Part 9

4.9K 132 0
                                    

"LIMANG libo ang ibabayad ko bilang renta kapag papayag kayo na mag-stay kami rito sa bahay niyo. Ayaw niyo pa?!|" Nakataas ang isang kilay ni Claudith na offer. Kausap niya ang mag-asawang may-ari ng bahay na pinakamalapit sa bahay nina Sielyn. Gusto niya ang bahay na upahan dahil mula roon ay tanaw niya ang bahay ng babaeng mang-aagaw at malandi.

Nagkatinginan sa isa't isa ang mag-asawa.

"Pero, Ma'am, hindi ho namin ipinapaupa ang bahay namin," pagkuwa'y sagot ng lalaking matanda.

Napabuga ng hangin si Claudith. Inis na inis na siya, hindi lamang niya ipinahahalata.

"Mga probinsyano talaga! Ang hirap kausap! Kainis!" Naghihimutok sa kaniyang kaloob-looban na kinalkal niya ang kaniyang bag at kinuha ang kaniyang wallet.

Napapakibit-balikat lang naman sina Jake at Vida na nakamasid. Tiwala silang kayang mapapayag pa rin ni Claudith ang mag-asawa. Gayunman, naaawa rin sila sa mag-asawa.

"Here!" Inilabas ni Claudith ang malulutong na mga tag-isang libong piso sa harap ng mag-asawa. "Dinagdagan ko pa ng dalawang libo pumayag lang kayo."

Sa nakitang madaming pera ay sumiwaly na ang pagnanasa sa mukha ng mag-asawa.

"Seven thousand na lahat ito. Ayaw niyo pa?" inip na turan pa ni Claudith dahil panay na lang ang tinginan ng dalawang matanda pero ayaw namang magsalita. "Buong buhay niyo hindi kayo makakahawak ng ganitong kalaking pera mula lang sa pagbebenta niyo ng kahoy at gulay sa bayan na sinasabi niyong trabaho niyo. Suwerte na kayo rito."

"Sige na pumayag na kayo, Mang Tacio. Huwag kayong mag-alala dahil baka wala pang tatlong araw ay aalis din naman kami rito sa bahay niyo. Sayang ang pera, oh," susog ni Jake sa mag-asawa. Mistula itong guardian devil na lumitaw sa likod nila.

"Ang problema kasi ay saan naman kami titira?" saad ng babaeng matanda.

"Abay problema niyo na iyon. Kung gusto niyo mamundok na lang muna kayo," mataray na sagot ni Claudith.

"Baka may kamag-anak po kayo na pansamantalang matitirhan? Kami kasi ay dayo lang dito kaya wala kaming kakilala," sabad ni Vida sa mabait na tono. Ito ang talagang nakokonsensya sa ginagawa nila sa dalawang matanda.

Nagkatinginan ulit ang mag-asawa. Bagaman ayaw pa rin sanang umalis sa bahay nila, sa huli ay tinanggap din nila ang pera at nag-alsabalutan na. Iniwan na sa kanila ang bahay at ipinaubaya.

"Sigurado ba kayong dito tayo titira ng ilang araw?" reklamo ni Jake sa dalawang dalaga nang wala na ang dalawang matanda. Kanina pa ang panay kamot nito sa mga binti at braso dahil pinapakpak siya ng mga lamok.

"Sinabing oo, eh. Paulit-ulit?" irap ni Claudith. Siya man ay panay hampas sa kaniyang binti. "Bukas ay umuwi ka. Kumuha ka ng kakailanganin natin. Mga damit pati na mga pagkain."

"Puwede bang bumili na rin ako ng aircon?" pilyo na sabi ni Jake.

Sa inis sa kaibigan ay dinampot ni Claudith ang isang napakatigas na unan at inihampas dito. "Sige kumuha ka at sa ilong mo isaksak."

Kaysa mapikon ay nagtatawa si Jake.

"Ikaw lang naman kasi ang iniisip namin, Claudith. Kami ni Jake ay sanay na sa ganitong klaseng bahay pero ikaw..." sinadyang putulin ni Vida ang sinasabi dahil inirapan din ito ni Claudith.

"Kaya kong tiisin ang lahat mabawi ko lamang si Jaron, Vida," sabi nito.

Wala kasing kuryente ang bahay nina Mang Tacio. Sa sandali ngang iyon ay gasera na dadalawa ang tanglaw nila sa dilim. Walang tv, walang electric fan kaya mainit na nga kinakain pa sila ng mga lamok. Ang mas masaklap ay walang internet dahil walang wifi. Boring na tuloy sila.

"Basta, kahit ano ay titiisin ko para kay Jaron. Titiisin ko ang pisting lugar na ito mabalik lang sa 'kin si Jaron!" matatag na sabi pa ni Claudith.

Napabuntong-hininga na lang sina Jake at Vida. No comment na sila dahil batid naman na sa ngalan ng pag-ibig kahit sino ay nagiging tanga.

PATAY NA SI SIELYNTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon