"BAKA GUSTO MO NA AKONG BITIWAN?"
Napadilat ako sabay bitiw kay Miko. Mga ilang minuto ko rin siyang yakap bago ako natauhan. Bakit ko nga ba kasi siya niyakap?! Sa sobrang touched ko na nandito siya, nayakap ko tuloy siya bigla.
Napaubo naman si Miko at saka tumikhim. "Ano, tara na? Baka abutan pa tayo ng traffic." Nauna na siya sa aking maglakad papunta sa labasan.
Napatakbo naman na ako pasunod sa kanya. Sumakay na kami ng jeep. Kasabay namin ang mga papasok sa Epza. Nang magbabayad na kami ng pamasahe ay napaisip pa ako. Ililibre ko ba si Miko? Sasamahan niya ako kaya di ba na dapat ay ilibre ko siya?
Kakasya naman ang pera ko dahil nasa two thousand din ang aking nakuhang ipon sa alkansiya. Naglabas na ako ng twenty two pesos at ipinaabot iyon sa kasakay namin sa jeep na malapit-lapit sa driver. "Bayad po, dalawang Tejero."
Pagdating namin sa Tejero ay maliwa-liwanag na ang langit. Si Miko ay dumaan pa sa may tindahang nasa gilid. Bumili siya ng Halls na candy. Habang bumibili ay nakamasid ako sa kanya. Hindi pa rin ako makapaniwala na talagang sasamahan niya ako ngayon. Na magsasayang siya sa akin ng panahon.
"Hoy, ano pang hinihintay mo? Pasko?"
Touched na talaga ako e, kaso lang antipatiko pa rin talaga. Inirapan ko siya at nauna na akong sumakay sa nakapilang baby bus pa-Baclaran.
Ordinary small bus lang ang lahat ng baby bus. Sa may bandang dulo kami pumuwesto. Iyong upuan na tagdalawan bago makarating sa likuran. Ako ang pinauuna niya kaya katabi ako ng bintana, tapos siya sa tabi ng aisle. Siya tuloy iyong nababangga ng mga dumadaan sa gilid.
Nang maningil na ang konduktor ay naka-ready na ang bayad ko. Nagbayad agad ako pagdaan sa amin. Paglingon ko kay Miko ay nakatitig siya sa akin. I smiled sweetly at him. "You're welcome."
Narinig ko ang pag-tsk niya. Nagbukas siya ng candy saka humalukipkip at sumandal sa sandalan. Ang hood ng suot niyang jacket ay nakasaklob sa kanyang ulo. Mukhang matutulog siya.
Nang umandar naman na ang baby bus ay tumingin ako sa bintana. Kahit ordinary lang at hindi naka-aircon ay ayos lang pala. Ang sarap byumahe nang ganitong oras. Malamig ang hangin lalo na dahil mabilis ang takbo ng baby bus.
Dahil siguro hindi ako gaanong nakatulog kagabi dahil sa kaba ay inantok ako. Sumandig ako malapit sa bintana. Para akong hinihele ng pag-uga ng baby bus at ng malamig na hangin mula sa labas. Pipikit lang dapat ako, pero natuluyan.
Napasarap ang aking tulog, kaya hindi ko napansing umiinit na pala. Maaga pa rin naman at malamig pa rin ang hangin, pero nagsisimula nang tumaas ang araw. Sa sarap din ng aking tulog ay hindi ko napansin na may dumukwang sa akin para ibaba nang kalahati ang takip ng bintana aking tabi.
Nang lumiko ang bus ay napabaling ang ulo ko sa kabila. Hindi na ako nakasandig ngayon sa gilid ng bintana. May mainit na kung ano pa ang humawak sa aking pisngi para alalayan ako na hindi bumagsak. Hmn, mas sumarap ang tulog ko dahil mas kumportable na ang aking bagong sinasandigan.
"BACLARAN! BACLARAN!"
Hindi pa ako magigising kung hindi pa sumigaw ang konduktor. May tumulak sa ulo ko. "Hoy, gising!"
Pupungas-pungas ako na nagmulat ng mga mata. Paglingap ko sa paligid ay nagsisibabaan na ang mga kasakay namin sa baby bus. Tumingin ako sa bintana, nasa Baclaran na kami!
Naunang tumayo si Miko sa akin. Nang tingalain ko ay hindi siya sa akin nakatingin. Bumagsak na ang hood ng jacket niya sa kanyang balikat, at sa pagkakatagilid niya ay nakita ko na namumula ang kanyang tainga.
BINABASA MO ANG
South Boys #6: Bad Lover
Teen FictionThis guy is bad news, pretending to be cute and nice while hiding an evil inside. Zandra Asuncion, who dislikes Michael Jonas Pangilinan, starts to understand him and foolishly tries to "fix" him. Unbeknownst to her, she's falling into a trap, as th...