Part 18

4.5K 133 0
                                    

RAMDAM na ramdam ni Jaron na nagtayuan lahat ng kaniyang mga balahibo sa katawan nang lumangitngit ang pinto ng bahay nina Sielyn. Kamuntikan na niya tuloy nasira ang pagtutulog-tulugan niya nang muntik na siyang magmulat ng mga mata. Pasalamat niya't nakontrol niya pa rin ang sarili sa kabila ng pagbalot sa kaniya ng tila napakalamig na hangin.

Matapos silang magdramahan kanina ni Sielyn ay muli siya nitong inutusan na bumalik sa pagtulog dahil maaga pa raw. Alas-kuwatro pa lang ng madaling araw kanina.

Ang hindi alam ni Sielyn ay hindi na siya makatulog pa. Nagtulog-tulugan na lang siya habang pinag-iisipan ang natuklasan niya.

Isa pa, kahit nobya niya si Sielyn at alam niyang hindi siya nito sasaktan, hindi pa rin maiiwasan na makaramdam siya ng takot. Naroon pa rin ang pangingilabot niya't panlalaki ng ulo niya kapag naiisip niyang patay na ang kasama niya sa bahay na iyon.

Magkagayunpaman, wala pa siyang balak umalis. May gusto pa siyang matuklasan. At iyon ay kung paanong naging multo o bangkay na si Sielyn na nagpapanggap na buhay. Aalamin niya kung ano ang nangyari rito.

Saka lamang nagmulat ng mga mata si Jaron nang magsara naman ang pinto. Sigurado siyang may lumabas.

Syempre si Sielyn!

Ang tanong niya sa isipan niya ngayon ay kung saan pupunta si Sielyn sa ganoong oras. Mag-aalas-singko pa lang ng umaga.

Kinakabahan man ay tumayo siya. Mabilis ang naging kilos niyang sumunod sa dalaga. Ang dilim ng paligid, gayunman malinaw na malinaw si Sielyn na nakikita niyang naglalakad dahil sa napakaputi nitong kasuotan habang bitbit ang isang basket.

Malinaw na sa kaniya ang lahat ngayon. Kaya naman pala parang hindi nagbibihis si Sielyn, kaya naman pala minsan nakakaamoy siya ng mabaho rito, iyon pala ay dahil patay na ito.

Gawa ng kaniyang naramdamang dalamhati ay muntik nang manlambot ang mga tuhod ni Jaron. Kinailangan niyang humawak sa isang puno at nag-ipon muna ng lakas-loob. Nakasunod ang tingin niya sa papalayong nobya habang panay ang pagpuno niya ng hangin sa dibdib. Saka lamang siya ulit sumunod rito nang mapakalma niya ang sarili kahit paano. Kinailangan nga lang niyang magtago sa isang puno nang biglang lumingon sa dako niya ang dalaga. Sobra siyang kinabahan. Tumataas-baba ang kaniyang dibdib sa pangambang baka nakita siya nito.

Makalipas ang ilang sandali, nang wala namang nangyari ay nagpasiya si Jaron na silipin ang dalaga. Naglalakad ito ulit kaya sumunod siya ulit.

Tumigil lamang si Sielyn sa paglalakad nang narating ang gilid ng kalsada. Kalsada na pamilyar para kay Jaron. Pamilyar dahil doon siya noon nasiraan ng kotse kung saan unang nagkakilala rin sila ni Sielyn dahil sa pagtulong nito sa kaniya.

"What the hell is she doing? Bakit wala na siyang kilos?" tanong sa isipan ni Jaron. Halos magkandahaba-haba ang leeg niya sa pagtanaw sa nobya. Ang tagal na kasi, ang tagal nang nakatayo lang doon ang dalaga.

May kumagat sa kaniyang paanan kaya kinailangan niyang ialis ang tingin niya kay Sielyn. Kinamot niya muna iyon. Nga lang, nang ibalik niya ang tingin kay Sielyn ay wala na ito sa kinatatayuan.

"Nasaan na siya?" tanong niya. Napalabas tuloy siya sa pinagtataguan nang wala sa oras. Iginagala niya ang paningin na lumapit sa gilid ng kalsada.

"Tangna!" nang walang anu-ano ay sambit niya dahil biglang may umaarangkadang kotse. Napaupo pa siya sa gulat dahil muntik na siyang mahagip. Sumunod doon ay pagkadinig niya ng lagabog.

May nabangga ang kotse! Isang babae! At mistulang slow motion sa pelikula na kitang-kita niya ang pagtilapon nito sa kabilang gilid ng kalsada!

"F*ck!" sakbibi ng takot na naisambulat niya pa sa nakakarimarim na pangyayari. Natigagal siya nang husto. Hindi siya agad naka-recover. Ilang minuto ang lumipas bago nag sink-in sa isipan niya na dapat niya palang tulungan ang nabanggang babae.

Nangangatog ang mga tuhod niya na pinilit niyang tumayo. Napapalunok siya na dahan-dahan niyang nilapitan ang babaeng duguan.

"Ugh!" Sa kasamaang palad ay may biglang malakas na pumalo sa likod ng ulo niya at sa isang iglap ay nagdilim ang kaniyang paningin. Bumagsak ang lumupaypay na katawan niya sa sementadong kalsada.

PATAY NA SI SIELYNTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon