Chapter 11

86 13 1
                                    


REN

Wala naman talaga akong planong bumangon agad mula sa kama dahil bukod sa Linggo naman, masakit rin ang ulo ko dahil sa pag-inom kagabi.

Kaya lang, binulabog ako ng pagtawag ni Manuel, nag-aayang kumain sa labas kasama si Lily. Libre naman daw kaya pumayag na ako.

Wala na si Beau sa kwarto. Hindi tulad ng sa akin, nakaayos na ang kama niya. Malinis na rin ang puwesto kung saan kami uminom kagabi. Mukhang bago siya umalis ay nilinis niya muna ang buong kwarto.

Alas dose na rin pala.

Pakiramdam ko ay mabibiyak ang ulo ko sa sakit. Ito 'yong mga pagkakataong mapapasabi ka na lang talagang hinding-hindi ka na iinom ng alak kahit kailan. Kapalit ito ng pagyayabang ko kagabi kay Beau at sa mga kaibigan niya na kaya kong makipagsabayan sa kanila sa inuman. Deserve ko siguro ito.

Iniisip ko pa rin 'yong mga nangyari kagabi.

Kahit lasing ako, malinaw sa akin ang lahat.

Hindi ako gaanong nakikipagkwentuhan kina Beau at sa mga kaibigan niya kaya madalas, nasa alak lang ang atensyon ko. Kaya rin gano'n kadali akong nalasing. Hindi rin naman ako maka-relate sa usapan nilang mga senior. Ang tanging nakikipag-usap lang sa akin ay si Carson pero tinulugan ko pa.

Nag-init ang magkabilang pisngi ko nang may maalala.

Inakay ako ni Beau papunta sa kama ko kagabi. Sigurado akong sa couch ako matutulog kung hindi niya ginawa 'yon. Bukod sa pagtawa, naalala ko rin lahat ng mga pinagsasabi ko sa kanya bago ako makatulog.

Now that I'm sober, it feels so weird thinking about it. Nakakahiya!

Magkakasama na kami nina Manuel at Lily sa isang restaurant sa bayan nang ikwento ko sa kanila ang inumang naganap kagabi sa dorm.

"Daya mo naman, brad. Nasa baba lang ako, hindi mo pa ako tinawag kagabi!" sabi ni Manuel sa akin, may pagtatampo. "Edi sana nakainom rin ako."

Inilingan ko siya. "Saling-pusa nga lang ako tapos magsasama pa ako?" sagot ko kay Manuel. "Kung gusto mo, iyo nalang 'tong hangover ko, brad."

Natawa si Lily.

"So, close na kayo ni Mr. Sungit?" Si Beau ang tinutukoy niya. "Mukhang papalitan ka na ni Ren, Nuel," pang-aasar niya sa isa.

"Nako, hindi ako makakapayag n'yan! Suntukan muna kami!"

Napailing ako at natawa.  "Mga sira, hindi kami close no'n." Hindi naman talaga. "Hindi pa," dagdag ko.

"So, may balak kang i-close siya, Ren?" tanong ni Lily.

"Seryoso, brad?" segunda naman ni Manuel.

Ang totoo n'yan, noong una ay wala naman talaga akong balak na kilalanin si Beau dahil sa ugali niya. Pero ewan ko ba, simula noong nakainuman ko siya noong Biyernes ng gabi, at kagabi, parang sa isang iglap, nagbago ang pananaw ko.

Siguro nga ay tama si Flint, I should try to get along with Beau...kahit mahirap. I'll also take Carson's word for it. Pareho nilang sinabi na mabait naman talaga si Beau. So, bakit hindi ko subukan?

"Pakikisamahan ko lang, brad," sagot ko kay Manuel na may pagdududa sa itsura niya. "Mahirap namang araw-araw e iwasan ko 'yong tao sa dorm. Nakakapagod rin, 'no."

"Sabagay," sabi ni Manuel. "Pero ako pa rin ang best friend mo, Warren!"

Natawa kami pareho ni Lily kay Manuel. Masyado siyang OA.

Matapos kaming kumain, nagsabi akong mauuna na pabalik sa campus dahil gagala pa sina Manuel at Lily sa bayan.

Palabas pa lang ako ng pamilihang bayan nang makita ko sa malayo si Flint. Nakatayo siya sa labas ng sakayan ng mga bus. Otomatiko akong napangiti at lalapitan na sana siya para batiin nang makita kong may lumapit sa kanya.

Natigilan ako nang makita si Kuya Bonnie.

Hindi naman ako nagulat na makita si Kuya Bonnie rito dahil weekend ngayon at ngayong araw pa lang siya babalik sa syudad. Nagulat lang ako na magkasama na naman sila ni Flint.

Gusto ko sana silang lapitan kaya lang parang may pumipigil sa akin na humakbang. Pinanuod ko lang sila sa malayo. Magkatabi at nakangiti sa isa't isa habang nag-uusap.

Akala ko ay wala nang mas nakakabigla pa na makita silang magkasama ulit, mayroon pa pala.

Napawi ang ngiti sa mukha ko sa sunod na nasaksihan. Hindi ako makapaniwala.

Flint...just kissed my brother on his forehead.

Sinundan ang halik na 'yon ng isang matagal yakap. Pagkatapos no'n, tuluyan nang nagpaalam si Kuya sa kanya at humakbang na palapit sa bus. Kumaway sila sa isa't isa bago tuluyang pumasok si Kuya Bonnie sa loob.

Hindi ko alam ang mararamdaman ko.

Hindi ko na sila nagawang panuorin pa at tumalikod na para umalis.

Naguguluhan ako sa nakita.

Hindi 'yon isang friendly kiss lang!

Ano 'yon? Si Kuya Bonnie at si Flint...may relasyon?

Hindi ko 'to inaasahan kay Kuya Bonnie. Lalo na kay Flint. Sa kanilang dalawa.

I just...don't understand.

Ilang hakbang pa palayo sa sakayan, nilingon ko ang bus kung saan sumakay si Kuya Bonnie. Wala na si Flint sa harap.

Nagpadala ako sa emosyon ko't patakbong lumapit sa bus na nagsisimula nang umandar.

Humabol ako roon at sumakay.

Ren Beau (Boys' Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon