"La, hindi mo kailangang pilitin, ha?"
Sa munting sala ng pamilya Sta. Maria, sumisirko ang isang malamlam na atmospera. Marahil kasi ay sa nakalipas na mga taon, ito ang unang pagkakataon na muli nilang pag-uusapan Poleng.
Tipid lamang na umiling si Lola Belen kay Clair. "Hindi naman iba si Poleng sa akin. Okay lang ako," sagot nito.
Umupo si Clair sa kanyang noo'y paboritong sopa, katapat ang kanyang lola na magkasiklop ang mga kamay na nakapatong sa kandungan, determinadong nakaharap sa camera.
Nilingon ni Clair si Shaye na naghihintay lamang sa likuran niya. Sinenyasan niya ito upang simulan ang pagre-record bago tumango kay Lola Belen.
"Ako si Belinda Sta. Maria, animnapu't walong anyos," mabagal na panimula ng ginang. "Ilang dekada na rin akong nakatira dito sa Pagbilao, at nasaksihan ko sa mga taong iyon ang paglaki ng isa sa matalik na kaibigan ng aking apo na si Poleng."
Tumikhim si Clair at humugot ng isang hininga. "Paano n'yo po maiilarawan si Poleng?"
Ilang segundong natahimik si Lola Belen bago marahang ngumiti.
"Ewan ko ba, pero masayahin ang batang 'yon. Palaging nakangiti- ni hindi mo halos makikitang umiyak. Hindi mo rin naman maiiwasang mahawa sa tawa niya na akala mo ay walang pinoproblema sa buhay."
Nang marinig ang sagot na iyon ay banayad na tumawa si Clair. Tama nga siguro ang mga kakilala niya noon, si Poleng ang tunay na diyosa ng araw dahil mas nakakasilaw pa ang liwanag na dala nito sa buong sansinukob.
Nagpatuloy si Lola Belen, "Kaya rin siguro no'ng nawala siya... parang nawala rin ang lahat ng liwanag sa mundo."
Lumipat ang mga mata ni Clair sa kanyang mga kamay nang muli na namang tabunan ng luha ang mga ito. Galit siya sa mundo, pero mas malaki ang galit niya sa sarili niya.
Ito na nga yata ang tunay na parusa niya.
BINABASA MO ANG
Mga Mutya ng Lansangan
Teen FictionLimang taon mula nang makitil ang kanyang kababata sa giyera kontra droga, isinumpa ni Clair sa sarili na kailanman ay hindi na siya babalik pa sa probinsya ng Quezon. Kinumbinsi niya ang sariling kuntento na siya sa buhay bilang isang simpleng mama...