2018, Oktubre
Nakatuon ang mga braso sa gilid ng lababo, hinayaan ni Clair na rumagasa ang malamig na tubig mula sa gripo pababa sa kanyang mukha. Lumagpas na ang ika-labindalawa ng tanghali ngunit hindi na niya nagawang bumawi pa ng tulog.
Sa tuwing pipikit kasi siya, nanunumbalik lamang sa kanya ang ginawa niya sa convenience store noong umaga. Parang sirang plaka itong nagpapaulit-ulit sa utak niya, hindi nilulubayan anumang waksi niya.
Malapit na yata siyang masiraan ng bait.
Pinatay ni Clair ang gripo bago tumingin sa salamin sa kanyang harapan. Mabigat na ang mga bagahe sa ilalim ng mata niya. Malalim na rin ang lubog sa kanyang mga pisngi.
Hindi na naman mamukhaan ni Clair ang sarili.
"Chief, matagal ka pa ba?" dinig niyang tawag ni Ravi mula sa labas ng banyo matapos kumatok. "Kumain ka na, baka lumamig pa 'to."
Binasa ni Clair ang namamalat niyang mga labi saka lumabas ng palikuran. Nadatnan niya ang dumobleng bilang ng mga tao sa loob ng ward na kanilang nilipatan nang umaga ring iyon. Ang lahat ng nakahigang pasyente ay kasama na ang sariling mga pamilya, payapang nagsasalo-salo ng tanghalian sa loob ng maliit na silid.
Lumapit si Clair sa kanilang pwesto. Pinatungan siya ni Ravi ng isang tuwalya sa ibabaw ng ulo at ginawaran siya ng maliit na ngiti.
"Magpunas ka muna," saad ng dalaga na siyang sinunod ni Clair.
Sunod naman siyang dinaluhan ni Poleng saka ibinigay sa kanya ang isang platong naglalaman ng kanin, ulam, at kubyertos. "Kain ka na, Clair." Pinaupo siya ng kaibigan sa isang monobloc na upuan at humugot ng hininga. "Sorry, tinanghali na kami. Nagluto at dumaan pa kami sa school, e."
Tipid na ngumiti si Clair at tumango. Dahil wala ng gaanong lakas, agad niyang ginalaw ang pagkain at tahimik na sumubo. Abala naman ang kambal sa pag-aasikaso kay Lola Belen, pati na rin ang mga gamit nilang nakakalat pa sa paligid ng pwesto nila.
"Salamat sa pagkain," wika ni Clair matapos kumain. Nakaupo na sa kanyang paanan si Poleng, samantalang si Ravi naman ay marahang pinatungan ng kumot si Lola Belen na nakaidlip na muli sa gilid ng kama.
Saka lamang napansin ni Clair na pareho pang nakasuot ng kanilang mga uniporme ang mga kaibigan. "Dapat nagpalit na muna kayo bago kayo nagpunta rito."
"Late na nga kami, mas magpapa-late pa?" nakatawang untag naman ni Poleng.
Napailing na lamang si Clair. "Kumusta pala kanina? Anong sabi ng adviser ko?" tanong niya, ngayon ay bakas na ang pag-aalala sa mukha.
"Okay lang daw kaya 'wag mo na muna isipin," sagot pa ulit ng babae. "Ipapadala na lang daw sa'yo lahat ng gawain hanggang sa makapasok ka na ulit."
Tila nabunutan naman ng tinik sa dibdib si Clair sa narinig. Kahit papaano ay masaya siyang nabawasan ang isipin para sa mga susunod na araw.
"Salamat talaga."
"Wala 'yun, ano ka ba." Tumayo si Poleng saka kinuha mula sa mga kamay niya ang pinagkainang pinggan. Kinuha na rin nito ang ilan pang mga nakasalansang hugasin sa maliit na lamesa bago lumakad paalis. "Hugasan ko lang 'to."
Nang makapasok si Poleng ng banyo ay siya namang pagpalit ni Ravi sa kaninang pwesto ng kapatid. Ipinikit nito ang mga mata saka idinantay ang ulo sa kandungan ni Clair.
"Okay ka lang?" tanong niya sa kaibigan, ang isang kamay ay dumadausdos na sa buhok nito.
"Ikaw dapat ang tinatanong ko n'yan." Nagmulat si Ravi at sinalubong ang mga tingin ni Clair, mapungay ang mga matang binabasa ang mukha ng huli. "May hindi ka sinasabi sa'min, alam ko."
BINABASA MO ANG
Mga Mutya ng Lansangan
Ficção AdolescenteLimang taon mula nang makitil ang kanyang kababata sa giyera kontra droga, isinumpa ni Clair sa sarili na kailanman ay hindi na siya babalik pa sa probinsya ng Quezon. Kinumbinsi niya ang sariling kuntento na siya sa buhay bilang isang simpleng mama...