Part 14

4.7K 139 0
                                    

"SAKTO mukhang walang tao. Wala rin yata si Sielyn," natuwang wika ni Jake nang dahan-dahan nitong buksan ang pinto ng kusina sa likuran ng bahay nina Sielyn.

Plinano nila ang pasukin ang bahay nina Sielyn nang makita nilang umalis si Jaron. Sinabi ni Claudith na pagkakataon na nila upang malaman ang katotohanan; kung multo nga ba si Sielyn tulad ng kanilang hinala o hindi.

"Pasok na dali!" tulak ni Claudith sa lalaking kaibigan. Nasa gitna siya nina Jake at Vida. Animo'y nakapila sila sa pagpasok habang nakakapit sila sa balikat ng bawat isa. Hitsurang papasok sila sa isang horror house na wala pa man ay mga takot na.

At ganoon na lamang ang pagtataka nila nang makapasok sila at makita nilang ang gulo-gulo ng loob ng bahay nina Sielyn. Ang malinis at maayos na bahay na nakita nila sa mga nagdaang araw ay nagmistula na ngayong inabanduna.

"Ano 'to? Bakit parang naging haunted house na ang bahay nina Sielyn?" bulalas ni Vida. Mas natakot na ito kaya sumiksik na siya sa pagitan nina Claudith at Jake. Kung kanina ipinagpipilitan nitong sa hulihan ito, ngayon ay nasa gitna na ito at napakapit sa braso ng nobyong si Jake.

Awang ang mga labing iginala naman ni Claudith ang paningin sa loob ng bahay. Ibang-iba na talaga ang hitsura ng loob ng bahay nina Sielyn kumpara noong pumunta siya roon kahapon na napakaaliwalas. Ang hitsura na ngayon ng bahay ay parang ilang araw nang hindi ito tinitirhan ng tao. Napakagulo at napakadumi.

"Yuck, ano 'yang nasa lamesa?" nandidiri na katanungan ni Vida nang makita nila na parang may kumain doon ngunit ang dumi ng mga plato at baso. Ang karne sa mangkok ay inuuod pa. Ang kanin ay halatang panis na.

"Huwag mo na lang pansinin," payo ni Jake sa nobya.

Takang-taka na kinilatis pa ng magkakaibigan ang bahay. Nasa salas na sila at mas nasindak sila sa mga nagkalat na lantang mga gulay sa may pinto. Pati ang basket na kinalalagyan niyon ay naroon din na nakakalat lang.

Sumidhi ang kaba sa dibdib ni Claudith dahil naalala niya ang basket at mga gulay. Iyon ang hawak kahapon ni Sielyn.

"Seriously, natitiis ni Jaron na tumira sa ganitong bahay?" hindi makapaniwalang naiwika na ni Jake.

"Sa tingin ko ay hindi ganito ang bahay na nakikita ni Jaron dahil hindi rin ganito ang nakita ko noong nakapasok ako rito kahapon. Malinis ang bahay at hindi ganito," ani Claudith.

"Sigurado ka, Claudith?" si Vida. Buntot-buntot ito sa nobyo.

Madaming tango ang itinugon ni Claudith.

"Kung ganoon ay baka naman nagkamali tayo ng bahay na pinasukan?" ani pa ni Vida.

"Paano tayo magkakamali, eh, iisa lang naman bahay na 'to rito?" pagkontra ni Jake sa sinabi ng nobya.

Napangiwi si Vida. "Oo nga, ano? Pero paano natin maipapaliwanag ito kung gano'n?"

Walang sumagot kay Vida dahil nagkibit-balikat na lamang si Jake. Si Claudith naman ay humakbang patungo sa isang silid na medyo nakaawang ang pinto. Tahimik na sumunod ang magkasintahan sa kaniya. Nang makalapit sila ay dahan-dahang itinulak ni Claudith ang pinto upang tuluyang mabuksan.

Subalit sabay-sabay silang napatiling tatlo nang makita nila roon ang isang bangkay. Nakahiga sa kama at naaagnas na.

Nagtitili sila na nag-unahan nang labas sa bahay na iyon. Ngunit dahil nagkandadapa-dapa sila ay nauudlot. Pagdating pa nila sa pinasukan nila kaninang kusina ay nakapagtataka na sarado na ang back door, na kahit anong gawin nila ay hindi na nila mabuksan-buksan.

"Jake, bilisan mo!" sakbibi ng takot ay pasigaw na mando ni Claudith sa kaibigang lalaki. Palingon-lingon sila ni Vida sa kanilang likuran sa takot na sumunod sa kanila ang naagnas na bangkay.

"Ayoko na rito!" Nag-iiyak na si Vida.

"Ayaw, eh!" Itinudo na ni Jake ang lakas sa pagtulak sa pinto ngunit hindi niya talaga mabuksan. Sa pagkakataranta't matinding takot ay hindi na rin sila makaisip nang matino.

Nagtitili ulit sina Vida at Claudith na nagsiksikan sila sa isa't isa dahil bigla ay lumakas ang hangin sa buong paligid.

"Kalma lang! Kalma lang!" awat ni Jake sa dalawang dalaga na nagtago sa likod nito.

"How can we stay calm in this situation?! Stupid!" sa kabila ng lahat ay pagtataray pa rin ni Claudith.

Mas lumakas pa ang hangin. Halos tangayin sila sa lakas niyon. Nagsumiksik na lang silang tatlo sa isang sulok ng pinto habang takot na takot ang mga histura nila na palinga-linga sa paligid.

"Ay!" sabay-sabay nilang sambit nang bigla ay nagbukas din ang pinto. Kamuntikan na silang maipit.

Naginhawaan lamang sila nang makita nila si Jaron.

"Jaron!" Mangiyak-ngiyak na yumakap agad rito si Claudith.

"Ano na naman ang ginagawa niyo rito?! Bakit nandito na naman kayo?!" subalit ay bulyaw sa kanila ng binatang walang kaalam-alam sa kanilang naranasan. Galit na pinalis nito ang mga kamay ni Claudith na nakayap dito.

"Insan, may ano doon! May—" Hapong-hapo ang histura ni Jake na itinuro ang silid na nakitaan nila ng bangkay na naaagnas. Subalit hindi pa nito nasasabi sa pinsan ang tungkol sa bangkay ay natigilan na ito. Halos lumuwa ang mga mata ni Jake nang mapansin na nitong balik maaliwalas na pala ang hitsura ng loob ng bahay nina Sielyn. Gayundin sina Vida at Claudith na napanganga pa.

Ang madumi at magulo na animo'y inabandunang bahay kanina na napasukan nila ay maganda na ulit. Malinis na ulit at ni wala ni isang ebidensya sa kanilang nasaksihan kanina.

PATAY NA SI SIELYNTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon