Part 15

4.4K 142 0
                                    

Nagsasabong ang dalawang kilay ni Jaron na tiningnan isa-isa ang magkakaibigan.

"Ano'ng nangyayari, Jaron? Bakit sila nasa loob ng bahay namin?" bungad naman ni Sielyn. Lumabas ito mula sa silid na nakitaan ng tatlo nang naaagnas na bangkay.

Lalong napanganga ang tatlong magkakaibigan. Hindi makapaniwala ang mga hitsura.

"Hindi ko alam, Sielyn. Naratnan ko na lang sila rito. Buti na lang at bumalik ako dahil nakalimutan ko ang wallet ko," paliwanag ni Jaron sa nobya.

"Jaron, si Sielyn! Isa siyang multo! Multo siya, Jason! Patay na siya! Siya ang nakita naming bangkay kanina! Siya pala iyon!" hindi nagtagal ay hestirya na ni Claudith nang maalala ang suot ng bangkay na nakita nila kanina na parehas sa suot ngayon ni Sielyn.

Sigurado na siya ngayon. Patay na si Sielyn!

"Ano ba'ng sinasabi mo, Claudith?! Mahiya ka nga!" bulyaw ni Jaron sa dating nobya. Nahawakan niya ito sa magkabilang braso at niyugyog. "Hindi ka pa rin nagbabago! Gagawin mo pa rin ang lahat ng paraan para mapansin ka! Para ikaw pa rin ang bida! Pero sorry dahil hindi ko na itu-tolerate ang ugali mo na 'yan!"

"Jaron, maniwala ka kay Claudith! Totoo ang sinasabi niya dahil saksi rin kami! Kanina nang pumasok kami rito ay parang haunted house ang bahay na 'to! Tapos sa kuwartong iyon! Doon ay may bangkay kaming nakita!" pangungumbinsi rin ni Vida kay Jaron. Tuwid na tuwid ang pagkakaturo nito sa kuwarto na nakitaan nila ng bangkay mapaniwala lamang si Jaron.

"Oo, insan! Kahit ako kitang-kita ko! May bangkay sa kuwartong iyon!" ayuda ni Jake sa kasintahan.

Sa kamalasan, lalong nagsalubong ang dalawang kilay ni Jaron. Ayaw talaga silang paniwalaan.

"Jaron, paalisin mo na sila!" Galit na ang boses ni Sielyn nang muli itong magsalita. Dilat na dilat ang mga mata nito, kuyom na kuyom din ang mga kamao.

Nagulat man dahil ngayon lang nakita ni Jaron ang nobya sa ganoong hitsura, na puno ng galit ang mga mata ay sinunod niya ito. Hinayo niya palabas sina Claudith. "Sige na umalis na kayo."

"Jaron, hindi ako aalis! Hindi kita iiwanan sa babaeng multo na iyan!" pagmamatigas sana ni Claudith.

"Sige na! Alis na!" ngunit pagtataboy pa rin ni Jaron.

"Jaron, maniwala ka sa amin! Patay na ang babaeng 'yan! She's just manipulating you! Hindi totoo ang nakikita mo sa bahay na ito!" giit ni Claudith.

"Sabing umalis na kayo!" Wala nang pinagpilian kundi ipagtulakan ni Jaron ang tatlo saka pabalibag na isinara ang pinto nang magtagumpay siya.

Nagkatinginan silang magkasintahan pagkatapos. Punong-puno ng pagpapasenya ang tingin ni Jaron kay Sielyn.

"Pasensya ka na sa kanila," siya na ang humingi ng paumanhin para sa ginawa ng tatlo ngunit walang imik na tinalikuran lamang siya ni Sielyn.

Bagaman man nagdadalawang-isip ay sinundan ni Jaron ang nobya.

"Sielyn, pasensiya ka na talaga sa mga kaibigan ko, ha? Pinagkakamalan ka pa nilang multo. Mga nababaliw na talaga ang mga iyon," at paghingi niya ulit ng paumanhin nang makita niya ito sa kusina.

Naglalabas ng gulay sa basket si Sielyn. Kumuha ng kutsilyo at nagsimulang balatan ang isang sayote

Kamot-batok si Jaron dahil hindi pa rin siya pinapansin ng dalaga. Nagpatuloy lang ito sa ginagawa.

"Tulungan na kita," nang hindi makatiis ay sabi niya ulit. Kinuha niya naman ang sibuyas at bawang. Dahil sayote ang binabalatan ng nobya ay naisip niyang baka tinola ang lulutuin nitong ulam ngayon. Habang binabalatan din niya ang mga sibuyas ay palinga-linga siya kay Sielyn. Napansin niyang mas naging seryoso pa ang mukha nito. Masama malamang ang loob.

Nagngitngit ang kalooban niya para sa dating nobya. Ano na naman kaya nakain ng babaeng iyon? Ang sakit talaga nito sa ulo? Lahat na lang ay gagawin para magpapansin. Sabihin ba namang multo si Sielyn. Kundi ba naman nasisiraan na talaga ng ulo.

Inirespeto niya ang pananahimik ng nobya. Ipininid na rin niya ang bibig na ipinagpatuloy ang pagluluto.

"Um, tinola ang lulutuin natin, ano? Nasaan ang manok, Sielyn, nang mai-prepare ko na pala?" subalit kinailangan niyang itanong nang maalalang dapat ang manok ang una nilang kinakatay kasi mahirap iyong gawin.

Bago siya sinuwerte sa buhay ay naging tauhan siya ng karinderya ng kaniyang tiyahin. Doon siya natuto na magluto at kung anu-ano pa ukol sa kusina. Nagsipag siya kaya naman natuwa sa kaniya ang kaniyang tiyahin at pinag-aral siya. Nang makatapos siya ng kursong Bachelor of Fine Arts ay noon na nagbago kahit paano ang kaniyang buhay.

"Sielyn!" Ngunit ganoon na lamang ang pamimilog ng kaniyang mga mata nang makita niyang nahiwa ang isang daliri ni Sielyn at halos maihiwalay na sa kamay nito. Mabilis niya iyong hinawakan.

"Bakit, Jaron?" wala lang na tanong ni Sielyn.

"Ang kamay mo!" nagpa-panic na aniya. Ang mas ikipinagtaka niya ay nang tingnan niya ang kamay ni Sielyn. Maayos naman ang daliri nito. Ni walang bakas na nahiwa iyon. Wala man lang kahit gapatak na dugo.

"Ano'ng meron sa kamay ko, Jaron?"

"Kitang-kita ko kanina na nahiwa itong hintuturo mo. Paanong parang walang nangyari na maayos naman?" takang-taka na sagot niya habang kinikilatis ang kamay ng nobya. At dahil nakayuko siya ay hindi niya napapansin na sa mga sandaling iyon ay masama na ang tinging ipinukol sa kaniya ng dalaga.

"Kukunin ko ang manok sa likod-bahay," pag-iwas na sabi ng dalaga nang nag-angat ng tingin si Jaron.

"Ah, sige," takang-taka pa rin na sagot ni Jaron.

Binawi na ni Sielyn ang kamay at tumalikod. Lumabas na nga ng kusina.

"Paanong nangyari iyon? Sigurado ako sa nakita ko," sa isip-isip ni Jaron nang mapag-isa siya sa kusina. "Fuck shit!" nang bigla ay sobrang gulat at diri niya nang makita niya ang putol na daliri sa lababo. Takot na takot siyang napalayo sa lababo. Humihingal na natuliro sa may tabi ng lamesa. Napakapit pa siya sa isang upuan.

"Jaron, ano'ng nangyari sa 'yo?"

Halos mapatalon na talaga sa gulat si Jaron nang nasa tabi na pala niya si Sielyn. Bumalik pala.

"May nakakatakot ka bang nakita?" tanong pa ng dalaga.

"Um, wala. Ano... may dumaan lang na maliit na daga kaya nagulat ako," nanginginig na boses na kaila niya. Pasimple niyang tiningnan ang kamay ni Sielyn at parang nanlalaki na ang kaniyang ulo sa takot dahil maayos naman ang mga daliri ng dalaga.

PATAY NA SI SIELYNTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon