TULALA AKO HABANG HILA-HILA NIYA ANG AKING PULSO.
Para akong isang papel na nagpapatangay lang sa kanya kung saan man niya ako balak dalhin. Sa bilis ng paglalakad ng mahahabang biyas niya, ay magkandasubsob ako sa paghabol sa kanya, subalit kataka-taka dahil wala akong makapa na ni katiting na inis sa dibdib ko.
Mabibilis ang mga hakbang namin pero parang ang bagal ng paligid. Kahit ang paghaplos ng malamig na hanging panggabi sa aking balat, paglipad ng ilang malalayang hibla ng aking buhok, at mga iilang nakakasabay namin sa daan ay tila gumagalaw sa marahang paraan.
Nakalayo na kami, nasa may madilim na plaza na, sa tapat ng malaking munisipyo. Wala na gaanong katao-tao, tapos na ang misa, at kahit ang natatanaw kong Franks N' Burgers booth ay sarado na. Doon niya ako binitiwan. Ang kamay niya na inihawak sa aking pulso ay ngayo'y nakasapo na sa kanyang noo. Tila siya namomroblema habang nakayuko.
Nakatingala lang naman ako sa kanya dahil hanggang leeg niya lang ako. Matangkad nga talaga siya. Malaki ang kamay niya, mahahaba ang mga daliri, at kahit madilim ay kitang-kita ko kung gaano katangos ang ilong niya.
Humahanga na ako nang matigilan dahil sa pagkislap ng kung ano. Ah, oo nga pala, meron siyang hikaw sa ilong niya. Isang dot silver nose ring. And that ruined everything! Napasimangot ako at saka umatras sa kanya palayo.
Nang tumingin siya sa akin ay nagsalubong ang mga kilay niya nang makita ang reaksyon ko. Sa gulat ko ay pinamewangan niya ako. "Hoy, Nene, alam ba sa inyo iyong pinagagawa mo?"
Kumibot ang sentido ko. "What?!"
"Egul, englisera," paungol na sabi niya.
Nangunot naman ang noo ko. "What egul?"
Tumingin ulit siya sa akin pero naglalaro na sa kislap ng mga mata niya ang pagkaaliw. Nainis naman ako, kasi bakit naguguwapuhan pa rin ako sa kanya, kahit ang angas ng dating niya?!
"Ge, uwi na, Nene. Baka hinahanap ka na sa inyo."
Nene? Did he just call me 'Nene'?! Hindi porke't mas matangkad siya ay mas matanda na siya! Alam ba niyang Grade 8 lang siya at 9 ako?!
"Uwi na," sabi niya ulit sabay wasiwas pa ng kamay niya para itaboy ako. "At 'wag ka nang magdidikit ulit doon kay Dessy. May hangin tuktok niyon."
"She's my cousin."
"Then uncousin her."
"What?!"
Imbes na sagutin ako ay napahawak siya sa bibig niya nang may mapagtanto. "Shet, napa-english ako!"
Baliw ba siya? Naglakad na siya papunta sa sakayan ng jeep. Naglakad na rin ako dahil iisa lang naman ang daan, at hindi dahil sa gusto ko siyang sundan. Pasipol-sipol naman siyang naglalakad habang nakapamulsa sa suot na cargo shorts.
Nang malapit na kami sa hintayan ng jeep ay iisa lang ang nadoon at papuntang Pala-Pala pa. Walang lingon sa akin na sumakay siya roon. O di ba? Ang ungentleman niya!
Ayaw ko sanang sumakay rin, kaso wala na akong natatanaw na nagdaraang tricycle at ibang jeep. Ayaw ko namang magpaiwan dito. No choice na sumakay na rin ako. Nasa may bandang pinto siya ng jeep sa aking pagpasok, kaya nadaanan ko siya, pero ni hindi man lang siya sa akin tumingin.
Nakabukaka siya sa kinauupuan habang nakahalukipkip, at nakasandal ang ulo. Iyong akala mo ay nasa bahay lang. Bahagya pang tinatapik niya sa sahig ng jeep ang kanyang kaliwang paa. Cool lang kahit anong oras na. Mukhang sanay gumala ng gabi. Tipikal na nasobrahan sa layang estudyante.
BINABASA MO ANG
South Boys #6: Bad Lover
Teen FictionThis guy is bad news, pretending to be cute and nice while hiding an evil inside. Zandra Asuncion, who dislikes Michael Jonas Pangilinan, starts to understand him and foolishly tries to "fix" him. Unbeknownst to her, she's falling into a trap, as th...