Kabanata VII

23 3 12
                                    

2018, Agosto

Maingay sa gymnasium nang pumasok dito sina Clair, Ravi, at Poleng. Nakaupo na ang mga guro at estudyante ng kanilang batch sa mga monoblock na nakahanay paharap sa entablado.

Gamit ang isang kamay, pinaypayan ni Clair ang sarili. Hindi pa man sila nakakatagal ng isang minuto sa loob ng gym ay tumatagaktak na ang pawis niya.

Tumuro si Poleng sa bandang likuran kung saan may iilan pang bakanteng upuan, "Do'n tayo."

"Hindi ko pa rin maintindihan kung ba't kailangan natin 'tong gawin," sambit ni Ravi nang makaupo sila. "Ang init-init tapos ang haba pa ng program."

Tinanaw ni Clair ang entablado kung saan nakatindig ang isang projector screen. Makikita roon ang powerpoint presentation kung saan nakalagay ang pakay ng programa: MLQNHS Grade 12 1st Quarter - 1st Semester Awarding Ceremony.

Ang katwiran ng kanilang principal, mabuti raw na nakikilala ang lahat ng nakamit na parangal ng bawat estudyante tuwing pagtatapos ng isang markahan para mas maengganyo ang lahat na mag-aral.

Wala naman iyong problema kay Clair. Kalaban lang talaga nila ang init lalo na't hindi naman naipapaayos ang mga bentilador sa gym.

"'Uy, Clair."

Bumaling si Clair kanyang kanan at nadatnan doon ang kaklase niya. Hindi siya nag-abalang bigyan ito ng kahit isang tipid na ngiti at sa halip ay binigyan lamang ng isang nagtatanong na tingin.

"Bakit?"

Tumikhim ang kaklase niya. "Hindi ka ba uupo kasama namin? Naroon kami sa bandang unahan," saad nito, may pilit na ngiti sa labi.

"Hindi na," simpleng tugon naman ni Clair. "Okay lang ako rito."

Hindi na sumagot pa ang kaklase niya at tumango na lang bago lumakad paalis. Ibinalik na niya ang tingin sa unahan ngunit ramdam niyang nakamasid pa rin ang kambal sa kanyang tigkabilang tabi.

Mahina siyang siniko ni Ravi, may maliit na ngisi sa labi. "Ang sungit naman ni chief," biro nito.

"Minsan lang," kibit-balikat ni Clair.

"Tumabi ka na sa classmates mo. Ayos lang naman kami dito ni Leng."

"Hindi na." Umiling si Clair. "Mas mainit do'n kaysa dito."

Ngumuso si Ravi at sinuklay pabalik ang namamasa nang buhok. Kinalas nito ang Press ID mula sa lanyard ni Clair at ginamit ito upang paypayan sila.

Iginala ni Clair ang paningin sa gymnasium. Mula sa dagat ng mga estudyante sa kanilang haparan, pasimpleng hinanap ng kanyang mga mata ang mga kaklase niya.

Mabilis niyang natagpuan ang mga ito dahil sa suot nilang mga t-shirt na pare-pareho ang disenyo. Personal itong pinagawa ng kanilang pangkat upang magamit sa mga ganitong okasyon.

Maliban na lamang sa kanya.

Sayang kasi sa pera.

Hindi rin naman sa tinuturing na outcast o killjoy si Clair sa kanyang klase. Sa katunayan, lapitin siya ng kanyang mga kaklase dahil sa likas niyang talino at galing sa pag-aaral. Pero hanggang doon lang iyon.

Dahil para kay Clair, sapat na si Ravi at Poleng upang punan lahat ng patlang sa kanyang buhay.

Maya-maya pa ay umakyat sa entablado si Ma'am Dane, may hawak na mikropono sa isang kamay. Tumayo ito sa likod ng podium dahilan para tumuon sa kanya ang atensyon ng lahat.

"A pleasant morning to everyone..." bati ng ginang, nakaukit ang isang ngiti sa maaliwalas na mukha. "Welcome to our first awarding ceremony for this academic year."

Mga Mutya ng LansanganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon