Part 13

4.4K 133 0
                                    

"KUMAIN ka na," ang sabi ni Sielyn kay Jaron nang maihain na nito ang mga pagkaing niluto nito.

Matamis na ngumiti si Jaron, ngunit pasimple itong napalunok nang makita niyang hindi pamilyar sa kaniya ang mga niluto ng nobya na putahe. Karne iyon na may kasamang gulay subalit hindi niya maintindihan ang pagkakaluto.

"Ayaw mo ba ng niluto ko?" nakahalata na tanong ni Sielyn.

"Hindi. I mean... gusto ko. Gusto ko ang niluto mo syempre," sadyang pinaliksi ang tinig ay sagot ni Jaron. Dinampot na niya ang kutsara at tinidor.

"Salamat dahil niluto ko talaga iyan para sa 'yo lang," ani Sielyn.

Nga naman, pinaghirapan ni Sielyn na lutuin ang mga iyon sa kaniya. Wala siyang karapatan na magreklamo.

Ngumiti ulit siya sa kasintahan bago sumubo. Napalunok nga lang siya dahil hindi lang pala kakaiba ang hitsura ng ulam kundi malansa rin pala ang amoy.

Ilalayo na niya dapat ang kutsara sa bunganga niya dahil parang hindi niya kayang kainin iyon, subalit nang tingnan niya si Sielyn ay masama na ang tingin sa kaniya nito. Nagagalit na sa kaniya dahil ang arte-arte niya.

Ngumiti siya ulit dito bago isinubo ang pagkain. Paisa-isa ang pagnguya niya at muntik-muntikan na siyang masuka. Iba rin kasi ang lasa ng karne. Mukhang luto naman nang isubo niya ngunit nang nasa bunganga na niya ay parang hilaw na karne na ang nginunguya niya.

"Masarap ba?" tanong na sa kaniya ni Sielyn.

Kinailangan niyang magpanggap upang hindi niya ito masaktan. Nakangiti na tumango siya sabay lunok na lang sa kinakain upang hindi na malasahan.

"Kain ka pa. Para sa iyo lahat iyan," sabi pa ni Sielyn.

Kumutsara nga siya ulit sa ulam para hindi ito mapahiya. Sinabi na lang niya sa kaniyang sarili na kapag ikinasal sila ay tuturuan na lang niya itong magluto.

"Kailan daw dadating ang mga magulang mo?" tanong niya para may mapag-usapan upang kahit paano ay malimitahan ang pagkain niya.

"Hindi ko alam. Bakit aalis ka na ba? Iiwan mo na ba ako?"

Gusto niyang sabihing kailangan na nga niyang umalis dahil may trabahong naghihintay sa kaniya sa Maynila—isa siyang graphic designer sa isang advertising company. Subalit hindi naman niya magawa na magpaalam sa nobya. Habang tinitingnan niya ang mukha ni Sielyn ay parang may kamay na humaplos sa puso niya. Naaawa siya ritong iwanan.

"Hindi pa naman dahil may damit pa naman akong pamalit sa kotse. Ang sa akin lang ay baka maratnan tayo rito ng mga magulang mo kapag biglang uuwi na sila tapos mag-isip sila ng masama," pag-iiba nga niya sa sasabihin bandang huli.

"Ayos lang 'yon."

"Sure ka?"

"Oo kaya sana dito ka lang, Jaron."

Totoong ngumiti na siya. "Sige, dito lang muna ako. Sasamahan kita hanggang hindi pa bumabalik ang nanay at tatay mo."

Tumayo si Sielyn. Lumipat at tumabi ito sa kaniya ng upo. Isinandig ang ulo sa kaniyang balikat. "Salamat at hindi mo ako iiwanan, Jaron. Pangako hindi rin ako aalis. Hindi rin kita iiwanan. Mananatili tayong dalawa rito."

Napangiti si Jaron, kahit na kinilabutan siya kaunti at nahiwagaan sa sinabing iyon ng nobya. Para kasing may laman o ibang kahulugan. Gayunman, binalewala niya iyon at ninamnam ang ibig sabihin niyon na alam niya. Ang hindi siya iiwanan ni Sielyn dahil handa na rin itong mahalin siya habambuhay.

Hinawakan niya ang mga kamay ni Sielyn at buong pagmamahal na hinalikan ang likod niyon. Malamig pa rin ang mga kamay ni Sielyn, sinasadyang hindi na lang niya binibigyang pansin.

Ang ipinagtaka niya ngayon ay nang may naamoy siyang mabaho. Mabaho na parang sa amoy ng patay na daga.

Nakusot ang ilong ni Jaron na tumingin-tingin sa kaniyang tagiliran. Nagmistula siyang aso na hinanap ng ilong niya ang mabahong amoy. Hanggang sa mapagtanto niya na ang kamay ni Sielyn na hawak-hawak niya nanggagaling ang amoy.

Ang baho ng balat ni Sielyn!

"Excuse me, Sielyn." Napilitan siyang tumayo upang mapalayo rito.

Nagtatakang napatingala sa kaniya ang dalaga. "May problema ba?"

"Iiinom lang ako. Bigla akong nauhaw," pagsisinungaling niya. Kinuha niya ang baso at nagtungo sa lumang water jag na lagayan ng inumin nina Sielyn. At habang ginagawa niya ang pagkuha ng tubig ay panay sulyap niya sa dalaga. Noon na niya napansin na hindi nga pa pala nagpapalit ng damit si Sielyn. Hindi pa naliligo. Gayunpaman maganda pa rin ang dalaga.

"Jaron, bakit mo ako tinititigan?" malumanay na tanong sa kaniya ni Sielyn.

"Wala." Nahiya siyang nag-alis ng tingin. Ganoon na lang din ang taranta niya nang makita niyang puno na rin pala ang baso na nilalagyan niya ng tubig. Isinara niya ang pinak-faucet ng water jag at bumalik sa kinauupuan.

"Kain na ulit tayo," sabi niya kay Sielyn nang bumalik siya sa kinauupuan. At gusto niyang magsisi bakit niya nasabi iyon. Napilitan tuloy siyang kumutsara ulit ng pagkaing nakalapag sa harap niya. Mabuti na lamang at napansin niyang wala na ang amoy na patay na daga.

"Siya nga pala pupunta ako sa bayan mamaya. Bibili ako ng mga pagkain at mga gamit natin. Gusto mong sumama?" aniya nang may mapag-usapan sila ulit.

Nilalaro ng kutsara ang pagkain na umiling si Sielyn. Isa na naman iyon sa ipinagtataka ni Jaron. Napansin niya kasi na hindi naman ito kumakain.

"Sigurado ka?" tanong niya pa habang pasimple ang paglipat-lipat ng tingin niya sa mukha ni Sielyn at sa pagkaing parang nilalaro lang nito ng kutsara.

Tumango ang dalaga. "Ikaw na lang. Tinatamad akong lumabas."

"Sige kung gano'n. Sabihin mo na lang sa akin ang kailangan mo at bibilhin ko."

"Wala akong kailangan, Jaron. Ang nandito ka lang ay masaya na ako," subalit ay sabi ni Sielyn na nagpanindig na naman sa mga balahibo ng batok ni Jaron.

PATAY NA SI SIELYNTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon