2018, Setyembre
"Anong ipapangalan natin sa kanya?"
Naupo si Clair sa gitna ng kambal habang pinagmamasdan ang tutang nakasiksik sa sulok ng silid niya. Bagaman napaliguan na nila ito, maaamoy pa rin ang sariwa nitong mga sugat sa katawan.
Humugong si Poleng at lumabi. "Kung Miti na lang kaya?"
Kasabay ng pagkiling ng ulo ng tuta ay siya ring pagsunod ng ulo ng tatlo, kuryoso ang mga mata sa isa't isa.
Maingat na inilahad ni Clair ang kamay at hinayaan ang hayop na masanay sa kanyang haplos at amoy.
"Bakit Miti?" tanong ni Ravi.
"Binaliktad lang 'yon na itim."
Ngumiwi si Ravi at napatawa naman si Poleng sa sariling katwiran. Maingat na inilapag ni Clair sa harap ng munti ang isang maliit na hawong na may initlugang misua. Pinanood nilang tatlo na lapitan ito ng tuta bago unti-unting nilantakan.
Bumuga ng hangin si Poleng at ikinulong ang mga pisngi sa mga palad.
"Tingin n'yo buhay pa yung nanay at mga kapatid niya?" pabulong na tanong nito. "Nakaakawa naman siya. Ang payat-payat."
Hindi sumagot ang dalawa at pinanatili lamang ang mga mata kay Miti. Ngayong mas nakikita na nila ito nang malapitan, tumindi ang nararamdamang awa ni Clair para rito. Hindi niya maintindihan kung paano ito kayang gawin ng isang tao sa isang walang kalaban-labang tuta.
Kung mayaman lang siya, inampon na niya ang lahat ng aso't pusang naabandona sa kalye.
Matapos kumain ni Miti ay agad din itong dinalaw ng pagod. Mahimbing na itong natutulog sa lumang telang inilatag ni Clair para sa tuta, ang ritmo ng paghinga ay mas panatag na kumpara kanina.
"Parini kayo't kakain na. Iniin-in na lang itong sinaing," anang ni Lola Belen nang lumabas sila ng silid.
"Naku, La, kailangan na po namin umuna ni Leng, e," tugon naman ni Ravi, may nahihiyang ngiti sa mukha. "Hinihintay na po kasi kami ni Mama."
Magpo-protesta pa sana si Poleng ngunit agad itong palihim na siniko ng kambal.
Tumango naman si Lola Belen at kinuha ang isang pinggan. "Magdala na lang kayo pauwi at talagang sinobrahan ko ang luto. Sandali na lang itong kanin," saad nito at daliang naghiwalay ng itlog at tapa.
Ilang saglit pa ay lumabas si Lolo Dan sa banyo, basa pa ang namumuti ng buhok habang may tuwalyang nakasabit sa batok. Iika-ika na gumalaw ang dati'y brusko nitong katawan papunta sa hapag-kainan kaya naman agad itong dinaluhan ni Clair.
"Salamat, 'nak." Naupo ang matanda saka binalingan ang mga kaibigan ng apo. "O, Ravi, Poleng, aalis na kayo? Dito na kayo mag-almusal."
Si Lola Belen ang umiling para sa magkapatid. "Kailangan na tumulak nung kambal at hinihintay sila ni Yesha. Ipinaggagayak ko na lang ng pagkain." Sunod na dumako ang makahulugang mga mata ng ginang kay Clair na ngayo'y nakaantabay na sa sinaing. "Clair, ang gamot nga pala ng Lolo mo, kailangan nating pag-usapan."
Hindi nagsalita si Clair at nag-iwas ng tingin. Pinagmasdan niya ang maliliit na bula sa paligid ng kanin na unti-unting nawawala sa paglipas ng bawat segundo.
"Kailangan ko na ulit maglabada. Baka dalawang kustomer ang kunin ko sa isang araw, tatlo kung kakayanin," pagpapatuloy ni Lola Belen.
Tikom lamang na tumango si Clair, hindi mawari kung anong dapat sabihin.
"Okay na ang dalawa, Belinda. Hindi na tayo bumabata. Alagaan mo rin ang sarili mo," pagsalungat ni Lolo Dan. "Saka kaya ko naman na mamasada ulit. Baka tumirik pa yung tricycle dahil 'di ko na nagagamit."
BINABASA MO ANG
Mga Mutya ng Lansangan
Teen FictionLimang taon mula nang makitil ang kanyang kababata sa giyera kontra droga, isinumpa ni Clair sa sarili na kailanman ay hindi na siya babalik pa sa probinsya ng Quezon. Kinumbinsi niya ang sariling kuntento na siya sa buhay bilang isang simpleng mama...