Ang sariwang hangin ng Quezon ang sumalubong kay Clair nang buksan niya ang bintana ng sasakyan. Isa ito sa kanyang mga paboritong bagay sa probinsya - presko at payapa. Hindi tulad sa Maynila, mararamdaman pa rin ang kalikasan sa bayan ng Pagbilao. Pumikit si Clair at dinama ang paghalik ng hangin sa kanyang mukha.
"D'yos ko," biglang bulalas ni Shaye, "bakit naman gan'to na ang daan sa Pagbilao? Puro bako-bako! E hindi naman ganito noong umalis ako."
Ibinalik ni Clair ang tingin si tiyahin na iwasan ang isang malubak na parte ng kalsada. "Tita, fifteen years ago na mula no'ng lumuwas ka pa-Maynila. Of course there'd be changes," tugon ni Clair.
Tipid na tumawa si Shaye at umiling-iling. "God, I can't believe it's been fifteen years. I miss everything." Maliit itong ngumiti kasabay nang bahagyang pag-amo ng mga mata.
Bumuntong-hininga si Clair at itinuon ang siko sa bukas na bintana ng sasakyan. "I miss everything, too," bulong niya sa sarili.
Ilang sandali pa ay lumiko ang sasakyan sa isang makitid na daan. Napaayos ng upo si Clair nang simulan nilang bagtasin ang pamilyar na lansangan. Sa sulok ng mata niya, nakita niya kung paano siya binalingan ng tiyahin. Pero hindi siya nagsalita, at bagkus ay itinuon ang tingin sa labas ng bintana.
Hinayaan ni Clair ang sariling kabigin ang lahat. Mula sa mga matataas na puno tungo sa kahabaan ng mga palayan, mula sa mga lumang bahay-bahay hanggang sa mga bagong tayong gusali, unti-unting bumuhos ang mga alaala ni Clair. Humugot siya ng hininga at lumabi, pinagmamasdan ang daang hawak ang halos dalawang dekadang alaala ng kanyang buhay.
"Hey." Inabot ni Shaye ang braso ni Clair at sandali siyang giniliran ng tingin. "You okay?"
Lumingon si Clair sa tiyahin saka pilit ang ngiting tumugon. "I'm okay."
Maya-maya pa ay huminto ang sasakyan sa harap ng isang maliit na bahay. Inipon ni Clair ang lahat ng lakas ng loob bago humakbang palabas. Pinagmasdan niya ang bahay na nakatirik sa kanyang harapan.
Iba na ang hitsura ng munting tahanan kung saan siya lumaki. Bagaman iba na ang kulay ng tarangkahan at hindi na makikita ang ilang bitak sa pader, namayani kay Clair ang lahat ng bakas ng kanyang pagkabata at pagdadalaga-ang tinahing duyan sa may bakuran, ang nangangalawang niyang bisikleta sa bandang tagiliran, at ang maliit na bahay-bahayan kung saan niya pinatira ang dating napulot na tuta sa kalye.
"Pasok ka na sa loob, aayusin ko lang ang parada ng sasakyan," saad ni Shaye.
Marahang binuksan ni Clair ang tarangkahan. Nanikip ang dibdib niya kasabay ng muling pag-ihip ng hangin. Habang diretso ang tingin sa kabuuan ng bahay, bumukas ang pinto sa unahan kung saan lumabas ang isang pamilyar na pigura.
"Apo, ikaw na ba 'yan?"
"La..." mahinang sambit ni Clair saka tumakbo patungo sa matandang tumayo bilang ikalawa niyang magulang.
Nagsimulang umagos ang luha niya nang maramdaman ang banayad na paghagod ng Lola Belen niya sa kanyang likuran. Pumulupot ang mga braso ni Clair sa matanda at isiniksik ang mukha sa leeg nito.
Hinalikan nito ang sentido niya at hinaplos buhok niya. "Kanina pa kita hinihintay," anang nito.
Nakaipit man ang sarili sa bisig ng kanyang lola, tuluyang gumaan ang loob at puso ni Clair.
"Nakauwi na po," bulong niya, mas hinigpitan ang yakap sa matanda.
Sa maliit na sala ng kanilang tahanan, basa ang mga pisnging nakaupo si Clair sa harap ng umaandar na telebisyon. Malambot na ang mga upuan sa silid na iyon, inaalo ang kanyang bawat mahinang sinok.
Pumasok si Lola Belen dala ang isang plato ng mga hiniwang mangga. Kumalam ang sikmura ni Clair sa nakita dahilan para mahinang tumawa ang matanda.
"O, kumain ka muna." Inilapag nito ang plato sa maliit na lamesa sa tabi niya. "Magluluto raw maya-maya ang Tita Shaye mo ng pananghalian."
BINABASA MO ANG
Mga Mutya ng Lansangan
Teen FictionLimang taon mula nang makitil ang kanyang kababata sa giyera kontra droga, isinumpa ni Clair sa sarili na kailanman ay hindi na siya babalik pa sa probinsya ng Quezon. Kinumbinsi niya ang sariling kuntento na siya sa buhay bilang isang simpleng mama...