Kabanata XXII

13 1 0
                                    

May pumipirming alinlangan sa linya ng mga palad ni Clair.

Ikinuyom niya iyon nang makaramdam ng pangangati bago iyon muling binuksan. Hindi niya alam kung paano ito igagalaw at dadalhin sa pinto ng bahay ng mga Santana.

Kinagat niya ang labi at inalog ang kanyang mga kamay. Itinaas niya ang kamao saka mabagal na kumatok. Agad siyang tumalikod nang magawa iyon. Hindi mapakali siyang naglumikot sa kinatatayuan, ang isip at puso ay nagkakagulo na.

Pumihit si Clair nang marinig ang pagbukas ng pinto. Sinundan iyon ng pigura ni Ravi na ngayo'y gulat nang nakatingin sa kanya.

Mariing pinagdikit ni Clair ang labi, ang mga daliri ay kumakapit sa tela ng paldang abot tuhod. "Hi."

"Hi."

Walang dumugtong na salita roon. Nanatili lamang sila roon. Si Clair, tuwid na nakatayo sa harap ni Ravi na nakahawak pa rin sa pintong bahagyang nakaawang. Walang dumugtong na salita, tanging mga tingin lamang na ilang araw hindi nagtagpo.

Sa wakas, niluwagan ni Ravi ang daan sa pintuan. "Pasok ka," simpleng alok nito.

Hindi umalis ang dalaga sa pintuan, tila hinihintay si Clair na tuluyang makapasok. Kaya naman tumikhim ang huli at humakbang, bakas pa rin ang pag-aatubili sa maliliit na kilos.

"Upo ka muna." Naglapag si Ravi ng isang tsinelas sa harap niya. Kinuha rin nito ang isang nakatuping kumot mula sa dulo ng sopa saka iyon maingat na ipinatong sa hita niya. "Kape?"

"Okay," tipid na wika ni Clair, ang puso ay nag-iinit sa kaswal na pagsisilbi ng kaibigan.

Pinanood niya si Ravi na pumunta sa maliit na kusina at kumilos doon. Nakasuot lamang ng simpleng puting t-shirt at basketball shorts ang dalaga, ang maikling buhok ay magulong nakatali sa kalahati. Hinayaan ni Clair ang sariling mga mata na gumala sa blangkong mukha ng kaibigan, malayo at hindi mabasa.

Umiwas ng tingin si Clair nang bumalik si Ravi sa tabi niya dala ang dalawang tasa ng kape. Ipinatong iyon ng dalaga sa munting lamesa harap nila. Pinagmasdan ni Clair ang usok na binubuga nito, ang mga dalirii ay pinaglalaruan ang manipis na tela sa kanyang kandungan.

"Clair," tawag ni Ravi. "Kamusta ka?"

Nag-angat ng tingin si Clair sa dalaga. May banayad na itong tingin sa namumungay na mga matang hindi inaalis kay Clair, na tila ba mawawala siya sa paningin ni Ravi sakali mang malingat ito.

"I'm... I'm okay," mahinang sagot ni Clair at ngumiti. Ngunit hindi rin iyon nagtagal sa kanyang labi. "Ravi, sorry."

Bahagyang kumunot ang noo ni Ravi. "Bakit?"

"Dahil tinaguan na naman kita. Dahil naduwag na naman ako."

"Chief..."

"I'm being unfair to you, Ravi." Pinisil ni Clair ang mga daliri at nagbaba ng tingin. "You're hurting more... and all I do is push you away."

Nang hindi umimik si Ravi ay natahimik din si Clair. Pumikit siya at humugot nang malalim na hininga.

"Okay lang ako, Clair. Huwag kang mag-sorry. Alam kong mahirap din 'to para sa'yo."

May kung anong sumuntok sa dibdib ni Clair. "'Yun nga ang problema, Ravi, e." Lakas loob niyang sinalubong ang surpresa sa mukha ng kaibigan. "Hindi okay. Walang okay."

"Clair–"

"Ravi naman, e. Ano ba? Bakit... bakit ba parang ang dali lang nito lahat sa'yo–"

Hindi na natuloy ni Clair ang sasabihin nang mapansin ang kaunting luhang gumilid sa mga mata ni Ravi. Pinanood niya ang pag-ipon ng mga ito, pati na rin ang pagbigat ng ritmo ng paghinga ng dalaga. Natikom ni Clair ang mga labi, sarado na ulit ang nanginginig na mga kamay.

Wala siyang ginawa. Sa halip, ibinaling niya sa ibang direksyon ang tingin at mariing lumunok.

"Babalik na ako ng Maynila sa makalawa."

Hindi ulit nagsalita si Ravi. Nanuyo ang lalamunan ni Clair.

"Hindi ko na rin itutuloy 'yung article."

Nanatiling tahimik si Ravi. Humugot nang malalim na hininga si Clair saka sinulyapan ito. Wala na ang mga luha sa sulok ng mata ng dalaga, ngunit ang malambot nitong ekspresyon ay naroon pa rin.

Tumango si Ravi at ngumiti. "Sige. Kung saan ka okay, Clair. Doon din ako."

Hindi na napigilan ni Clair ang paggusot ng kanyang mukha. Nangatal ang kanyang mga labi, hindi makapaniwala sa mga naririnig na salita mula sa kaibigan. Gusto niyang lumuhod sa harapan ni Ravi at umiyak sa kandungan nito. Gusto niyang magalit ito sa kanya at itulak siya palayo.

Pero sa huli, batid niyang masyadong busilak ang puso ni Ravi. Katulad ni Poleng. Kaya naman, sa paparaang alam niya, si Clair na lamang ang kusang umalis at lumayo.

Dahil doon naman siya magaling – ang maging duwag at makasarili.

Mga Mutya ng LansanganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon