20: Tanong

3 0 0
                                    

Hindi ko maiwasang mangamba. Ang puso ko‘y kinakabahan at ang tibok nito‘y parang nasa karera. Palaging tulala, ang isip ay gulong-gulo na. Ingay ng paligid ay hindi alintana. Babalik ka pa kaya?

Ilang taon na ba ang lumipas? Ah, pitong taon na pala ang mga pangako mong kumukupas. Hanggang ngayon ako ay naghihintay, walang araw na hindi ako nalulumbay. Gusto ka na ulit mahagkan, maging ang ating matatamis na halikan. Iniwan mo akong mag-isa, ngunit ang iyong mga alaala ay nandito pa. Kinukulong ako sa hawla, may pag-asa pa kayang kumawala?

Sabi mo‘y ikaw ay kailangan ng iyong pamilya sa ibang bansa, kumusta ka na kaya? Bakit maging ang koneksyon natin ay nawala? Ayokong mag-isip nang masama, ngunit paano kung may iba ka na?

Tanong na walang kasagutan, dahil miski ako ay walang alam. Parati akong nagpupunta sa ating tagpuan, umaasang makikita ka‘t masagot ang aking mga katanungan. Ngunit parati ding bigo, dahil walang makita miski anino mo. Saan ka na kaya patungo?

Hindi ito isang taguan na laro, kaya huwag ka sanang magtago. Ilang taon na ang nasayang, may nararamdaman ka bang panghihinayang? Ilang taon na nga ulit? Ah, pito. Babalik ka pa ba sa piling ko?

Hindi lamang ang mga ito ang tanong na nabubuo, marami pang iba na nakakubli lamang sa isip ko. Hindi kayang magsalita, kaya ang gamit ay papel at pluma. Sinusulat ang mga nadarama, baka sakaling magkaroon ng himala.

her collection of different stories Where stories live. Discover now