Day 11-12: First Exchange

159 6 0
                                    

First exchange
-----

Gusto ko talagang mag-deactivate na lang at 'wag nang makialam kay Marcus. Manonood na lang uli ako sa sideline. Mag-aalala nang tahimik.

No'ng mga sumunod na araw, mas nawalan ako ng kibo, sabi ni Nanay. Hindi ko naman napansin. Siguro kasi, maingay ang isip ko. Nag-deactivate ako as En Visible pero naaalala ko pa rin 'yung messages ni Marcus. Naiisip ko pa rin kung ginamit kaya niya 'yung medicine kit. Nag-aalala pa rin ako sa mga pasa niya. At kahit kaunti, iniisip ko pa rin kung bakasakali, naiisip niya rin ako. Kahit sabihin ko sa sarili kong 'wag siyang isipin, alalahanin at magustuhan, walang bisa. Ginawa niyang teritoryo 'yung isip ko.

Pagdating ng Linggo, sabi ni Helga, dumaan daw si Marcus sa kanila. Nagtatanong daw tungkol sa mga deactivated accounts. Nag-message daw sa isang account.

4,000 plus ang friends niya. Mababa ang chance na ako 'yung deactivated na pinadalhan niya ng message. Pero hindi ko matiis. Monday, sa lunch, nag-log in uli ako as En Visible.

Well, I guess you are. I'm sorry again.
And thank you for the medicine kit. I appreciate it, En.

Hindi ako nakahinga sa ilang pirasong salita lang.

Ano 'yung I guess you are niya? At nag-sorry siya?! Nag-sorry siya!

Napapikit ako nang mariin at humugot ng hangin. May masakit at nakapanglalambot na bagay sa puso ko. Hindi ko maintindihan. Parang may natanggal na dagan sa dibdib ko. At kung wala lang ako sa canteen, umiyak na siguro ako.

"Oy, ano'ng problema?" untag ni Helga na kumakain ng ice cream katabi ko. "Masakit ulo mo?"

Umiling lang ako. Medyo inilihis ko 'yung cellphone papunta sa 'kin, 'yung hindi makikita ni Helga ang screen. Gusto kong solohin 'yung pagbasa ng message ni Marcus.

Thank you for the medicine kit.

Napabuntong-hininga ako. Sana, ginamit niya rin 'yung kit.

I really appreciate it, En.

Napangiti ako sa dulo ng message.

En.

Isang letter na lang, pangalan ko na 'yung binabanggit niya. Tama 'yung pangalang pinili ko.

***
Lumipas pa ang magdamag bago ako nag-message uli kay Marcus. Umaga pagmulat ko, nag-type agad ako bago ako talunin ng second thoughts. Labo-labo 'yung mga gusto kong sabihin kaya ang lakas ng tahip ng dibdib ko. Siguro naman tulog pa siya. Siguro naman, hindi siya magre-reply. At siguro naman, kahit hindi ko alam kung ano ang eksaktong sasabihin, maipaparating ko naman sa kanya na active na uli ako sa facebook. At hindi na ako galit.

Hi. I read your message. You don't
even have to apologize to me.
Kasalanan ko naman. I crossed the line.
Nagmi-message ako kahit na hindi mo
alam kung sino ako. Napaka-intrusive
pa ng mga messages ko. Ang creepy ko
pa. Akala mo siguro, stalker ako.

Ang haba ng intro ko pa lang. Ang dami kong pangungumbinse sa kanya na harmless ako at hindi ako stalker. Pero feeling ko, creep alert pa rin 'yung dating ko. Ang hirap kasi magtago ng identity at ng concern. Ayun, nabali-baligtad tuloy 'yung ibang gusto kong sabihin. Na-late pa 'yung good morning ko.

Nakahinga 'ko nang maluwag after ko mag-type. Pero hindi pa nakakabalik sa normal 'yung paghinga ko, nag-reply siya!

Aksidente ko lang na nabasa. Huminto 'yung puso ko no'ng nag-pop-out 'yung messenger bubble na may profile pic niya.

Ang gwapo kasi ng profile pic niya. Nakakakilig.

Haha! I'm glad you're back.

Haha! pa lang niya, hindi na 'ko mapakali. Kinagat ko 'yung unan ko para mapigil 'yung tili. Wala akong maisip na gawin. Ako naman 'yung nang-seen.

Pagdating ng gabi, nag-message uli siya. Maikli lang. Nakakaubos ng hangin.

Who are you really, En?

***
Kinabukasan, mas maaga akong gumising para mag-message. Para maiwasan na makapag-reply siya agad tapos ma-seen ko. Naisip ko, maliit naman ang chance na mag-reply siya uli. Kasi, 'yung una, parang courtesy message lang 'yun, 'di ba? Kasi nag-message ako after niyang ma-capslock?

Pero kung hindi courtesy 'yung pagmi-message niya at balak niya 'kong i-reply, 'di ko pa kayang makipag-usap ng normal. Baka ma-creep alert ko siya.

Sinagot ko lang 'yung tanong niya no'ng gabi at nag-greet ng good morning.

I told you before, I'm just a nobody.

Pagka-send ko ng message ko, nag-offline ako at nag-prepare na papunta sa school.

Pero 'yung kaba sa dibdib ko, tuloy-tuloy lang hanggang lunch. Gusto kong malaman kung nag-message siya uli pero ayoko namang mang-seen.

Kumakain na kami ni Helga ng lunch sa canteen no'ng dumating sina Marcus at Ash. Sabay kami ni bestie na napalingon sa kung saan sila umupo.

Sobrang lapit nila. Two tables away lang. Si Ash lang 'yung sumulyap sa 'min at tumango. Tapos, pumihit sa pagkakaupo si bestie, patalikod kila Ash at pasimpleng napapadyak. Gano'n kasi siya kiligin. Ayaw magpakita ng mukha. Siniko ko nang kaunti.

Si Marcus, nakaupo lang sa table, hawak 'yung cellphone niya. E... hawak ko rin 'yung cellphone ko. Kakakita ko pa lang ng message niya.

Gusto kong mag-offline uli pero na-curious akong malaman kung kapag ba nag-message ako, babasahin niya agad. Nag-type ako habang nag-iinit 'yung pisngi ko.

Masarap 'yung tapa sa canteen. Itadakimasu!

Nakatungo ako sa pagkain ko. Sa peripheral ko, nakabantay ako sa kanya. Tumingin siya sa cellphone niya tapos nag-navigate. Ilang minuto lang, tumayo siya at umorder ng pagkain. Pagbalik niya sa table, nag-type siya habang si Ash naman ang umorder.

Medyo nakangiti si Marcus no'ng ibinaba niya 'yung phone niya sa table.

Umilaw 'yung mobile phone ko.

Masarap nga 'yung tapa nila ngayon.

Napangiti ako sa message niya habang nakatungo. This is too much. Nagre-reply siya!

At bukod pa ro'n, ngumiti siya uli! For the first time since I have been watching him!

Yiii...

Nakagat ko 'yung lower lip ko. Pero hindi sapat para makalma ako. Hindi ko naman pwedeng kagatin si Helga. Hinampas ko na lang nang mahina 'yung table.

Nag-disconnect na rin ako sa wifi ng school bago pa makapag-send uli ng message si Marcus. Baka si Helga na ang mahampas ko. Busy pa naman siya kumuha ng stolen shots ni Ash.

No'ng umalis kami ng canteen, kumakain pa rin silang dalawa. Panay ang tingin niya sa cellphone niya.

Ang dami kong naging energy sa buong afternoon class hanggang pag-uwi.

When night came, I bade him goodnight.

Na-seen uli ako. But the exchanges of the day assured me that his seen wasn't equal to being ignored. #

Invisible Girl (Chat MD Series #1) (TO BE PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon