Kabanata IX

17 3 15
                                    

Kung may isang bagay na hindi kayang gawin ni Clair nang buong husay, iyon ay ang makihalubilo sa mga tao. Isa ito sa mga katangiang dapat tinataglay ng isang mamamahayag na ilang taon niyang pinag-aralan.

Ang simpleng pagtingin sa mata ng kanyang kaharap ay nahihirapan na siya. Kaya rin siguro umabot ng isang taon ang pagsubok nina Ravi at Poleng na kaibiganin siya noong elementarya. Hindi naman sa dahil siya ay matalim tumingin o nakakaintimidang kausapin; mabilis lang talaga siyang kainin ng takot at hiya.

Itinaas ni Clair ang camera niyang nakasabit sa kanyang batok at muling nagsimulang kumuha ng mga litrato. Maingay ang open gymnasium kung saan kasalukuyang isinasagawa ang isang basketball match.

Ang palarong ito ay isa sa mga proyekto ng Small Haven Foundation para sa mga kabataang kanilang sinusuportahan. Nang ikwento ito sa kanya ni Ravi, nagpresinta siyang maging bahagi ng documentation team para sa araw na iyon.

Kaya naman sa gitna ng kaguluhan, tahimik siyang umiikot sa basketbolan para kumuha ng mga larawan.

"Oh my god, 'te Clair! Ang pogi-pogi ni Ate Ravi!"

Halos umikot na ang paningin ni Clair nang saglit siyang tumigil sa tabi ni Mimi. Walang tigil ito sa paghiyaw at pag-alog sa kanyang balikat, hawak ang isang simpleng banner bilang suporta.

Ibinaba ni Clair ang kanyang camera upang tanawin si Ravi. Suot ang isang pulang jersey na may numero uno sa likuran, pinangungunahan ng dalaga bilang kapitan ang sariling grupo.

Basa na ng pawis ang maikli nitong buhok. Mas kumikintab na rin ang kayumanggi nitong balat sa ilalim ng sinag ng araw na sumisilip sa buong gym. Hindi rin nagpahuli ang katangkaran ng dalaga sa kanyang mga kagrupo at kalaban.

"We love you, Ravi!"

Mas dumagundong ang sigawan ng mga tao, lalo na ang mga kababaihan, nang mapunta sa mga kamay ni Ravi ang bola. Kalmado itong pinatalbog ng dalaga sa sahig, ang mukha ay buo ng awtoridad habang tinuturo sa kani-kanilang mga pwesto ang mga kasamahan.

Walang kahirap-hirap na drinibol ni Ravi ang bola paikot sa mga binti nito, taas-noong naglalakad patungo sa gitna ng court. Sa hindi mabilang na pagkakataon, halos umuga ang buong lugar sa labis na hiyawan.

"Daming fans ni Ate Ravi, 'no?" pasigaw na sambit ni Mimi sa tainga ni Clair. "Bida lagi ang Ravi-lites. Dinaig pa ang mga cheer squad sa liga!"

Tinuro ni Mimi ang isang grupo ng mga kababaihan sa upper bench na may hawak na mga pulang pom pom at lobo. Sa itaas nila ay nakasabit ang isang malaking tarpaulin kung saan makikita ang mukha at pangalan ni Ravi. Napangiti si Clair, hindi na nagulat pa sa dami ng sumusuporta sa kanyang kaibigan.

Ibinalik niya ang tingin sa court, kumunot ang noo nang may mapansin. Biglang lumikot ang mga mata ni Ravi na tila ba may hinahanap ito. Sinuklay nito ang buhok gamit ang isang kamay, patuloy pa rin ang paglinga sa paligid.

Hindi maintindihan ni Clair ang mga kilos nito, ngunit nang huminto si Ravi sa gitna ng court kasabay ng pagtatagpo ng kanilang mga mata, bumuhos ang ginhawa sa kalooban niya.

"Hala, nakatingin dito si Ravi!" bulalas ng mga dalaga sa likuran niya.

Sa isang iglap, binalot ng init ang mga pisngi ni Clair. Hindi na niya marinig ang ingay sa kapaligiran bukod sa mga tambol ng kawawang puso niya. Inakala niyang wala ng mas ilalakas pa ito ngunit trinaydor din siya nito nang nakangising sumaludo sa kanya si Ravi.

Humalakhak si Mimi, mahigpit ang kapit sa braso ni Clair. "Naku po! High school 'yan?"

Natuptop na lamang ni Clair ang labi, walang nagawa kundi ang panoorin ang babae na tumakbo't makipagpatintero sa mga kalaban, bago swabeng ibinato ang bola patungo sa basket.

Mga Mutya ng LansanganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon