Chapter 9

983 30 5
                                    

—Chapter 9—

“Lumayas ka na rito! Wala kang kwenta! Ilang araw ka nang pinapapasok sa trabaho mo, wala kang maibigay! Pabigat kang tarantado ka!” sigaw ng ama ko.

Napaupo na lang ako sa sahig dahil sinampal niya ako. Nagsimula nang tumulo ang mga luha ko dahil sa sakit na nararamdaman ko. Napalunok ako nang bigla niyang sipain ang paa ko.

“‘Wag mo nang pakinabangan ‘yang katawan mo! Wala ka namang silbi! Parehas lang kayo ng nanay mo! Mga walang kwenta sa buhay!” sunod-sunod niyang sigaw.

Pumasok siya sa kwarto at naramdaman ko kaagad ang mga damit niyang inihagis niya sa akin. Kasama ang dalawang malaking bag. Halos magkalat na iyon sa sahig ng bahay namin.

“Lumayas ka na! Ibebenta ko na ‘tong bahay! Kailangan ko ng pera na hindi mo maibigay! ‘Wag na ‘wag ka nang babalik!”

Isa-isa kong pinasok ang mga damit ko sa dalawang bag bago dahan-dahang tumayo. Lumabas ako ng bahay na gulo-gulo ang buhok ko. Marumi ang damit dahil sinipa ako kanina habang nakasuot siya ng tsinelas. Nagsimula nang tumulo ang mga luha ko habang naglalakad sa eskinita namin. Pinagtitinginan na ako ng mga kapitbahay namin dahil sa nangyari.

Napadaan ako sa bahay nina Jem. Wala pa siya rito panigurado dahil mamayang madaling araw pa ang uwi no’n. Tumawid ako sa kalsada at naghintay ng masasakyan. Alas-nuebe na at unti na lang ang dumadaang mga jeep. Hindi ko na rin alam kung saan pa ako pupunta nito.

Napaupo na lang ako sa waiting shed at nagsimula nang umiyak. 30 mins. na ang nakalipas pero parang wala pa ring nadaan kaya napagdesiyunan ko na lang na maglakad papunta sa palengke. May mga sasakyan pa roon panigurado ako.

Habang naglalakad ako ay may humintong kotse sa gilid. Napaluha na lang ako lalo nang makilala kung kanino iyon. Bumaba siya ng kaniyang kotse.

Napanguso ako at mas humikbi lalo nang makita ko ang itsura niya, nag-aalala siya. “V–Verdell, pinalayas ako ni p–papa.”

Kaagad niyang ibinuka ang kaniyang mga braso. Yumakap ako sa kaniya at umiyak nang umiyak sa may dibdib niya. Hindi ko napigilan pang umiyak nang husto. Naramdaman ko ang haplos niya sa aking buhok.

“Hindi natin sila bati,” aniya.

Inalalayan niya akong makapasok sa kaniyang kotse. Ipinasok niya naman sa likuran ang mga gamit ko. Nang makapasok siya sa kotse ay itinali niya ang buhok ko at binigyan ako ng kaniyang panyo. Pinunasan ko ang mga luha ko.

“Sinaktan ka niya?” Marahan naman akong tumango. “Hindi ka na babalik do’n, hmm?”

Hindi na ako makasagot dahil sa nararamdaman ko ngayon. Isinuot niya na lang sa akin ang seatbelt bago siya magmaneho. Dinala niya ako sa condo niya. Pagkapasok namin doon ay kaagad niya akong pinaupo sa sofa at inayos ang buhok ko.

Nang makaupo ako sa sofa ay nagsimula na naman akong umiyak dahil sa nangyari. Inilapag niya ang tissue sa small table at isang basong tubig. Umalis na rin siya pagkatapos.

Hindi ko matanggap na pinagtabuyan lang ako ng ama ko gano’n-gano’n lang. Hindi man lang niya ako naisip kung ano ang mangyayari sa akin kapag wala na ako sa puder niya. Sabagay, simula naman nang mawala ang mama ay wala na siyang pakialam sa akin. Inabandona niya na ako at tiningnan na kasama lang sa bahay pero hindi bilang anak.

Bakit kaya may mga magulang na gano’n?

Ang sakit sa dibdib dahil akala ko noon ay siya ang unang magiging support system ko pero hindi. Siya pa ang nagtutulak sa akin na gumawa ng mali.

Spice Things Up | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon