masyadong maraming tumatakbo sa isip niya para dalawin ng antok.

"Ravi?"

"Hmm?"

Hindi agad sumagot si Clair. "Gusto ko lang malaman kung gising ka pa."

Naramdaman niya ang paggalaw ni Ravi sa tabi niya. Itinagilid nito ang katawan paharap sa kanya kaya naman tinagpo ni Clair ang mabibigat at namumungay nitong mga mata. Tinatamaan ng kaunting liwanag mula sa labas ng bintana ang kalahati ng maamong mukha ni Ravi. 

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: 6 days ago ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Mga Mutya ng LansanganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon