Part 10

4.8K 134 2
                                    

NAALIMPUNGATAN si Jaron mula sa mahimbing na pagkakatulog. Nagpagising sa kaniya ang naririnig niyang parang umiiyak o sa mas tamang salita ay panaghoy. Panaghoy ng isang babae naghihinagpis. Iyak ng babae na parang galing sa ilalim ng lupa.

Bumangon siya.

Sa salas ng bahay nina Sielyn siya natulog dahil ayaw niyang isipin ng dalaga na sinasamantala niya ito. Gusto niyang makatabi sa pagtulog sa kama ang nobya, gustong-gusto, pero gusto niyang iharap ito sa dambana na malinis kaya isinumpa niyang magtitiis siya.

Sobrang mahal na niya si Sielyn kaya sobra-sobra rin ang pagrespeto niya rito.

Pupungas-pungas na lumapit siya sa silid ni Sielyn. Sinilip niya ang dalaga kung maayos at mahimbing ba 'tong natutulog. Subalit ganoon na lamang ang kaniyang pagtataka dahil wala roon sa kama ang dalaga. Pumasok siya at tsinek ang kabuuan ng silid. Hinanap niya ng tingin ang nobya ngunit wala talaga roon si Sielyn.

"Sielyn, nasaan ka?" may pag-aalalang tawag niya sa pangalan ng kasintahan habang palabas ng silid. Naisip niya na baka nasa kusina ang dalaga kaya sumilip na rin siya roon. Hindi nga lang niya naituloy ang pagpanhik mismo sa kusina dahil muli siyang natigilan. Ayun na naman kasi ang panaghoy ng babae. Naririnig niya ulit ang nakakahindik-balahibo na iyak nito.

Nakiramdam siya. At nang marinig niya ulit ang panaghoy na iyon ay napagtanto niyang nagmumula iyon sa likod ng bahay.

Bagaman may takot sa kaniyang dibdib, itinuloy niya ang pagpanhik sa kusina. Sa pinto, doon siya lumabas.

Madilim ang likod ng bahay, dahilan para mas dagsain siya ng matinding takot at nerbyos. Nakailang lunok siya ng kaniyang laway. Kamuntikan na siyang mapatakbo papasok ulit ng bahay nina Sielyn ngunit pinigil iyon nang muli niyang pagkarinig sa panaghoy.

Nagtapang-tapangan na lang siyang napakunot-noo. Habang hinihimas-himas ang mga brasong nagtatayuan ang mga balahibo ay iginala niya ang tingin sa madilim na paligid. Hinanap ng mga mata niya ang babaeng umiiyak.

Wala siyang kaalam-alam na sa sandaling iyon ay nasa likod niya lamang si Sielyn. Buhaghag ang buhok, maputlang-maputla ang mukha, diretsong-diretso ang pagkakatayo pero hindi naman nakaapak sa lupa, at umiiyak ng dugo habang masamang-masama ang tingin sa likod niya.

"Sino 'yan?!" lakas-loob na tanong ni Jaron sa paligid nang wala pa rin siyang makita na babae.

"Huh?!" Bigla rin siyang napalingon sa kaniyang likuran nang parang may naramdaman siyang kakaiba doon, ngunit wala naman siyang nakita na anuman.

"T*ng ina!" hindi na niya naiwasang naimura. Malinaw kasi na naririnig na naman niya ang panaghoy ng babae, ngunit wala talaga siyang makitang babae na umiiyak. Gayunman ay itinuloy niya ulit ang paghahanap. Isa pa ay kailangan niyang mahanap din si Sielyn.

"Sielyn, ikaw ba 'yan? Ikaw ba 'yang umiiyak? Nasaan ka?" lakas-loob na tanong niya sa mas madilim pang parte ng likod-bahay. Sinisikap niyang aninagin ang madilim na lugar. Mabuti na lang at naisip niya rin sa wakas ang kaniyang cellphone. Kinapa at kinuha niya iyon sa kaniyang bulsa. Ginamit niya ang flash upang matanlawan ang kadiliman.

"Oy!" Anong gulat nga lang niya nang masilayan niya ang isang babae. Kamuntikan na siyang ma-out of balance sa sobrang sindak. Pasalamat niya't nakontrol niya ang sarili. Takot man ay nagpakatatag siya. Pinakatitigan niya ang nakatalikod na babae. At nang makita niyang yumuyugyog ang mga balikat nito ay napagtanto na niyang ito ang nanaghoy kanina pa.

"Miss, okay ka lang?" agaw-pansin niya nang makuha niya at mapakalma ang sarili. Nga lang ay laking pagtataka na naman niya nang bigla na lang itong nagtatakbo paalis. Halos magsalubong na talaga ang mga kilay niya. Gusto niya rin sanang habulin ang babae pero nag-alangan siya dahil gubat na ang tinakbuhan ng babae.

Kamot-ulo na lang si Jaron sa labis-labis na pagtataka. Sa loob-loob niya ay, "Sino kaya ang babaeng iyon? Bakit dito sa dilim pa siya umiiyak?"

Ilang buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan bago napasiyang pumasok na sa bahay. Iiling-iling. Wirdong-wirdo siya sa babae.

"Sh*t!" Ngunit kulang na lang ay mapatalon muli siya sa gulat nang pagbukas niya ng back door ng kusina ay naroon si Sielyn. Nakatayo roon at seryoso ang maputlang mukha na nakatingin sa kaniya.

"Sorry, nagulat kita," mabini ang tinig na salita ng dalaga.

"Tinakot mo naman ako!" Nasapo ni Jaron ang kaniyang dibdib. Humingal siya nang humingal. At gusto niyang sapukin ang sarili dahil kailan pa siya naging matatakutin.

"Bakit ka kasi naroon sa labas? Madilim doon, ah?" walang reaksyon ang mukha na tanong ng dalaga.

"Ah, eh..." Naalala ni Jaron ang babaeng umiiyak kanina. "Ano... may ano kasi..." Napatingin siya sa bandang tinakbuhan ng babae. "May naririnig kasi ako kaninang umiiyak kaya lumabas ako't tiningan, pero wala naman. Siguro tunog lang iyon ng ligaw na hayop," pagkuwa'y pagsisinungaling niya. Naisip niya, hindi na siguro kailangang malaman pa ni Sielyn ang tungkol sa umiiyak na babae na iyon. Nangamba siya na baka mamaya ay mag-isip pa ito ng kung ano-ano ukol sa babae.

"Kung ganoon ay halika ka na. Pumasok ka na," iisa lamang ang tono kanina pa na anyaya sa kaniya ni Sielyn. Iyong tinig na parang walang kabuhay-buhay. Tumalikod ito at humakbang.

Kakamot-kamot ulong sumunod si Jaron sa nobya. Pero habang nakasunod siya ay hindi niya mapigilang pagmasdan ang likod nito. Maliban sa parang nagbago na ang pananalita nito ay napansin na rin kasi niya ang paraan ng paglakad nito.

Parang may mali. Parang hindi normal dahil straight na straight ang katawan ng dalaga sa paglakad. Unat na unat din ang dalawang kamay nito sa tagiliran.

"Matulog ka na ulit," bigla ay sabi ni Sielyn kasabay nang paglingon sa kaniya.

"Ah, oo." Bahagya siyang nagulat. Hindi lang niya ipinahalata. Idinaan niya sa malawak na pagngiti.

"May problema ba, Jaron?" tanong sa kaniya ng nobya. Napansin na rin niya poker face ito. Iisa lang din ang ekspresyon ng mukha nito, na kulang na lang ay hindi ito kumurap.

Ipinilig muna ni Jaron ang ulo bago sumagot. Pinaliksi niya ang tinig. "Um, syempre wala. Malungkot lang ako konti dahil dito nga ako natulog ngayong gabi pero hindi naman tayo tabi. Alam mo 'yon," at nilangkapan niya ng biro ang sinabi.

Hinintay niyang ngumiti si Sielyn ngunit nabigo siya. Wala pa rin itong naging reaksyon.

"Matulog ka na," sa halip ay sabi lamang nito't tumalikod na. Pumasok na sa kuwarto nito.

PATAY NA SI SIELYNTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon