Part 16

4.4K 128 0
                                    

GABI na naman at katulad sa nagdaang gabi na pananatili nila sa lugar na iyon ay napakatahimik na ng paligid. Tanging ang mga tunog ng mga panggabing mga insekto ang naririnig.

"Ano ba 'yon?" yamot nang tanong ni Jake dahil kanina pa kalabit nang kalabit si Vida sa kaniya. Kung kailan makukuha na kasi niya ang tulog niya ay doon naman siya kalalabitin na naman ng nobya.

"Jake, natatakot ako," nangangatal na sabi ni Vida. Nakayakap na ito sa likod ng nobyo pero takot na takot pa rin ito. Hindi nito makalimutan ang nakita sa bahay nina Sielyn. Pakiramdam nito ngayon ay may nakatingin sa kanila. Nai-imagine tuloy nito na baka biglang bubulaga sa harapan nila ang bangkay na nakita nila roon.

"Itulog mo lang 'yan. Baka mamaya magising si Claudith. Magalit na naman siya sa atin." Kakamot- kamot na pumihit si Jake ng pagkakahiga. "Halika. Yakap ka sa akin."

Agad isinubsob ni Vida ang mukha sa malapad na dibdib ng kasintahan. "Kahit ano ang gawin ko ay hindi ako makatulog. Para kasing ano, eh."

"Huwag kang matakot. Nandito naman ako, eh." Masuyong hinagud-hagod ni Jake ang likod ni Vida matapos itong kintalan ng halik sa noo.

Nakagaan naman iyon sa dibdib ni Vida. Naibsan ang takot nito kahit paano.

"Jake? Vida?" nagulantang nga lang sila ulit ni Jake nang biglang tawag ni Claudith sa pangalan nila. Napabalikwas talaga sila ng bangon. Muntikan na silang mapatakbo na naman nang wala sa oras. Akala nila ay kung ano na.

"Tulog na ba kayo?" tanong pa ni Claudith.

Huminga muna ang dalawa.

"Hindi pa, Claudith," dikawasa'y nginig ang boses na sagot ni Vida.

Tumayo naman si Jake upang buksan ang pinto.

"Hindi rin ba kayo nakatulog?" Mabilis na pumasok sa inuukopa nilang kuwarto si Claudith.

"Ang totoo ay hindi," matapat na saad ni Vida. "Nararamdaman mo rin ba ang nararamdaman ko? Iyong parang may nakatingin?"

"Oo, eh." Hindi na naitago pa ni Claudith ang takot. Mabilis itong umakyat sa kama at nagsumiksik sa mga kaibigan.

Napatili na rin si Vida na napayakap na sa kaniya. Nagyakapan ang dalawang dalaga.

"Lalo niyo lang tinatakot ang sarili niyo niyan, eh," nagmamatapang na saway ni Jake sa kanila.

"Pero, Jake, may kumaluskos din sa may labas ng bintana kanina. Parang may tao," wika ni Claudith.

"Alangan namang sundan pa tayo ng multong si Sielyn dito?" tapang-tapangan pa rin ni Jake. Akmang isasara niya ang pinto ng kuwarto, subalit hindi pa man niya nagagawa iyon ay pabalibag naman na nagbukas ang bintana.

"Sh*t! Sh*t! Sh*t!" Agad na nagtatakbo si Jake at nakisiksik na rin sa yakapan nina Claudith at Vida. Siya na ang nasa gitna ng dalawang dalaga.

"Diyos ko, tulungan mo kami!" naibulalas ni Vida. Naiiyak na naman ito sa takot.

Mabilis na hinablot naman ni Claudith ang kumot. Itinalakbong niya iyon hanggang ulo. Gumaya sa kaniya sina Jake at Vida.

Sa ilalim ng kumot ay nakiramdam sila. Naghintay. Nga lang, wala namang nangyari na kakaiba pa.

"Sa tingin niyo kagagawan iyon ni Sielyn?" tanong ni Jake.

"Sino pa ba?!" singhal dito ni Claudith.

"Umuwi na tayo," ungot ni Vida sa kanina pa iminumungkahi.

"Walang uuwi hangga't hindi natin kasama si Jaron!" ngunit matatag na sabi pa rin ni Claudith.

Nagsiksikan ulit sila sa isa't isa. Saka lamang nila inalis ang kumot sa ulo nila nang wala pa rin silang maramdaman o marinig na kakaiba.

PATAY NA SI SIELYNTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon