Lumipas ang limang taon subalit tila walang pinagbago ang bahay ng mga Santana.
Sa hindi malamang dahilan, naroon pa rin ang magaang atmosperang pumapalibot dito habang pinagmamasdan ni Clair ito. Ang kalabit ng gitara ni Ravi, ang nagmumultong mga tawa ni Poleng, ang banayad ni boses ni Tita Yesha.
Naroon pa rin. Nanatili, na para bang kailanman ay hindi lumisan sa tahanan.
Humakbang si Clair palapit sa pinto. "Tao po?" tawag niya. Kakatok na sana siya nang marinig ang isang boses. Bumaling siya sa pinanggalingan nito at nanlaki ang mata nang makilala ang tumatakbong pigura.
"Madam chief!"
"Taga?"
Bumungisngis ang binata at huminto sa harap niya. "Nakauwi ka na nga pala! Nabanggit ni Boss Ravi," bungad ni Taga. "Hanap mo ba siya?"
"Oo, e." Ngumiti si Clair bago naiiling na tumawa. "Grabe, Tags. Dito ka pa rin pala?"
Ganadong tumango si Taga. Katulad noon, makulit pa rin ang ngisi nitong laging naglalaro sa labi. Natatandaan ni Clair na lagi itong nakabuntot noon kay Ravi bagaman mas bata ito sa kanila ng dalawang taon.
"Si Boss Ravi kasi ang tumulong sa'kin para makapag-kolehiyo. Malaki ang utang na loob ko sa kanya. Kaya heto, nagtatrabaho ako sa talyer niya."
Saka lamang napansin ni Clair na nakasuot ang binata ng isang polo shirt na may maliit na tatak sa kanang dibdib. Nanliliit ang mga mata niyang binasa iyon bago muling bumilog nang may mapagtanto.
Nanigas ang mga balikat niya sa gulat. "M-may talyer si Ravi?"
"Dalawang taon na, madam chief." Nagtatakang kinamot ni Taga ang likod ng ulo. "Hindi niya nasabi sa'yo?"
Hindi sumagot si Clair at napaiwas ng tingin, kinakain ng konsensya ang buong pagkatao. Magta-tatlong linggo na siya mula nang makauwi pero hindi man lang niya nagawang bigyang-pansin ang buhay ni Ravi sa nagdaang mga taon.
You're an awful friend, Clair.
"Kaya wala na siya d'yan. Nasa trabaho na 'yun," dagdag ni Taga. "Sabay na tayo. Du'n mo na lang siya kausapin."
Nasa likuran lamang si Clair at sinusundan si Taga na ilang kanto lamang ang layo ng talyer ni Ravi mula sa bahay nito. Panay ang kwento ng binata sa kanyang harapan kaya naman tahimik lamang siya nakikinig dito.
Pero dumodoble ang atensyon niya sa tuwing binabanggit nito ang pangalan ni Ravi. Kahit paunti-paunti, kahit hindi buo, basta marinig niya ang iilang parte ng buhay ng kaibigan na hindi niya nasaksihan.
Ilang sandali pa ay nakarating din sila sa destinasyon. Ika-siyam pa lang ng umaga ay abala na ang buong talyer. May mga nakaparada ng sasakyan na bukas ang mga hood sa loob ng lugar na kinakalikot ng ilang mga tauhan.
"Hoy, sa'n si boss?" tanong ni Taga nang makapasok sila. Dumiretso ito sa isang tabi at tinanggal ang suot na sling bag.
"Nasa likod!" tugon ng isang empleyado. Dumako ang tingin nito kay Clair bago sumilay ang isang nanunuyang ngiti sa mukha nito. "Aba, mukhang may babae ka ngayon, ah!"
Suminghap si Taga at binatukan ang kasamahan. "Tarantado, kay Boss Ravi 'to!" mahinang asik nito na hindi naman nakatakas sa pandinig ni Clair.
"Hala, si madam chief?!"
"Oo, gago ka!"
Tumikhim si Clair kaya naman agad nitong itinuro ang silid sa sulok. "Saglit lang, madam, du'n ka muna sa office niya! Tawagin ko lang si boss!" anito saka daliang tumakbo papunta sa likurang bahagi ng talyer si Taga.
BINABASA MO ANG
Mga Mutya ng Lansangan
Teen FictionLimang taon mula nang makitil ang kanyang kababata sa giyera kontra droga, isinumpa ni Clair sa sarili na kailanman ay hindi na siya babalik pa sa probinsya ng Quezon. Kinumbinsi niya ang sariling kuntento na siya sa buhay bilang isang simpleng mama...