Kabanata VIII

23 5 12
                                    

"Okay ka lang, Clair?"

Ika-labindalawa na ng tanghali nang matapos ang kanilang panayam kay Ma'am Dane. Tirik na dapat ang araw sa mga oras na iyon, pero sa halip ay kulay abo ang mga ulap na marahang yumayakap sa kalangitan.

Nabatid ni Clair na bubuhos ang ulan, ngunit hindi siya nabahala. Sapat na ang makakapal na sanga at malalagong dahon ng Acacia upang protektahan sila sakaling abutan sila nito.

"Clair?"

Bumaling si Clair sa kanyang kanan. Maamo ang mga mata ni Ravi na nakamasid sa kanya.

"Okay ka lang ba?" pag-uulit nito.

Lumunok si Clair at itinikom ang mga labing nanginginig. Tumingala siya sa mga sanga kung saan nakasabit ang napakaraming mga laso. Iba't iba ang kulay, kapansin-pansin ang pagkupas ng karamihan sa mga ito.

Tila parang mga dumadaloy na talon, nakatali na sa dulo ng isa't isa ang mga laso. Ang ilan pa ay mayroong mga maiikling sulat at ang iba naman ay mayroong mga guhit ng sampaguita.

"It's beautiful," bulong niya. "Ngayon ko lang nalaman ang tungkol dito."

Bahagyang dumaplis sa kanya ang braso ni Ravi nang tumabi ito sa kanya. Namulsa ito at binagtas din ng tingin ang mga lasong nakalambitin. "No'ng unang death anniversary ni Poleng ko lang din nalaman na ipinangalan na sa kanya itong Acacia," panimula nito.

Sinundan ni Clair ng tingin ang daliri ni Ravi nang ituro nito katawan ng puno kung saan may mga nakaukit na letra.

Puno ni Poleng. Paghilom at paghihimagsik.

Nagpatuloy si Ravi, "Sa una, hindi ko alam kung matutuwa ba 'ko pero-" banayad itong ngumiti "-nung nakita ko 'yung mga estudyante na nagsasabit ng sarili nilang mga ribbon, pakiramdam ko nand'yan pa rin si Leng."

Pumikit si Clair nang halikan ng hangin ang kanyang pisngi. Kusang umangat ang gilid ng labi niya. "She is here," dugtong niya matapos ang saglit na katahimikan.

"Panigurado, masaya 'yun ngayon," masiglang komento nito. Nang kunot-noo itong nilingon ni Clair, lalo lamang lumawak ang ngiti ni Ravi. "Masaya 'ka ko si Poleng na umuwi ka."

Napakapit si Clair sa laylayan ng kanyang damit nang mapagtanto ang ibig sabihin ng kaibigan. Iniiwas niya ang paningin at naramdaman ang unti-unting pag-ambon ng kanyang mga hinanakit sa kanyang katauhan.

Kumurap siya upang paurungin ang mga luhang nagbabadya sa sulok ng mga mata niya.

"Pagkatapos nung insidente... ewan ko ba, pero parang," gumalaw ang dibdib ni Ravi nang humugot ito ng hininga, "parang ang bilis bigla ng ikot ng mundo. Parang walang nangyari. Parang naiwan akong mag-isa."

Bagaman gusto ni Clair aluin ang dalaga, nag-uunahan ang hiya at konsensya sa puso niya. Hindi rin naman siya manhid para hindi mabatid ang ipinapahiwatig ni Ravi. Dahil hindi naman si Poleng ang umalis. Hindi ito ang tumakbo palayo.

"'Sensya na, chief." Tumawa si Ravi at pumihit patalikod sa puno. "Na-miss ko lang bigla si Leng."

Kinuha ni Clair ang dinalang sariling laso sa kanyang bulsa. Itinaas niya ito at maingat na itinali sa isang nasa harapan niya. Hinalikan niya ang dulo nito at pikit-matang bumulong sa hangin.

Nakauwi na ako, Leng.

Suminghot si Clair at umikot na rin paharap sa damuhan. Niyakap niya ang sarili upang proteksyon mula sa lamig. Binasa niya ang nanunuyong labi at muling nilunok ang nagbabadyang kaba sa lalamunan.

"Ravi, I know I'm five years late but... I'm sorry." Itinuon niya ang paningin sa kanilang magkatabing sapatos na kapansin-pansin ang malaking pagkakaiba ng mga sukat. Ikinuyom niya ang mga kamay at buo ang loob na sinalubong ang tingin ng dalaga sa kanyang tabi. "I'm sorry. For not being there."

Mga Mutya ng LansanganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon