RENMaagang lumabas ng kwarto si Beau. Dala na niya ang kanyang malaking backpack. Siguro ay mauuna na siya sa labas ng gate dahil doon naghihintay sa amin ang mga bus papunta sa Camp Juarez, isang private hotel and resort para sa tatlong araw naming camp.
Tulad ni Beau, isang malaking backpack lang ang dala ko at wala nang iba. Kung ano lang 'yong kailangan ay 'yon lang ang dinala ko. Ako rin naman ang mahihirapan kung magdadala ako nang sobra.
Sa labas, nakahanay ang limang bus. May papel na nakapaskil sa bawat isa sa mga 'yon. Magkakasunod. Mula bus one hanggang bus five. Sa bawat bus, may instructor na nakaabang sa labas at may hawak na papel. Chinecheck ang bawat estudyanteng papasok roon.
Sinabi na sa amin kahapon kung saang bus kami sasakay kaya dumiretso agad ako sa bus number three.
Bago pa ako tanungin ng instructor, kusa ko nang sinabi ang apelyido ko.
"Pineda po."
Tumingin muna sa listahang hawak ang matandang lalake bago ako binalingang muli.
"Where's your senior?" tanong nito.
"Po?"
"Your partner, hijo," sabi niya. "Hindi ka makakapasok sa loob ng bus nang hindi mo siya kasama. Kailangang sabay kayo dahil dalawa kayo sa listahan," paliwanag niya sa akin.
Nagtataka akong tumingin sa instructor. "Wala pa po ba siya sa loob?"
"Itatanong ko ba kung nasa loob na siya, hijo?" masungit na sabi ng matanda. "Hindi ko rin siya papapasukin kung mag-isa lang siya," sabi nito.
"Nauna po kasi siya sa aking lumabas," sagot ko.
"Oh, e nasaan na siya?"
"Hindi ko po alam," sagot ko.
Napailing sa akin ang matanda. "Dapat ay magkasama na kayo ngayon. Aalis na ang bus maya-maya lang," sabi niya. "Go and look for your partner now. May ten minutes pa kayo."
Nataranta ako at agad na hinanap sa karamihan ng tao si Beau.
Wala siya kahit saan.
Nasaan na ba ang lalakeng 'yon?
Nakasalubong ko pa si Manuel kasama ng roommate niyang si Roman, papasok na rin sila sa bus. Nagtataka nga kung bakit nagmamadali raw ako. Hindi ko na ipinaliwanag pa ang dahilan at minabuting pumasok na ulit sa campus.
Sa pagtakbo ko, hindi ko inaasahang may mabangga.
"Sorry!" mabilis kong paumanhin at nang lingunin ito, nagulat ako nang makita si Flint, may kasama siyang freshman.
"Warren," nagtataka akong tiningnan ni Flint. "Bakit ka tumatakbo?"
Wala na sana akong oras para kausapin siya pero sinagot ko na rin. "I'm looking for Beau, Flint," hinihingal kong sabi. "Hindi raw papapasukin ng bus kung hindi magkasama ang magpartner," problemado kong dagdag.
Tinanguan ako nito at itinuro ang bench na hindi kalayuan sa amin. "Ayun si Beau, Warren."
Napanganga ako sa nakita. Naroon nga ang lalakeng hinahanap ko. Parang wala man lang pagmamadali sa buhay niya at relax na relax na nakaupo roon.
"Puntahan ko lang," sabi ko kay Flint. "Salamat, Flint!"
Nagtatakbo na ako palapit kay Beau. Natanaw na niya ako. Kumaway pa ito sa akin habang nakangisi kaya lalo akong nairita. Gusto ko siyang suntukin.
"Hoy!" sigaw ko nang makalapit. "Ano bang trip mo at nandito ka, ha? Paalis na 'yong bus. Hindi tayo makakapasok nang magkahiwalay!" inis kong sabi sa kanya na parang hindi naintindihan ang sinabi ko.
BINABASA MO ANG
Ren Beau (Boys' Love)
RomanceA boys' love story about a college freshie, Warren Pineda, and his senior roomie, Beau Simmons.