"Clair, sandali lang!"
Hindi lumingon si Clair. Mula sa likuran, dinig niya ang mabibigat na yabag ng paa ni Ravi na humahabol sa kanya. Marahas na pinalis ni Clair ang mga luhang rumaragasa pisngi niya, pilit na pinapatigil ang bawat patak nito.
"Tumigil ka muna! Clair naman!" bulalas ulit ni Ravi.
Umiling si Clair at mas binilisan lamang ang paglalakad. Sa kabila niyon, nagawa pa ring abutin ni Ravi ang braso niya dahilan para tuluyan siyang mapako sa kinatatayuan.
Unti-unti, binitawan siya ni Ravi bago pumunta sa harapan ni Clair. Walang kahirap-hirap siyang prinotektahan ng pigura ni Ravi at ng payong na hawak nito mula sa marahas na sikat ng araw.
Itinaas ni Ravi ang isang kamay at ihinarang iyon sa ibabaw ng luhaang mga mata ni Clair. Inisang hakbang nito ang natitirang distanya nila isa't isa saka bumulong, "Andito ako, Clair. Hindi mo kailangang lumayo."
"Ravi..." hikbi ni Clair, sapo-sapo ang labi. "Ravi, alam ni Giovana. Alam niya. Oh my god, alam niya."
Walang sinabi si Ravi at sa halip ay hinayaan lamang siyang umiyak nang umiyak sa lilim ng kanyang kamay.
"Ang kapal ng mukha ko. How dare I ask her to talk about Poleng after everything I did? After I took Poleng away from her?"
Nanghihinang bumagsak sa sariling paanan si Clair, ang mga tuhod ay hindi na siya kaya pang bigyan ng suporta. Niyakap niya ang mga binti at doon mas humagulhol. Ramdam niya ang balat sa buong katawan na niyayakap na ng malagkit na pawis at humahalo sa mga luha niya.
Narinig niya ang muling pagkaluskos ng mga sapatos ni Ravi. Mas nanikip ang dibdib ni Clair nang haplusin lamang ng kaibigan ang buhok niya, nang-aalo na para bang hindi si Clair ang puno't dulo ng lahat ng ito.
Mas inilubog niya ang mukha sa mga braso. "I'm so selfish, Ravi," namamaos na wika niya. "Bakit si Poleng pa?"
Bakit hindi na lang ako?
"Clair, tumingin ka sa'kin."
Dahan-dahang nag-angat ng tingin si Clair kay Ravi na nakaluhod na sa harapan niya. Buong ingat na hinawakan ng babae ang isang pisngi niya saka pinunasan iyon gamit ang hinlalaki.
"Hindi mo kasalanan," untag ni Ravi, direkta ang titig sa mga mat ani Clair. "Wala kang kasalanan."
Itinuon ni Clair ang pisngi sa palad ng dalaga, umaasang mapapatahimik nito ang lahat ng boses sa utak niya.
Kinuha ni Ravi ang isa niyang kamay at ibinigay ang hawak na payong. Desperadang kumapit doon si Clair at suminghap nang paulit-ulit upang bawiin ang lahat ng lakas sa kanyang dibdib. Pinisil naman ng kaibigan ang mga kamay niya at hinaplos iyon.
"Hintayin mo 'ko." Ginawaran ni Ravi ng isang magaang halik ang nanginginig na mga kamao ni Clair. "Babalik ako, hmm?"
Hindi binitawan ni Ravi ang kamay ni Clair buong biyahe pauwi. Tahimik lamang silang dalawa sa loob ng tricycle, malayo ang mga tingin at malalim ang mga iniisip.
Akala ni Clair ay paunti-unti na siyang nakakalaya. Pero narito na naman siya, nakapako sa kung saan siya nagsimula. Gusto niyang tanungin si Ravi kung paano ito nakaahon. Kung paano nito nagawang hindi na umiyak sa mga alaala ng kapatid.
Kung paano nito nagawang patawarin si Clair na parang gano'n lamang iyon kadali.
"Clair Bear, is that you?"
Ang mukha ni Shaye ang sumalubong kay Clair nang pumasok siya sa kanilang bahay. Kwento sa kanya noon ni Lolo Dan, palagi raw napagkakamalang kambal si Shayena at Rosette - ang yumaong nanay niya.
BINABASA MO ANG
Mga Mutya ng Lansangan
Teen FictionLimang taon mula nang makitil ang kanyang kababata sa giyera kontra droga, isinumpa ni Clair sa sarili na kailanman ay hindi na siya babalik pa sa probinsya ng Quezon. Kinumbinsi niya ang sariling kuntento na siya sa buhay bilang isang simpleng mama...