2018, Oktubre
Ayaw masanay ni Clair sa mga puting pasilyo ng ospital.
Ang matapang ngunit banayad nitong amoy. Ang malalayong hikbi sa sulok ng mga silid. Ang kaluskos ng mga sapatos sa makintab na mga sahig.
Ang lahat ng ito ay kinamumuhian niya.
"Kumusta po ang asawa ko, doc?"
"Sa ngayon po, misis, imo-monitor natin ang kalagayan niya. Hirap pa po siyang huminga kaya kailangan..."
Tuluyang napawi ang boses ni Lola Belen at ng doktor mula sa pandinig ni Clair nang isara niya ang pinto sa likuran niya. Halos wala sa wisyo siyang naupo sa mga nakahanay na upuan sa labas ng ICU, mugto ang mga mata at nananakit ang buong katawan.
Naihilamos niya ang palad sa mukha. Mabigat ang pakiramdam niyon dahil sa mga natuyong luhang nakadikit pa sa balat niya.
Isinandal ni Clair ang ulo sa pader at pumikit, hindi na maalala kung kailan siya huling nakatulog nang mahaba at mahimbing.
Nagmulat lamang ulit siya nang may dumamping malamig sa pisngi niya. Sumalubong sa kanya ang mukha ni Ravi, puno ng pag-aalala ang mga matang sumisilip sa kanya. Sa likod nito ay si Poleng na may hawak na isang supot at suot ang isang maliit na ngiti.
"Rehydrate, chief," ani Ravi at inalis ang tubig sa pisngi ni Clair. Pinihit nito ang takip bago ito iniabot sa kanya. "Gatorade sana kaso kulang pera ko."
Umiiling na tinaggap ni Clair ang inumin saka iyon tinungga. "Okay lang. Akala ko umuwi na kayo."
"'Di kami uuwi hangga't walang laman 'yang tiyan mo 'no," sabat naman ni Poleng at umupo sa tabi niya. Ipinatong nito ang supot sa kandungan ni Clair at muling nagsalita, "Pinagong lang naabutan namin sa bakery. Magsasara na rin sila, e."
Binuksan ni Clair ang supot at napangiti sa nakitang tatlong piraso ng malalaking pinagong. Agad siyang kumuha ng isa at nilantakan iyon upang sa wakas ay maikalma ang sikmura.
Pinunasan niya ang mumunting mumo ng tinapay sa gilid ng labi niya habang abala sa pagkain, wala na ang atensyon sa kambal at sa halip ay nasa kinakain na lamang. Nang maubos ang tinapay, namumula ang mga pisnging nag-iwas ng tingin si Clair sa mga kaibigan dahilan para bahagyang tumawa ang mga ito.
"Sorry... napagastos pa kayo sa pamasahe," huni niya.
Hinagod lamang ni Ravi ang bagsak niyang buhok na naghatid ng alwan sa buong katawan ni Clair.
"Babalik kami bukas," sagot ni Ravi, "na may dalang almusal. Okay lang ba?"
"K-kahit 'wag na!" Mas umakyat ang hiya sa ulo ni Clair. "Magastos ang byahe papuntang Lucena, Ravi."
Kumunot ang noo ni Poleng bago nagsuksok ng kalahating tinapay sa bibig ni Clair. Nasasamid namang napaubo ang huli kaya dalian siyang inabutan muli ni Ravi ng tubig.
"Cla, kahit ngayon lang, huwag kang makulit at makinig na lang muna sa'min, please?" giit ni Poleng at bumuntong-hininga.
Binigyan ni Clair ng tig-isang yakap ang magkapatid nang maihatid ang mga ito sa labas.
Hinubad ni Ravi ang suot na dyaket at inilahad ito sa kanya. "Sa'yo muna. Baka lamigin ka mamaya," saad nito.
"Salamat," tugon ni Clair saka ito tinanggap. "Ingat kayo pauwi. I-text niyo 'ko, ha?"
Kumaway si Clair sa mga kaibigan nang sa wakas ay makasakay ang mga ito ng jeep. Bago tuluyang makalayo ay sinenyasan siya ni Ravi na bumalik na sa loob kaya naman ngumiti na lamang si Clair at pumanhik.
BINABASA MO ANG
Mga Mutya ng Lansangan
Teen FictionLimang taon mula nang makitil ang kanyang kababata sa giyera kontra droga, isinumpa ni Clair sa sarili na kailanman ay hindi na siya babalik pa sa probinsya ng Quezon. Kinumbinsi niya ang sariling kuntento na siya sa buhay bilang isang simpleng mama...